Maganda ang mga ngiti niya. Parang may mga mapupulang rosas sa kanyang labi na masarap pagmasdan. Sa tuwing ngingiti siya, para bang laging New Year's Eve, dami kaseng fireworks sa mga mata niya. Yung buhok niya malambot, itim na itim. Nakakainggit nga ang buhok niya kase mabango, straight pa, hindi katulad ng buhok ko na laging magulo at buhaghag pa. Nakakainis din kase mas mahaba pa nga yung buhok niya kaysa sa akin. Mas mukha tuloy akong lalake sa kanya.
Lagi siyang tumatawa. Ngumingiti. Ni minsan nga hindi ko siya nakitang sumangot o umiyak. Lagi niya rin akog pinapatawa. Tatawa kami ng tatawa. Hindi siya nakakabagot kasama kase lagi siyang masaya, lagi niya akong niyaya maglaro. Sa tuwing nakaupo lang ako mag-isa sa swing, uupo siya sa katabing swing, at yayayain akong maglaro sa field, sa park, sa old building malapit sa market, sa bahay namin, sa bahay nila, kung saan-saan sa village. Maglalaro lang kami nang maglalaro. Masaya talaga.
Pero bakit ganun... ngayong naaalala ko ang lahat ng ito, bakit parang panaginip na lang yun? Hindi na nga ako naniniwala na totoo pala yung mga bagay na iyon. Baka nga siguro wala talagang Jojo. Walang field, walang park, wala lahat. Baka gawa-gawa ko lang yun. Pero.... hindi eh. Nangyari talaga. Katibayan na ang litratong tinititigan ko ngayon. Litrato naming dalawa sa park, doon sa may swing, kung saan kami unang nagkakilala. Matagal na rin simula nang makita ko ang litratong ito. Parang hindi nga ako ang batang nandito eh. Iba ang mga ngiti niya kaysa sa akin. Iba ang kislap ng kanyang mga mata. Ako ba talaga siya?
Si Jojo... ilang taon na rin kaming hindi nagkita. Simula nung six years old ako, nagkahiwalay sila Mama at Papa tapos sumama ako kay Mama at ang mga kapatid ko kay Papa at sa bago niyang asawa. Naalala ko noon, hindi na nga ako nakapagpaalam sa kanya. Hindi ako umiyak. Nalungkot ba ako...? Ewan ko. Hindi ko matandaan. Basta ang naalala ko lang ay may sakit si Jojo noon kaya nasa bahay lang siya at hindi makalabas. Nagmamadali naman kami ni Mama dahil ayaw niya na daw doon sa lugar na iyon.
Napakalayong memorya. Isang memorya, isang alaala na napakalabo na sa aking isipan. Memorya na parang isa na lamang panaginip. Isang maiksing panaginip.
Tinitigan ko muli ang mukha ni Jojo sa litratong ito. Nung mga panahon na hindi kami nagkita at nagkasama, ano kayang nangyari sa kanya? Nagkaroon kaya siya ng mga bagong kaibigan? Siguro, malamang. Si Jojo pa. Napaka-palakaibigan ng lalakeng iyon. Ganun pa rin kaya siya? Masayahin? Ganun pa rin kaya ang kanyang mga ngiti at may fireworks pa kaya sa kanyang mga mata? O baka nagbago siya.....
Kagaya ko.
Hindi ko na siya kilala. Hindi ko na nga masasabing magkaibigan kami, ang tagal na nun. Kaya kanina, nung kakauwi lang ni Mama at kumakain kami ng sinigang na baboy, yung sinabi niya ang balita tungkol kay Jojo, wala akong naramdaman.
Namatay si Jojo. Namatay dahil sa asthma. Nakalimutan ko na nga siya eh, halos hindi ko na maalala na nagkaron pala ako ng kaibigan na pangalan ay Jojo.
Pero bakit ganun? Bakit tinititigan ko ngayon ang mukha niya sa larawan, at ngayon, sa mga oras na ito, bigla na lang akong nakaramdam ng kakaibang kalungkutan?