Ang buhay ay isang maiksing kanta.
Lahat tayo ay may kanya-kanyang boses. May mga boses na kumakanta ng panaghoy, mga taong nahihirapan na at nangangaylangan ng tulong. Boses na sumisigaw para marinig ng iba, boses na gustong maging masaya at boses na nagsasabing, "Gusto kong mabuhay, pero paano?"
May mga kumakanta naman nang masaya. Mga taong kuntento sa buhay at tumitingin sa kagandahan ng isang bagay. Boses na nagbibigay pag-asa at kaligayahan sa nalulumbay.
Iba't iba rin ang tono ng ating mga kanta. Iba't ibang nota. May mga notang matataas, may mga notang mababa. Pero kung tutuusin, parehong pagbaba at pagtaas ng mga nota sa ating kanta ang nagbibigay kulay sa ating awitin.
Syempre... meron din tayong kanya-kanyang mga liriko. Dito tayo naiiba sa isa't isa. Sa mga salita na ginagamit sa ating mga kanta, dito naipapakita ang kabuuan natin. Pero hindi naman tayo ang nagsusulat ng ating mga kanta.... tayo lamang ang taga-awit. Dahil... ang sumusulat ng iyon ay Siyang hindi natin nakikita... Siyang malakas at alam ang lahat. Siyang may plano sa atin kahit na minsan hindi natin makita iyon.
Kaya... bakit ka susuko sa pag-awit ng iyong kanta... kung nasa unang verse ka palang? Paano mo makikita kung gaano kaganda ang awitin ng iyong buhay kung hindi mo pa napapakinggan ang kabuuan nito?
"Ma, aalis na po ako. Malelate na ako eh." sabi ko habang tinatali ang buhok ko.
Hinarap ako ni Mama at tinigil ang pagluluto niya ng almusal. "Pero hindi ka pa nakakakain."
"Okay lang po, babaunin ko na lang."
Agad na nilagay ni Mama yung sandwich sa isang container. Hindi ko alam, pero dalawa ang nilagay niya dito. Napangiti pa siya sa akin nang iabot niya ito, at hinawakan ang aking ulo. "Mag-ingat ka anak." sabi niya sa kanyang malambing na boses.
Kinuha ko iyon at tumango bilang tugon. Naglakad na ako palabas ng bahay, pero nung nandun na ako sa may gate ay natigilan ako. Naalala ko ang mga sinabi sa akin ni Jojo... tama siya. Nandyan naman si Mama simula't sapul.
Bumalik ako sa loob, at nung nakita ako ni Mama ay mukhang nagulat siya. "Oh bakit Yannie? May nakalimutan ka ba?" tanong niya sa akin.
Umiling ako. Lumapit ako sa kanya at binigyan siya ng isang munting halik sa kanyang pisngi. Pagkatapos ay nginitian ko siya. "Salamat, Mama. Sige po, mauuna na ako."
"Ahh... eh.. sige." tanging nasabi niya lang. Nakahawak pa siya sa kanyang pisngi.
Tuluyan na akong lumabas ng bahay at sumakay ng jeep. Naisip ko, hindi naman pala mahirap ang magpasalamat at halikan si Mama sa pisngi. Sa totoo nga niyan ay nakadama ako ng saya sa ginawa kong iyon.
Tumunog ang bell na hudyat na recess na. Nagugutom na rin ako, at doon ko lang napagdesisyunang kainin ang pinabaon sa akin ni Mama na sandwich. Nakaupo lamang ako mag-isa sa isang mesa, gaya ng kinaugalian...
Nang mahagip ng mga mata ko ang isang lalakeng nakaupo sa may kabilang mesa na mag-isa, gaya ko.
Hindi ko siya kilala... pero ang alam ko, iisang klase lamang kami. Ang alam ko masayahin siyang tao at napapalibutan palagi ng mga tao ang kanyang mesa. Pero bakit ngayon... parang malungkot siya? Bakit siya nag-iisa?
Bakit... nakikita ko ang sarili ko ngayon sa lalakeng ito na hindi ko naman nakausap kahit kelan man?
Para bang bumubulong na naman sa akin ang boses ni Jojo. Na hindi ako mag-isa... na hindi ako nag-iisa...
