HINIHINGAL na tumigil si Alma sa gitna ng kagubatan. Hindi tumigil sa pagpatak ang kanyang luha habang naiisip na patay na ang kanyang asawa. Pinatay na ng mga rebelde ang kanyang asawa. Pinatakas lang siya ni Herman pero sa kasamaang palad, nasaksihan niya kung paano pagtatagain ng mga armadong lalaki ang katawan nito. Nagsusumikap siyang makatakas, walang tigil sa pagtakbo para huwag lang maabutan ng mga rebelde.
Hindi na niya alam kung saang bahagi na siya ng Agusan Del Sur. Malayo na ang naitakbo niya. Hindi na siguro siya mahahabol pa ang mga rebelde. Huminto siya sa lilim ng malaking puno. Hindi niya alam kung anong oras na sa gabing iyon. Maliwanag ang buwan kaya nakikita niya ang paligid ng kagubatan. Walang espasyo ang kanyang paghingal. Sumandal siya sa matigas na puno at pilit ikinakalma ang magkahalong kaba at pagod.
May isang taon pa lang silang nagsasama ni Herman bilang mag-asawa. Inuwi siya nito roon sa Agusan Del Sur matapos silang maikasal. Taga-Davao siya, pero wala na siyang uuwian doon dahil namatay na ang mga magulang niya. Nag-iisang anak siya at wala siyang kilalang malalapit na kamag-anak. Nasa Maynila na kasi ang ibang kapatid ng tatay niya. Wala rin siyang balita sa mga iyon.
Hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Naibenta niya ang kakarampot na lupa nila sa Davao. Huli nang sinabi ni Herman sa kanya na dati pala itong miyembro ng New Peoples Army. Maaring binabalikan daw ito ng mga dating kasama at pakay talagang patayin. Pero duda niya, may iba pang dahilan.
Nang makarinig siya ng mga yabag ay kumubli siya sa mayabong na talahib habang tahimik na pinagninilayan ang paligid. Nanlaki ang mga mata niya nang mamataan ang apat na kalalakihan. Ang isa'y nakagapos ang mga kamay sa likod at duguan ang mukha. May kadiliman sa bahaging kinaroroonan ng mga ito kaya hindi niya masyadong mamukhaan ang iba pang kalalakihan. Ang nakagapos na lalaki lang ang namukhaan niya dahil nasisinagan ng buwan ang mukha nito. Itinali ito ng isang lalaki sa punong kahoy.
Nagtataka siya. Ibang lenguwahe ang mga salita ng mga lalaki, parang taga-ibang bansa. Hindi naman mukhang mga rebelde ang mga ito, mga desente tingnan at mukhang may lahing banyaga. Hindi armado ang mga ito. Matapos na maitali ang kawawang lalaki ay nagsialisan na ang tatlo pa. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari. Awang-awa siya sa lalaki na hinang-hina na.
Nang matiyak niya na wala na ang tatlong lalaki ay dahan-dahan siyang lumapit sa nakagapos na lalaki. Nakayukyok na ang ulo nito. Akmang hahawakan niya ito ngunit nagulat siya nang bigla itong umangat ng mukha at naglabas ng matutulis na pangil. Namumula ang mga mata nito. Nangatal siya sa takot nang masilayan ang hitsura nito. Napaatras siya, pinakatitigan niya ito. Tumulin ang tibok ng puso niya nang mahinuha na hindi ito tao, isa itong bampira!
Hindi lamang iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng bampira. Noong nakaraang buwan ay may sumugod ding bampira sa bahay nila pero napatay ng asawa niya. Maya-maya rin ay nanumbalik sa normal ang mukha ng lalaki nang siguro'y natanto na hindi siya kaaway.
"Who are you?" gumagaralgal na tanong nito.
Namangha siya, mukhang nagmula pa sa ibang bansa ang lalaking ito. Tisoy ito at maganda ang pangangatawan. Napunit na kasi ang suot nitong puting polo kaya nahantad ang matipunong dibdib nito. Naglaho ang takot niya at bumalik ang awa niya rito. May pakiramdam siya na mabait ang bampirang ito.
"I-I'm Alma. I will help you," aniya.
Nanginginig ang kamay niya habang unti-unting kinakalas ang pagkakatali sa katawan ng lalaki. Hindi naman ito pumalag. Siguro wala na rin itong lakas. Pagkakalas niya sa tali ay kaagad na bumagsak sa lupa ang lalaki. Ang mga kamay at paa naman nito ang kinalagan niya. Pagkuwan ay inakay na niya ito patayo. Hindi niya ininda ang bigat at laki ng katawan nito. Isinampa niya ang kanang braso nito sa balikat niya, habang ang kaliwang kamay niya'y inilingkis niya sa baywang nito. Dahan-dahan silang naglakad.
