Spell DIEt

41 1 0
                                    

Scenario #1

MA’AM ADELLE:              Manong, softdrinks nga para kay Aubrey girl.

CICAY:                             Ma’am huwag na po. May dala po akong inumin tsaka hindi po ako umiinom ng softdrinks.

MA’AM ADELLE:              Ay bakit, diet ka?

Scenario #2

TITA JACKIE:                       Anak, bakit di ka kumakain? You’re on a diet?

CICAY:                                   Hindi po. Puro baboy kasi ang nakahain.

TITA JACKIE:                       Vegetarian ka?

Scenario #3

ARNIE:                                  Order ka na ng inumin mo Cai.

CICAY:                                   Tubig lang.

ARNIE:                                  Ang KJ naman nito.

Pag ayaw kumain / uminom ng softdrinks, diet agad?

Pag ayaw uminom ng alak, killjoy na?

Hindi ba puwedeng maalaga lang sa katawan?

Para sa mga hindi nakakaalam, wala sa bokabolaryo ko ang salitang “diet”. Totoo yon, hindi nga kain ang ginagawa ko kundi lamon. Palagi kong sinasabi, bakit kailangang mag-diyeta kung napakasarap lumamon? Madalas din kaming mag-food trip, kaya paano niyo nasasabing nagdidiyeta ako?

Dalawang bagay lang ang hindi ko kinakain – dugo at alugbati. Bukod diyan, lahat puwede na. Ummmm… mali pala. Pati pala tsitsirya (junk foods), sweets, at ice cream, puwede akong tumikim pero hindi puwedeng masobrahan. Hindi ako mahilig sa matamis. Ang isang bar ng tsokolate, aabot pa kinabukasan dahil madali akong maumay. Kumakain ako ng matamis pag kailangan ko ng sugar rush, lalo na sa matinding puyatan.

Hindi ako vegetarian, kumakain din naman ako ng baboy pero sobrang mapili ko dahil nagsawa na ako sa karne. May tindahan kami dati kaya pag may tirang paninda, yon ang ulam namin. Sino naman ang hindi magwawala kung ang laging ulam ay karne ng baboy? Pinalaki akong kumakain ng gulay at nasundan ng pagdidisiplina ng nutritionist naming mga atleta. Weirdo rin ako nong bata, makikita mo akong ngumangata ng hilaw na sibuyas, bawang at kamatis.

Mas gusto kong manirahan sa probinsya kaysa rito sa lungsod. Bawat kibot mo rito ang katumbas ay pera. Kahit talbos ng kamote, alugbati, kangkong, dahon ng malunggay ay binebenta. Sa probinsya, tatambay lang ako sa hardin, busog na ang anaconda sa tiyan ko. Pagkaing-baboy nga lang ang alugbati kaya nagulat ako nong unang sabak ko sa pamamalengke sa Commonwealth Market na kinakain pala yon ng mga tao rito sa Maynila. Pag panahon ng mangga sa Zambales, hindi mo ako makikita sa bahay dahil lagi akong nasa puno. Unggoy yata ako nong past life ko.

Limang taong gulang ako nong una kong natikman ang serbesa (beer). Nasobrahan ako ng kagagahan dahil natutuwa ako na bumubula pag binubuhos sa baso ang beer. Nadikit sa labi ko yung bula, ayon! Doon ko nalaman na mapait pala yon. Nagtataka ako kung bakit gustung-gusto nilang inumin. Medyo nasaniban ako ni Einstein kaya nag-research ako ng tungkol sa alak. Nong nalaman ko na masama sa katawan ang epekto non, hindi talaga ako uminom.

Baka sabihin niyo naman, sobrang boring ng buhay ko at hindi ako nakatikim ng kinagigiliwan niyong inumin. Nasubukan ko na rin dahil sa pamba-blackmail ng aking kababata na tatawagin natin sa bansag na Master Pogi (Ahem! Tristan Jay Regua – Haha! Binuking din). Binigyan niya ako ng isang basong alak (hard), hindi niya na raw ako kilala pag hindi ko siya pinagbigyan. Kadarating lang niya ng Pilipinas at ang New Year / Reunion ang una naming pagkikita. Siyempre, ako naman itong walang alam sa inuman, tinungga ko yung buong baso. Nanay ko po! Ang init sa katawan! Gumuguhit sa lalamunan yung tapang ng alak. Nagulat yata siya sa akin – “Sabi mo hindi ka umiinom, bakit mo tinungga? Siguro kung umiinom ka, ang taas ang alcohol tolerance mo.”

Anong nangyari pagkatapos ng isang basong alak? Nasira ang tiyan ko. Hindi na ako umulit.

Pag nakakakita ako ng softdrinks, nahihiwagaan na ako kung ano ang lasa. Taong 2001 nong itinigil ko ang pag-inom nito. Bago pa nangyari yon, isa rin ako sa mga nahumaling sa mga soda. Mabilis na pamatid-uhaw, may lasa kaysa sa tubig at higit sa lahat, maraming pagpipilian. Noong panahong tumatakbo pa ako, pinagbawalan na kaming uminom pero sadyang suwail at bugso na rin ng kabataan, nakuha ko pa ring sumuway sa trainer namin. Nalaman nila ang ginagawa namin kaya pati nagtitinda sa canteen, kinuntsaba nila. Nasa koliheyo na ako nong sinita ng propesor namin ang isang pasaway na kamag-aral namin kung bakit siya nagmemeryenda sa klase. “Bakit niyo ba nagustuhan ang softdrinks, alam niyo bang 98% niyan ay sugar?”

Naging ugali ko ang hindi pagkain o pag-inom ng mga nakakasama sa katawan, kaya nong sinabi ni Prof. dela Peña yon, nabahala talaga ako. Okay lang sana nong high school dahil aktibo pa ako, pero mula nong natigil ako sa pagsama sa mga palakasan, wala akong ibang ehersisyo kundi ang paglalakad. Kung hindi ko kayang gawin ang binigay na routine, hindi ko naman isasakripisyo ang aking kalusugan.

Hindi bago sa akin ang mga scenario na nabanggit sa taas. Madalas mangyari ang ganoong usapan. Pag may nagtatanong kung diet ako, diyan kayo nagkakamali. Kahit puyat ako lagi, hindi ako sakitin. Yan ang benepisyo ko sa pagkain ng gulay at prutas at ang hindi pag-inom ng alak at softdrinks. Bakit hindi mo subukan?

Natatakot ka bang matawag na KJ tulad ko?

:D

Journal-ISM [ I Suck Much ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon