Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya
sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas
na ito sa kariktan kundi pagkatapos na lamang ng pangyayaring iyon sa silid-
aklatan.
Ang pananalig niya sa kalooban ng maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa
mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang
pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na
karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan.
Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng
pag-aaral naming sa kanya. Ngunit bumanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae,
sa tangi niyang anak. .. nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin
kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral naming
ang nakababatid na siya’y hindi balo.
Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay
nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon.