Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na klamang ang tinig sa
pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siya nang pinakamabigat.Nakinig siya
sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung
paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit, siya’y
nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na
matapat.
Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay
natatanaw na nang bigla akong makaalala.
“Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo ng pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na
iyo na … iniiyakan ko?”
Tumawa siya ng marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na …
iniiyakan natin… nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig:
“sana’y masabi ko sa iyo, ngunit… ang suliranin.. kailanman. Ang ibig kong sabihin
ay … maging higit na mabuti sana sa iyo ang … buhay.”
Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa
pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at
mahiyain niyang mga ngiti sa amin, sa paglalim ng kunot sa noo niya sa kanyang
pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng
silid-aklatan. Ang sulok na iyon,.. “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong
iyon. At habang tumataginting sa silid naming ang kanyang tinig sa pagtuturo’y
hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng
silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong…
aming dalawa…
At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong
magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang sinasabi. Ngunit, sa
tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno
siya ng maririkit na guni-guni ang aming isipan at ng mga tunog ang aming pandinig
at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin naming sa
panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y
humanga.