"J-jojo?" tawag ko sa pangalan niya. Matagal-tagal na rin simula noong huli kong nabigkas ang pangalan niyang iyan. Matagal-tagal na rin simula noong may isang tao akong tinawag sa kanyang pangalan.
Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. "Ako nga," sambit niya pagkatapos ay tumalon at bumaba mula sa see-saw. Mababa lang naman ang see-saw na iyon.. pero paano siya nakatalon ng ganun? Papalapit na siya sa akin kaya agad akong tumayo mula sa kinauupuan at umurong papalayo sa kanya
Ramdam ko ang takot at gulat sa loob ko. "I-ikaw ba talaga si Jojo..? Pero..."
"Pero patay na ako." tinapos niya ang sasabihin ko. "Oo, patay na ako Yannie... pero nandito pa rin ako sa mundong ito. At sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi ko rin alam kung bakit hindi pa umaakyat ang kaluluwa ko sa itaas. Siguro wala na ngang buhay pagkatapos ng kamatayan... at mas lalo ko pang pinagtataka ay kung bakit mo ako nakikita."
Hindi ako makapagsalita. Pumikit-pikit pa ako pero pagkabukas ko naman ng mga mata ko, nandoon pa rin siya sa harapan ko. Isang... isang multo? Pero sa mga pelikula lamang nangyayari iyon. At madalas sa pelikula, sa gabi sila nagpapakita hindi hapon na matindi yung sikat ng araw. Naniniwala akong may mga kaluluwa ang mga tao... pero ang isang kaluluwa na nanatili pa sa mundong ibabaw pagkatapos niyang pumanaw?
Imposible. Napakaimposible.
"Hindi ka totoo. Hindi ka totoo. Siguro masyado na akong depressed kaya nagkakaroon ako ng hallucinations.. tama, tama. Effect ito ng sobrang kalungkutan. Utak ko ang nagpo-project nitong kaluluwang nasa harap ko.. kaylangan ko lang siguro talaga ng kaibigan? Imaginary friend... not bad.. pero... pero..." napahawak ako sa buhok ko. Mukhang mababaliw na ako sa kakaisip.
Hindi ko na lang namalayan na nandoon na siya sa harap ko. Napasigaw tuloy ako at nahulog sa lapag.
Ang multong ito naman na sa harap ko, walang tigil sa kakatawa. "Nakakatawa ka naman Yannie. Para kang nababaliw na... kahit papaano, hindi ka pa rin pala nagbabago. Baliw ka pa rin, Yannie."
Tumayo ako at hinarap siya. Tama... isa nga siyang produkto mula sa isipan ko. Yun lamang ang naiisip ko na katanggap-tanggap eh. "Hindi ako baliw... pero nagha-hallucinate ako... eh... baliw pala ako. Pero, pero.. .ka-kase.. kase kasalanan ko ba na sobrang nade-depress na ako diba?"
Kahit papaano nawala na ang takot sa akin. Hindi makakaila na imahinasyon ko lamang ang Jojo na nasa harap ko. Siguro dapat akong magambala na nagsisimula na akong magkaron ng mga hallucinations, pero... bakit parang masaya pa ako?
Masaya ako kase may makakasama ako... may makakausap ako maliban sa anino o repleksyon ko sa salamin. Maliban kay Mama. Maliban sa pusa sa may kalye sa may basurahan.
Umupo muli ako sa may swing. Napatingin ako sa kanya. Mukha talaga siyang totoo... para siyang tunay na tao. Ang galing naman ng utak ko. Siguro kung nagkita pa kami ni Jojo nung malalaki na kami, malamang ganitong-ganito ang itsura niya.
Lumapit na naman siya sa akin at naupo sa katabing swing. Tinignan niya ako sa aking mga mata. "Bakit ka naman nadedepress, Yannie?"
Napaisip ako. Kathang-isip ko lang naman siya diba... isang imaginary friend. Siguro walang masama kung bubuksan ko ang sarili ko sa kanya, dahil kung tutuusin, para na rin naman akong nakikipag-usap lang sa sarili ko.
"Hindi ko rin alam. Gusto ko sanang malaman kung bakit... pero kahit anong pilit kong pagtatanong sa sarili, wala akong mahanap na kasagutan. Hindi ako sigurado kung bakit nga ba... basta alam ko lang, malungkot ako. Sobrang lungkot... I feel so empty."
Hindi siya nagsalita, kaya nagpatuloy ako. "Dati naman Jojo hindi ako ganito diba? Masayahin ako kahit mahiyain. Tumatawa. Ngumingiti. May pagka-madaldal nga ako eh.. pero bakit ganun Jojo? Iba na ako ngayon. Hindi na ako yung Yannie na kababata mo. Pakiramdam ko nga iba ako sa kanya eh... kung sana nga lang panghabang-buhay na lamang akong bata. Para sa ganun, panghabang-buhay na lang din akong masaya."