Hindi lahat ng first love maganda ang kinahahantungan. Madalas, mapait pa sa ampalaya ang kinahihinatnan.
Tulad ng nakararami, high school ako noong una kong maranasan ang magmahal. First year palang may crush na ako. Natural, doon naman lahat nagsisimula iyon eh. Sa simpleng crush. Escort namin siya, ako ordinaryong estudyante lang. Cliché? Told you. Aaminin kong sa itsura niya ako unang naattract. Sino ba naman kasing hindi magkakagusto sa isang “almost perfect” na lalaki? Matangkad, moreno, matangos ang ilong, makinis ang mukha, maayos ang ngipin… well, dahil lang sa braces. ‘Yung mga mata niya, napakamapang-akit.
Seatmate ko siya noon sa lahat ng subjects dahil magkasunod ang mga apelyido namin. Alvarez siya, Alvaran ako. Ang galing nga eh, dalawang letters lang ang pinagkaiba. Noong una, hindi kami nag-uusap. Siyempre, lalaki siya, babae ako. Nakakahiya. Pero nakuntento na ako sa ganoon. At least katabi ko ang crush ko, 9 hours a day, 5 days a week..
“May extra ballpen ka?”
Tuwang-tuwa na ako sa apat na mga salitang iyon. Unang beses niya kasi akong kausapin. Naisip ko nga, at least sa akin siya nanghiram ng ballpen, hindi doon sa isa niya pang katabi na di hamak na mas maganda kaysa sa akin.
Lagi niya akong tinatawag na “uy”, kaya laking tuwa ko nang isang beses ay tinawag niya ako sa pangalan ko… ‘yun nga lang, para gisingin ako pagtapos ng film showing namin sa Science I.
Lumipas ang first year ng ganoon lang. Uy, hi, hello, kumusta, ngiti. Kung lalagyan ng brand ang relasyon namin noon, matatawag lang kaming acquaintances. At least noong second year, naglevel up. Friends na kami. Madalas na kaming mag-usap, mag-asaran, magsabay ng lunch at meryenda. Dumating nga sa point na inaasar na kami ng mga kaklase namin. Hindi ko nalang pinansin iyon, sabi niya kasi huwag.
Isa iyon sa mga hindi ko makakalimutang taon sa buong buhay ko. Noon ko kasi naranasan ang tinatawag nilang “sparks”. Nang dahil sa isang dance presentation namin sa MAPEH, nahawakan ko ang kamay niya. Mabuti na lamang at kami ang ipinares dahil daw kami ang love team. Panay ang panunukso nila pero hindi ko pa rin pinansin iyon, sabi niya kasi huwag.
Noong taong rin iyon, sobrang lungkot ang dinanas ko. Namatay kasi ang papa ni Ace dahil sa leukemia. Hinding hindi ko malilimutan ang itsura niya noong dumating sa kanya ang balita. Nagcecelebrate kami ng 100th foundation day ng school nang bigla nalang siyang tinawagan ng mama niya para sabihin ang nangyari. Ang sakit sa akin na makita siyang nalulungkot. Wala man akong magawa noon, ni hindi ko man siya masabihan ng “ayos lang ‘yan” para macomfort siya. Siyempre, sino ba namang tangang magsasabi ng ganoon sa namatayan? Eventually, everyone moved on.
Third year, nabuo sa bokabularyo namin ang salitang “ilangan”. Hindi ko rin alam kung papaano nagsimula iyon pero bandang kalagitnaan ng school year, madalang nalang kami magkasama. Lagi nalang ibang babae ang sinasamahan niya. Nagselos ako, oo, kahit alam kong wala akong karapatan. Tutal, magkaibigan lang naman kami, itinago ko nalang iyon sa sarili ko.
Madalas pa rin kaming tinutukso ng mga kaklase namin, wala namang nag-iba. Ang nagbago lang… siya. Gustung-gusto kong ipamukha sa kanya ang mga salitang binitiwan niya noong second year palang kami, na huwag kong pansinin ang mga pang-aasar na natatanggap namin. Pero wala akong lakas ng loob na kausapin siya, na amining mahal ko na nga siya.
Natapos ang third year na hindi kami nag-uusap ng matino. Nakikibalita naman ako kung meron na ba siyang girlfriend. Sa kabutihang palad, wala pa. Pero hindi ko namalayang unti-unti na palang namuo ang sama ko ng loob sa kanya.
Fourth year, ang huling taon ko sa high school. Ang huling taon na magkakasama kami bilang magkaklase. Ang unang taong kung saan totoong nagsimula na ang lahat.
BINABASA MO ANG
Bittersweet
Teen Fiction"Hindi lahat ng istorya may happy ending." Status: Completed © 2013 IskaExclusive. All rights reserved.