Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugsu-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood
sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa
isang tagong sulok ng silid-aklatan, pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa
pagluha. Doon niya ako natagpuan.
“Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig.
“Tila may suliranin .. mabuti sana kung makakatulong ako.”
Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan
ay ibinilang kong kahihiyan ay kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap,
pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa
sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan.
“Hindi ko alam na may tao rito”….. naparito ako upang umiyak din.”
Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang
kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti
sa kanyang labi.