Akala ko dati okey lang na makita ng iba na hindi ka nasasaktan, na hindi ka nalulungkot, na matatag ka at tinatawanan mo ang ang mga problema, na hindi ka apektado sa iba't ibang shit na ibato sa'yo ng buhay, na iharap sa tao ang nakangiting mukha habang binabayo ang kalooban mo ng isang tila bagyong dahan-dahang sumisira sa'yo...
Pero na-realize ko, hindi pala okey ang ganito.
Habang tumatagal, lumalala. Habang lumilipas ang panahon, lalong humihirap ipakita na masaya ka. Ang hirap palang magpanggap na malakas ka, na nakikita ng iba na malakas ka kasi akala nila kaya mong mag-isa. Pero hindi nila alam na durog na durog ka na sa kalooblooban mo. 'Yung tipong ang pundasyon pinilit mong itayo ay unti-unti nang gumuguho...