"Uhho! Uhho, Nak kumain ka na mahuhuli ka na sa klase!" Ang narinig niyang wika ng kanyang Mama, napansin kasi nitong nakatunganga lang siya sa hapag at di man lang ginagalaw ang pagkaing nakahanda. Noodles na sinahugan ng dahon ng malunggay at NFA rice, minsan pa nga nilagang saging o kamote. Iyon ang kadalasang sasalubong na pagkain sa kanyang harapan tuwing kainan. Piyesta ng maituturing kung may sardinas na nakahain. Ngunit solve na siya dun. Hindi siya kailanman nagrereklamo sa kung anuman ang meron sila. Ang mama lang niya ang naghahanap buhay para sa kanila. Kahit hirap at may iniindang sakit pilit na iginagapang nito ang kanyang pag-aaral. Grade five na siya sa taong iyon. Alam ng mama niya kung gaano kaimportante sa kanya ang pag-aaral. Mataas ang pangarap niya sa buhay. Walang-wala sila. Kung makapagtapos man siya ng elementarya ay may apat na taon pa ang bubuunin sa hayskul. Alam niyang sa elementarya pa lang nahihirapan na sila sa pinansyal na aspeto. Ano pa kaya sa hayskul at lalong-lalo na sa kolehiyo. Ngunit sa tulad niyang determinadong makaahon sa putikan. Walang makakahadlang sa kanya na abutin iyon. Walang imposible para sa kanya. Tanging mga pangarap lang niya at lakas ng loob ang kanyang kinakapitan.
"Ma, hihinto na lang kaya muna ako sa pag-aaral. Saka na lang muna ako papasok ulit kung tuluyan ka ng gumaling sa sakit mo!" Masakit para kay John ang sabihin iyon. Dahil tanging pag-aaral niya ang siyang nagsilbing ilaw para sana ma-abot ang isang maliwanag na kinabukasan. Ni ayaw nga niyang lumiban kahit isang araw lang sa klase ano pa kaya ang huminto ng isang buong taon. Nakakapanhinayang ngunit kinakailangan na muna niyang magsakripisyo. Oo nga't napakahalaga para sa kanya ang pag-aaral ngunit wala ng mas mahalaga pa sa buhay ng kanyang ina na siyang nag-iisang inspirasyon niya sa buhay.
"Hindi ka hihinto 'Nak, uhho-uhho. Lahat kinakaya ko para sa iyo. Alam kong napakahalaga sa iyo ang pag-aaral at ako, bilang ina mo, nakahanda akong sumuporta sa iyo sa abot ng aking makakaya. Ang mga pangarap mo ay pangarap ko rin kaya sabay natin iyong aabutin Nak!"
Determinadong pahayag ng kanyang ina. Bigla niya itong nilapitan at niyakap. Kapwa luhaan ang mag-ina. Tama ang mama niya. Lahat ng pinapangarap niya ay pangarap rin ng kanyang ina. Kung nagsusumikap ang mama niya para sa pagtaguyod sa kanilang dalawa, kailangan din niyang doblehin ang pagsusumikap sa kanyang pag-aaral.Buo ang loob niya. Walang makakahadlang sa kanya maging ang kahirapan man.
Pinahid ng mama niya ang mga luhang pumatak sa kanyang pisngi gamit ang palad nito. "Huwag mo ng isipin pa ang paghinto-hinto na iyan. Sige na kumain ka na!"
"Opo ma!" Tumango siya at bumalik na siya sa mesa.
"Pasensiya ka anak ha, kung iyan lang nakakayanan ko!" Ang mama niya, ang pagkaing nakahanda sa mesa ang tinutukoy nito.
"Solved na ho ako dito ma, diba nga ang sabi sa TV, makulay ang buhay sa sinabawang gulay...na malunggay!"
"...na may noodles!" Dagdag naman ng ina niya.
Tawanan.
Sa paaralan, batid ni John ang kaibahan ng estado ng buhay niya sa buhay ng mga kaklase niya. May maayos na mga kagamitang pang-eskwela ang mga ito. May mga maayos na uniporme at sapatos . Samantalang sya, iisa lang ang unipormeng polo niya na hindi mo na malalaman kung ang kulay ba nito ay puti o cream. Ang pantalon naman niya'y maayos pa naman kung titignan ngunit kung susuriing mabuti, sira na ang siper nito na inanuhan lang ng aspile para hindi masilip ang nasa loob ng sa pagitan ng kanyang hita. Ang sapatos naman niya ay halos bumubuka na sa kalumaan. Ang baon niyang limang piso ay sapat lang para makabili ng isang pirasong bananacue at ang pantulak? Iinom na lamang siya ng tubig sa water fountain ng kanilang paaralan.
BINABASA MO ANG
Flower Boy
General FictionFlower Boy By: johnyuan Ano ang dapat na uunahin, mga pangarap ba o ang pintig ng damdamin? O pwede naman kayang pagsabayin?