Chapter 1:

7.1K 125 2
                                    

"I GOT ITTTTTTT!"

Umalingaw ang malakas na sigaw ni Lirika sa malawak na bulubundukin ng Sierra Madre. Masaya siya. Masayang-masaya. Ilang hakbang na lamang ay mararating na niya ang tuktok ng tagumpay. Mahahawakan na niya ito at maipagmamalaki.

Isinandal ng dalaga ang bisikleta sa isa sa mga puno na nasa gilid ng makipot na kalsada at malaya itong naupo sa damuhan. Dito ay muli niyang sinariwa ang pinakamagandang balita na inihayag sa kanya ng mismong Headmistress ng unibersidad na kanyang pinapasukan...

"Congratulation, Miss Gonzales! You are this year's Summa Cum Laude!"

SUMMA CUM LAUDE.

"Thank you, Lorddddd! I love youuuuuu!"

She was really in great joy. Natapos na rin sa wakas ang pagsusunog niya ng kilay sa loob ng limang taon. At ngayon ay aanihin na niya ang bunga ng kanyang mga pagsisikap at iaalay ito sa pamilya na naging inspirasyon niya sa pag-aaral.

"Hoy!"

Napalingon si Lirika.

"Ilang metro pa lang ang layo ko, dinig ko na ang boses mo! Bakit ka ba sumusigaw?"

"Kuyaaaaaa!" Mabilis itong tumayo at tinakbo ang kapatid na pakargang yumakap dito.

"Ano ba? Ang bigat mo, ha?!" Tinanggal nito ang mga brasong nakapulupot sa kanyang leeg,
"Hindi ba't kabilin-bilinan ko na dumiretso ka kaagad ng bahay pagkatapos ng klase? Bakit nakatambay ka pa dito?"

Binalewala ng dalaga ang sunud-sunod na tanong ng istriktong kapatid. At sa halip na mag-alala ay lalong lumapad ang pagkakangiti nito, "Guess what?"

Napatitig si Eldrew sa kaharap. "Nanalo ka sa lotto? Mayaman na tayo?"

"Hindi naman ako tumataya, 'no?" asik nito.

"Dapat lang dahil alam mo namang ayaw na ayaw ni Amang na iniaasa natin ang suwerte sa sugal!"

"Oo na! Dali, hulaan mo!"

"Kung may sasabihin ka, deretsuhin mo na! Mukha ba akong manghuhula?"

Napabuga ng hangin sa bibig si Lirika. Ito ang ugali ng kanyang kapatid na madalas niyang kainisan. Masyadong killjoy. It always spoil the fun and surprises. Nakakawalang-gana.

"O sige na, sige na! Bigyan mo ako ng clue..." Inihiga nito sa lupa ang sariling bisikleta at sinundan ang kapatid na muling naupo sa damuhan. "Tao ba 'yan o hayop?"

Pinukol ng matalim na tingin ng dalaga ang katabi.

"Pagkain o bagay? Sige na," inakbayan nito ang kapatid. "Binibiro ka lang!"

"Nakuha ko ang unang puwesto," bumalik ang kasiyahan nito sa mukha.

"Tumakbo kang SK Chairman? Bakit wala kaming alam d'yan?"

Siniko ni Lirika sa tagiliran ang binata, "Ganyan na ba kahina ang IQ mo?"

"Uy! Huwag mong kalilimutan na Cum Laude ako," pagyayabang nito. Pareho lang sila ng eskuwelahang pinapasukan ng kapatid. Noong nakaraang taon lamang siya nagtapos sa kursong B.S. Accounting at ngayon ay nagtatrabaho siya sa munisipyo ng bayan bilang Clerk. Marami namang mas magagandang oportunidad ang inaalok sa kanya, pero hindi niya maiwan ang mga magulang lalo na't sariwa pa rin sa mga ito ang pagkawala ni Allyda, panganay sa kanilang magkakapatid na pinag-aral sa Maynila at mahigit anim na taon nang wala silang balita dito.

"Tinalo kita!"

Sandaling natigilan si Eldrew na muling napatitig sa katabi, "Hindi nga?"

"SUMMA CUM LAUDE!"

AWIT NG PAG-IBIG (Book 3: Rancho de Apollo) by: Lorna TulisanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon