Chapter 3

19.6K 583 16
                                    


HINDI pumasok sa ospital ng isang araw si Ellie dahil sa sama ng pakiramdam niya. Mainit ang temperatura ng katawan niya at nanghihina siya. Wala siyang ganang kumain at lalong hindi pa rin siya nakakatulog nang maayos. Mahaba na ang apat na oras na naitutulog niya sa isang araw.

Kinagabihan ay pumasok ulit siya nang pakiramdam niya'y kaya na ulit niya magtrabaho. Noong isang araw pa siya nanggigil kay Dr. Clynes. Ito kasi ang sinisisi niya bakit biglang sumama ang pakiramdam niya. Paninindigan na niya ang bansag sa kanya ng dating katrabaho sa dating ospital sa Cagayan de Oro na isa siyang babaeng sugapa sa lalaki, mang-aagaw, malandi, at kung ano-ano pa. Pero kahit ganoon ang tingin sa kanya ng ibang tao, maipagmamalaki niya na virgin pa siya. Hindi katulad ng iba na sobrang hinhin at mukhang santa pero gamit na gamit na. Bibigay lamang siya sa lalaking talagang mahal niya, at mahal siya. At sisiguruhin niya'ng hindi makakaligtas sa karesma niya si Dr. Clynes.

Ilang binata, o may asawa nang doktor ang na-link sa kanya pero siyempre, sa binata siya pumatol. Kahit sabihing sugapa siya sa lalaki ay marunong naman siyang lumugar. Pero sa dami ng lalaking dumaan sa buhay niya ay iisa pa lang ang umabot ng mahigit isang taong pakikipagrelasyon sa kanya—si Dr. Roy Medina, na isang baguhang Doctor of Medicine. Pero sa loob ng isang taon nilang relasyon ay isang beses lang siya nahalikan ng lalaki sa labi, at kung hindi pa niya pinangunahan ay hindi siya mahahalikan. Sobrang conservative at gentleman ni Roy, mamamatay siyang virgin doon. Tanggap na niya na mas mahal ni Roy ang propesyon nito kaysa kanya. Kaya hindi na tumanggap ulit ng manliligaw na doktor, saka na kapag talagang handa na siyang mag-adjust.

Alas-nuwebe ng gabi ay magkasama na naman sila ni Jake sa laboratory upang asikasuhin ang mga specimen ng mga pasyente. Aywan lang niya kung hindi pa mahuhulog ang loob ni Jake sa kanya. Alam niya may nobya ito na isa sa kasama nilang nurse pero pang-umaga. Guwapo rin si Jake at mabait, pero wala siyang balak agawin ito sa mataray nitong nobya.

"Naka-ilang boyfriend ka na, Ellie?" tanong ni Jake, habang isinasalansan nito ang bote ng mga dugo para ma-examine.

Sandali siyang nag-isip. "Hmm... twenty-one," sagot niya.

"Ha? Ang dami na! Ilang taon ka na ba?" manghang wika ni Jake.

"Twenty-five," nakangiting sagot niya.

Awtomatikong lumipad ang tingin niya kay Zyrus na nakatayo sa tapat ng working table nito. Busy ito sa pagkalikot sa ini-examine nitong specimen na nakalagay sa glass slide. May dalawang dipa lamang ang layo nito sa kanila. May suot itong N95 mask, gloves at siyempre, and puting coat nito na talaga namang bagay na bagay rito. Ang hot nitong tingnan.

"Wow! Ang dami naman nila! Parang damit lang pala ang pagpapalit mo ng boyfriend. Ni isa ba sa kanila wala kang sineryoso?" sabi ni Jake, ang lakas ng boses nito kahit may suot na mask.

"Most of them I called fling," kaswal niyang sabi habang nakatuon pa rin ang tingin sa lokasyon ni Dr. Clynes.

"Grabe ka. Ano ba kasi ang hanap mo sa isang lalaki at parang hirap kang makapili?" amuse na tanong ni Jake.

"Simple lang naman. Gusto ko 'yong seryoso sa buhay, medyo suplado, makisig, katamtaman ang tangkad..." Hindi siya natinag nang dumapo sa kanya ang tingin ng guwapong doktor. "I like men in doctor's coat, na may eyeglasses with poker face but gorgeous," patuloy niya.

"Katulad ni Dr. Clynes?" natatawang sabi ni Jake, at halatang hindi nito napansin ang nabanggit na doktor.

"Yap. Katulad niya," prangkang sagot niya habang nakatitig kay Dr. Clynes.

Hindi umilag si Ellie sa may sampung segundong pagtama ng mga mata nila ni Dr. Clynes, kahit pakiramdam niya'y unti-unting tinutupok ng apoy ang katawan niya. Kinagat niya kanyang ibabang labi at pinapungay ang kanyang mga mata na tila nang-aakit. Pero nangawit lang ang leeg niya hindi man lang nagpakita ng kahit anong emosyon ang guwapong doktor. Sa halip ay umiwas ito ng tingin at pinagpatuloy ang ginagawa.

Sangre 7: Zyrus Clynes, My Mysterious LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon