HINDI na mabilang ni Angeline kung pang ilang sulyap na niya iyon sa wristwatch na suot habang nakaupo pa din sa mahabang sofa sa lobby ng TMD Records. Tahimik pa din siya doong naghihintay. Tila iyon na ang pinakamatagal niyang paghihintay na ginawa dahil bawat minuto ay tila isang oras na ang dating dahil sa negatibong pakiramdam.
Sa tagal niyang nagtatrabaho bilang marketing manager ng Banco Royale ay sanay na siyang naghihintay sa mga kliyente. Karamihan naman kasi sa mga iyon ay talaga namang nga paimportante. Pero may pakiramdam siya na ang pagbibigay ni Aiden Dela Costa sa kaniya ng nine am appointment at dumating ng huling-huli na ay sinasadya nito.
Napapikit ang dalaga. Ayaw niyang magisip ng negatibo pero hindi niya maiwasan. Alas diyes na ng umaga at hindi biro ang maghintay sa kliyente ng tatlong oras kaya naman asar na asar na siya.
Muli siyang sumulyap sa suot na relo. Limang minuto makalipas ang alas diyes. Napasulyap siya sa sekretaryang si Lizette. Nahuli niyang tinapunan siya nito ng tingin bago binalingan ang computer at tumipa doon.
'Isa pa 'tong sekretarya na ito! Siguradong kasabwat ito ng magaling na boss niya!' asar na hiyaw ng isipan niya. Hindi niya tuloy naiwasan na irapan ito. Imposible namang hindi nito alam ang kinaroroonan ng boss nito gayong alam nitong meron appointment ang amo.
Napapitlag siya ng maramdamang biglang nagvibrate ang cellphone niya. Mabilis niya iyong kinuha sa bag at tiningnan. May dalawang text messages doon. Ang isa ay galing kay ma'am Jane na nagbigay ng goodluck words habang ang isa ay galing kay Bev na nagpadala ng joke. Pangpagood vibes daw. Marahil ay naramdaman nitong may hindi magandang nangyayari sa lakad niya sa umpisa pa lang. 'Ang galing mo talaga, bestfriend. Nararamdaman mo kapag may hindi magandang nangyayari sa akin.'
Akmang magrereply na siya sa kaibigan upang sabihin dito ang pagkaasar na nararamdaman nang biglang bumukas ang elevator. Nabitin ang mga daliri niya ng lumabas doon ang humahalimuyak na mabangong amoy. Muntik pa siyang mapapikit ng sumuot sa ilong niya ang swabeng amoy pero mabuti na lang at napigilan niya. Nagangat siya ng tingin nang kasunod ng mabangong amoy ay isang lalaki na nakasuot ng black suit ang lumabas ng elevator. Pero sa kasamaang-palad ay hindi niya nasilayan ang mukha nito dahil tila kidlat ito sa bilis na lumakad patungo sa lamesa ni Lizette na ngayon ay nakatayo na at binati ang bagong dating. Sandali itong nakipagusap sa sekretarya at mabilis na pumasok sa nakapinid na pinto ng opisina. Kasunod nito si Lizette na may dalang organizer na maaaring kinalalagyan ng mga schedule ng unprofessional nitong boss.
'Nakakainis!' hindi mapigilang komento ng isipan niya.
Umupo ng tuwid si Angeline. Tiyak na ito na si Aiden Dela Costa na siyang hinihintay niya base sa mga nasaksihan niya kaya mabilis siyang nagretouch at inayos ang sarili. Kahit naman naasar siya sa nga nangyayari ay kailangan pa din niyang magpakaprofessional at magmukhang professional. Hindi naman siya papayag na ang late lang niyang ka-meeting ang mukhang fresh habang siya ay humulas na ang kagandahan dahil sa mahabang paghihintay.
Eksakto paglabas ni Lizette ng opisina ng boss nito ay naitago na niya ang lahat ng mga gamit at umupo ng tuwid upang mas magmukhang kagalang galang.
Matamis ang ngiti na lumapit sa kaniya ang babae na ginantihan naman niya. "My boss just arrived, Ms. Pacardo. Humihingi siya ng paumanhin sa pagkahuli niya."
Pilit pero polite na ngiti ang humugis sa mga labi ng dalaga "Its okay." Sinabi mo ba na tatlong oras na akong naghihintay dito sa kaniya? Gusto sana niya iyong itanong pero iba ang lumabas sa mga bibig niya. "But I hope makakapagusap naman kami kaagad?"
Sunod-sunod na tango ang itinugon ng kaharap. "Yeah. Pinapasundo ka na nga niya. Lets go."
Nakahinga siya doon ng maluwang. Mabilis siyang yumuko at kinuha ang mga gamit niya saka siya sumunod kay Lizette. Bahagya na nitong binuksan ang pinto bago bumaling sa dalaga. "Pumasok ka na."
YOU ARE READING
Simple Limits
RomanceAt thirty, Masasabi na si Angeline ang buhay na patunay ng mga salitang "NBSB" o no-boyfriend-since-birth. Paano ba naman, busy na nga siya sa trabaho, busy pa siya sa pagpapaimpress sa nanay niya na walang ibang nakikita kundi ang bruhang kapatid n...