Subalit nakakasampung hakbang pa lamang sila ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril. "We need to hurry!" aniya.
Binilisan nila ang paglalakad sa masiit na daan. Hindi na niya ininda ang matatalim na damong pumipilas sa binti niya. Nakasuot lang kasi siya ng bulaklaking bestida. Naalala niya ang kanyang anak na babae. Iniwan niya ang dalawang taong gulang niyang anak sa chapel ng baryo nila. Gusto rin kasing patayin ng mga lapastangan ang kanyang anak. Hindi siya sigurado kung makakatakas siya sa mga rebelde kaya iniwan muna niya sa chapel ang anak niya. Pero babalikan din niya iyon kapag nakaligtas siya.
"Blood... I need blood..." wika ng lalaki.
Hindi niya malaman ang kanyang gagawin. Mamaya ay may kung anong tumama sa likod niya na tumagos sa dibdib niya. Naramdaman niya ang kirot sa kanang dibdib niya. Namanhid ang kanyang katawan, kinakapos siya ng hininga. Tiniis niya ang nararamdamang sakit hanggang sa makarating sila sa batuhan na naliligiran ng matatarik na punong kahoy at malalagong talahib. Napahiga siya sa lupa kasama ang lalaki. Nagagawa na nitong iahon ang sarili subalit siya ay naliligo na sa sariling dugo. Nagsuka na siya ng dugo.
Tinamaan siya ng bala sa likod at tumagos sa dibdib niya. Pakiramdam niya'y malalagutan na siya ng hininga, pero nagawa pa niyang kumilos at dinukot sa bulsa ng bestida niya ang litrato ng kanyang anak. Nanginginig ang kamay na iniabot niya ang litrato sa lalaki.
Kinuha naman ng lalaki ang litrato at tinitigan.
"S-she's m-my daughter... her n-name at the back. She's two years—old. I left her at the chapel near here, you can find the place. Please... take her for me. Save her. Y-you can suck my blood now. S-save your life..." kinakapos ang hiningang sabi niya.
Nangilid ang kanyang mga luha nang maalala ang kanyang anak. Unang anak nila iyon ni Herman kaya napakasakit para sa kanya na mawalay dito. Ang hiling lamang niya ay maging ligtas ang anak niya...
"Mama..." umiiyak na tawag ng kanyang anak.
Iniwan niya sa altar ng chapel ang bata. "Diyan ka lang, anak, babalikan kita," aniya.
Iyak lang nang iyak ang anak niya. Wala siyang choice. Kung isasama niya ito, hindi siya sigurado kung makakatakas sila mula sa kalaban. Hindi baleng mamatay siya basta buhay ang anak niya. Nag-iwan siya ng panalangin bago tuluyang umalis ng chapel.
Kahit hanggang sa labas ay dinig pa rin niya ang pag-iyak ng kanyang anak. Naninikip ang dibdib niya, walang humpay sa pagpatak ang kanyang mga luha. Hindi pa siya nakakalayo ay nakahabol na ang laimang armadong lalaki. Nagtago siya sa pader ng chapel.
Mabuti na lang tumigil na sa pag-iyak ang anak niya. Nakita niyang papasok sana sa chapel ang mga lalaki. Lumabas siya sa kinukublian niya.
"Hoy!" tawag niya asa atensiyon ng mga ito.
Binalingan naman siya ng mga ito. Tumakbo kaagad siya palayo, mabilis na takbo, na halos hindi na niya maramdaman ang mga paa niya. Hinahabol siya ng mga lalaki...
Nanalangin si Alma na sana ay hindi natunton ng mga rebelde ang anak niya sa chapel. Iyon lang ang laman ng isip niya habang naghahabol siya ng kanyang buhay. Ang huli niyang naaninag ay ang mukha ng lalaki na nakadukwang sa kanya. Hindi na niya kaya ang sakit hanggang sa tuluyang manilim ang paligid niya.
BINABASA MO ANG
Sangre 7: Zyrus Clynes, My Mysterious Love
VampirePublished on Dreame Zyrus was one of the most mysterious vampires in his generation. He was a diplomat in the Doctor of Medicine and Pathology. He also studied forensic science in London. He has the weirdest behavior among other vampires. He grew up...