"Anak, yung baon mo oh," pahabol na sabi ni Mama nung nakalabas na ako ng gate ng bahay. Napalingon ako sa kanya at inabot yung lunch box na hawak-hawak niya. Lunes ngayon, kaya sigurado akong sausage ang ulam ko ngayon. Ngumiti siya sa akin. "Paalam, ingat ka ah."
Tumango na lang ako bilang tugon.
Isa... dalawa... tatlo.... binibilang ko ang mga hakbang papunta sa sakayan ng tricycle. Nakapako ang mga mata sa sementong nilalakaran ko, iniimagine na sana nakakalipad na lamang ako. Nakakainggit ang mga ibon sa himpapawid. Gusto kong maging katulad nila. Hubo't hubad sa mga panghuhusga ng mga tao... malaya na lamang na nakakalipad sa napakalawak na kalangitan kasabay ang malamig na simoy ng hangin. Sana naging ibon na lang ako. Bakit kaylangan na isa pang tao?
Labing pito. Labing pitong hakbang mula sa bahay papunta sa sakayan ng tricycle. Sumakay na ako doon. Kagaya ng kinaugalian. Maganda ang kalagayan ng panahon ngayon, mabuti na lamang kase wala akong dala na payong.
Ni hindi ko na napansin na nandito na pala ako.
"Mama, bayad po," sabi ko sabay abot ng mga barya sa driver ng tricycle. Lumakad na muli ako. Binilang ang mga hakbang papunta sa loob ng building ng school. 21 steps. Lumakad muli ako, paakyat ng ikatlong palapag, doon sa classroom namin. Palaging ganito ang nangyayari, wala na bang bago?
Nung pumasok ako ng classroom, ganoon pa rin. Walang bati, walang ngiti, kahit man lang pagsulyap mula sa aking mga kaklase wala rin. Minsan napapaisip ako kung baka dapat ako ang unang kumausap sa kanila... pero natatanong ko din sa sarili ko: 'May magbabago ba?'
Umupo ako sa silya ko at tahimik na pinagmasdan ang classroom. Ganito pa rin ang mga pangyayari, kanya-kanyang pwesto sa apat na sulok ng classroom. Kakaunti lang ang katulad ko na nag-iisa at tahimik. At least hindi lang ako ang nakakaranas noon. Pero bigla namang may tumabi doon sa taong katulad ko, kaya mas lalo lang akong nakaramdam ng pag-iisa.
Gusto ko rin na may makausap ako tungkol sa aking mga crush. Gusto kong may kakiligan at sasabihan ng 'Ang cute talaga ni Mario Maurer no?' Gusto kong may kakwentuhan tungkol sa anime o libro na huli kong nakita. Gusto kong makipag-tsismisan. Gusto kong may kasama sa tawanan, gusto kong magsalita at mag-ingay. Gusto ko... pero ayoko gawan ng paraan. Siguro natatakot ako na baka hindi nila ako magustuhan. O kaya naman ayoko lang talagang dumepende na naman sa ibang tao. O kaya baka naman tinatamad lang ako.
Pumasok na yung teacher. Boring. Ganun pa rin. Same people, same classroom. Kahit kalagitnaan na ng taon ganito pa rin ang nangyayari.
Same me... all alone, without a person to talk to.
--
"Hay, bakit naman biglang bumuhos ang malakas na ulan? Kaasar naman! Wala pa naman akong payong!" sabi ng isang babae doon sa may kahilera ng locker ko. Kinuha ko yung iba kong libro tapos sinara na rin ito.
"Ganun ba? Meron ako dito, share tayo."
Nagtawanan na sila doon at lumabas na. Nilabas nung isa yung payong niya na kulay yellow at bulaklakin. Napatingin ako sa paligid ko. Halos wala na ngang tao dito eh. Napabuntong-hininga na lamang ako. Okay lang na mabasa ako ng ulan. Hindi naman ako magkakasakit siguro diba? Saka kasalanan ko naman. Iniwan ko pa kasi yung payong ko.
Lumabas na ako ng building ng classroom. Wala na ngang katao-tao dito. Mabilis akong lumakad palabas ng school, ginagamit na lang ang mga kamay ko bilang panangga sa ulan. Pero nababasa din naman ako, kaya dahil sa nagmumukha lamang akong tanga, tinanggal ko na rin yung mga kamay ko. Bahala na ngang mabasa ng ulan. Bahala na.
Lumakad ako palayo doon sa school. Mabagal na paglalakad lamang. Okay na rin kapag umuulan, at least nabibingi ako sa mga ingay sa paligid ko. Tanging pagbuhos na lamang ng mga ulan mula sa madilim na kalangitan ang nangingibabaw. Wala na ang mga ingay ng sasakyan. O ang pagtawa ng mga tao na lumalakad mula sa palayo. Kahit mismong pagsigaw ng kalooban ko, hindi ko na rin naririnig.
"Miss, payong oh?"
Sa mga katagang iyon. Parang may kung anong pamilyar sa tono ng boses niya. Napatingin ako sa kanya. Sa lalakeng nasa tabi ko na. Pano siya napunta sa tabi ko? Wala namang tao kanina ah.. wala akong napansin maliban sa sarili ko na lumalakad sa may pwesto na ito.
Napatitig ako sa mukha niya. Hindi ko maipaliwanag, pero parang may nanumbalik sa loob ko. Sa loob ko na matagal nang nawala noon pa. Sa sobrang tagal na nawala ito, napagod na ako sa kakahanap. Isang bagay na nawawala, isang bagay na kaylangang matagpuan. At kapag natagpuan na ito... baka sakaling.. baka sakaling may magbabago.
Teka ano bang iniisip ko? Engot ka talaga kahit kelan, Yannie.
"Um, okay lang na mabasa ako dito." sagot ko sa kanya. Sinubukan kong bigyan siya ng isang maliit na ngiti bilang pag-respeto man lamang, kaso lagi talaga akong fail pagdating doon. Minsan mahirap pala ngumiti. Mas mahirap ngumiti kaysa umiyak.
"Ayos lang naman sa akin na ako ang mabasa, kase hindi naman ako mababasa. Eh ikaw miss, baka magkasakit ka pa dyan oh. Sige ka, hindi ka na makakapagpatuloy sa mga adventures."
Napatingin ako sa kanya. Biglang tumaas ang mga balahibo ko sa katawan. Ang weird... dahil may naaalala ako sa kanya. Isang taong matagal ko nang hindi nakita o nakausap. Isang taong wala na nga sa mundong ito.
"Bakit miss? May nasabi ba akong mali?" tanong niya. Umiling na lang ako. Ngumiti siya. "Nako, basta kunin mo na 'tong payong, ha? Kung hindi... sige ka. Baka dalhin kita sa pupuntahan ko balang araw."
Kinuha ko na lang yung payong. Makulit din naman 'tong lalakeng ito, kaya tinanggap ko na. Saka basang-basa na rin ako eh...
Kinuha ko lang yung panyo ko sa bag para ipahiram sa kanya bilang kapalit, para naman mapunasan niya ang sarili niya pero pagkalingon ko wala na siya. Nakakapagtaka. Saan naman kaya pumunta yun?