Gaya ng sa isang kanta, sa tuwing napapakinggan mo ang boses ng iba... nararamdaman mo na para bang pareho lang pala kayo... kaya narerealize mo na hindi ka naman pala talaga nag-iisa sa laban na hinaharap mo.
Tumayo ako mula sa mesang iyon at lumakad palapit sa kabilang mesa. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako, parang gusto kong tumakbo, pero hindi ko hinayaan ang mga kaisipan na iyon ang mamayani sa akin.
At nang nandoon na ako sa harapan ng mesang iyon, nasabi ko ang kataga na akala ko kahit kelan ay hindi ko masasambit: "Gusto mo ba ng kasama?"
Umangat ang ulo niya at pinagmasdan ako. May halong pagtataka ang kanyang mga tingin na tila ba matutunaw na ako. Pero hindi nagtagal, ang tingin niyang iyon ay naging komportable na. Namuo ang isang ngiti sa kanyang mga labi at unti-unting tumango ang lalakeng iyon.
Umupo ako sa tabi niya. "Gusto mo ba... ng sandwich? May isa pa ako eh."
"Sige... salamat ah." sabi niya naman.
Ngumiti ako sa kanya. "Walang anuman."
Natigilan siya at napatitig na naman sa akin. Medyo hindi ako komportable na tinititigan ako, kaya ipinakita ko sa kanya iyon. Nang napansin niya, umiwas na rin siya ng tingin.
"Pasensya ka na... nagulat lang ako. Maganda ka pala kapag ngumingiti, Yannie."
Natigilan din ako sa sinabi niyang iyon. Tumingin ako sa mga mata niya. "Teka... kilala mo ako..?" tanong ko sa kanya. Halata sa aking boses na nagtataka ako dahil sa pautal-utal nito.
Tumango siya at ngumiti din. "Oo naman. Magkaklase tayo diba? Ako nga pala si Eric."
Nilahad niya ang kamay niya. Pinagmasdan ko iyon... at kinalimutan ko ang mga tumatakbo sa aking utak. Sa halip, hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti sa isa't isa.
"Yannie, may ipapakita ako sa'yo, dali!" sigaw ni Mama mula sa salas. Nandoon ako sa kwarto at gumagawa ng assignment sa Physics. Tumayo ako kaagad at lumabas ng kwarto pagkatapos pumunta ng salas para makita kung anuman yung ipapakita sa akin ni Mama.
"Ano po ba 'yun?" tanong ko sa kanya. Lumapit ako at napansin kong may hawak si Mama na papel... ay hindi... parang isang litrato.
Ngumiti sa akin si Mama. "Litrato ni Jojo, dalawang buwan bago siya pumanaw. Bumisita kasi ako sa bahay nila, tapos binigay 'yan sa akin ni Mare. Remembrance daw, tutal ay naging matalik na magkaibigan naman kayo ni Jojo nung mga bata pa kayo."
Inabot ko ang litratong iyon. Ang litratong iyon ng Jojo sa edad na pumanaw siya...
At lumaki ang aking mga mata sa aking nakita.
Sigurado akong siya iyon. Parehong-pareho ng mga kilay, mata, ilong, at labi. Pareho ng buhok. Pareho ng ngiti. Ang Jojo na nagmula sa aking isipan.....
Hindi kaya si Jojo talaga iyon at hindi ko lang 'yun imahinasyon? Pero... hindi ko alam... posible nga ba 'yun?
Pero hindi na siguro mahalaga kung totoo nga bang multo ni Jojo yung nagpakita sa akin o dahil sa imahinasyon ko lang 'yun... dahil ang mahalaga ay dahil sa litratong ito, maaalala ko si Jojo.
Kahit kaylanman ay hindi ko makakalimutan ang kaibigan kong si Jojo. Isang mabuting kaibigan na may busilak na puso. Palaging tumatawa... palaging nagpapasaya.
At kahit man natapos na ang kanyang maiksing awitin, masasabi ko namang isa iyong napakagandang kanta na gusto kong ulit-ulitin.
Kahit na wala na siya.. at hindi ko na siya nakikita, nandito pa rin siya sa aking puso at alaala...
Sigurado akong kung nasaan man siya ngayon, ay masaya siya. SIguradong mas marami pa siyang mapapasaya doon, at alam kong balang-araw ay magkikita din kami...
at magsisimula kami ng panibagong paglalakbay at gagawa ng mas marami pang mga awitin.
-FIN.