Unang beses niyang makatuntong sa kabisera ng bansa. Naglalakihang mga gusali. Maraming mga sasakyan. Mausok. Magulo at maingay. Maraming mga tao na sa tingin niya laging nagmamadali at hinahabol ang bawat sandali. Ibang-iba sa lugar na pinanggalingan niya sa Mindanao.
Nakalabas na siya sa pier. Naupo na muna siya sa sa tabi ng bangketa. Ngayon siya nakadama ng takot at kaba taliwas sa nararadaman niya noong paakyat pa lamang siya ng barko. Hindi niya alam kung saan magtungo. Napakalaki ng Maynila. Wala siyang kakilala at lalong wala siyang kamag-anak. Saan siya titira Paano na lang kung maubos ang dala niyang pera. Saan siya kukuha ng panggastos niya? Nasapo niya ang ulo ng isipin ang mga bagay na iyon. Ngunit hindi niya maaring sisihin ang sarili. Sariling desisyon niya iyon, walang ibang taong nakaimpluwensiya sa kanya.
Pumara siya ng jeep. Hindi niya alam kung saan ang rota nun basta sumakay na lamang siya kaysa maghapong nakatunganga sa bangketang iyon. Sasabay na lamang siya kung saan bababa ang karamihan ng pasaherong kasabayan niya. Hanggang sa huminto ang jeep malapit sa isang napakalaking simbahan. Pamilyar sa kanya iyon dahil minsan na rin niyang nakita iyon sa TV. Tama, iyon ay ang simbahan ng Quiapo. May ngiting sumilay sa kanyang labi. Hindi kasi niya inakala na doon siya mapapadpad. Pumasok na muna siya sa loob at nagdasal. Marami rin ang tao na kagaya niya ang nasa loob. Pikit mata ang mga ito habang taimtim na na nananalangin.
Naradaman niyang may isang lalaki na tumabi sa kanya. Ngunit hindi niya iyon binigyan ng pansin. Natural lamang iyon dahil nga isa iyong simbahan. At marami talagang pumapasok doon upang magdasal. Tulad niya, lumuhod din ang lalaki. Ngunit sandaling-sandali lang iyon. Agad din iyong umalis.
Lumabas na siya ng simbahan at naisipang maghanap ng makakainan. Naglakad-lakad siya hanggang sa makakita siya ng karenderya. PAY AS YOU ORDER. Iyon ang nabasa niya sa isang karatulang nakasabit sa dingding ng karenderyang iyon. Bago umorder, kinapa na muna niya ang pitaka sa kanyang bulsa. Laking gulat niya ng wala na ito. Kinapa naman niya sa kabilang bulsa ngunit wala rin. Hinagilap niya sa lahat ng bulsa ng kanyang bag, baka doon niya ito mailagay ngunit kahit baliktarin man niya ang lahat ng bulsa ng kanyang bagpack ay wala na talaga ang pitaka niya. Pinagpawisan siya ng malapot. Ano ang gagawin niya. Andoon pa naman ang lahat ng perang naitabi niya. Tanging barya na lamang ang nasa bulsa niya.
"O ano pogi, oorder ka ba o hindi?" Untag sa kanya ng babae. Kanina pa kasi siya hindi mapakali dahil sa pagkawala ng pitaka niya.
"Nawawala ho ang pitaka ko e!" Ang tanging naging tugon niya. Garalgal ang kanyang boses. Nakita niya ang pag-ngiwi ng babae.
"Hay naku, hindi kasi nag-iingat. Ayan nadukutan ka!" Iyon lang ay tumalikod na sa kanya ang babae. At inasikaso ang ibang kustomer na kakain.
Laglag ang balikat niya na umalis sa lugar na iyon. Pilit na binabalikan ng kanyang isip kung paano nadukot ang pitaka niya gayung wala naman siyang natatandaan na may taong bumangga sa kanya na kadalasang istilo ng mga mandurukot.
"Shitt!" Naibulalas ni John sabay sapo sa kanyang noo ng biglang maalala niya ang lalaking kanina'y tumabi sa kanya ng upo sa loob ng simbahan habang siya'y nagdadasal. Bumalik siya sa simbahan, alam niyang malabo ng makita pa niya doon ang mandurukot ngunit nagbabakasakali parin siya. Ngunit tulad ng inaasahan, hindi na iyon muling nakita. Sino ba namang bobong kawatan ang magawang tumambay sa lugar na pinagnakawan niya. Tama nga talaga ang napapanood niyang balita sa TV, talamak ang nakawan dito sa Maynila at masasamang loob kaya dapat maging maingat siya. Wala ng sinasantong lugar ang mga magnanakaw ngayon. Maging ang simbahan man na itinuturing tahanan ng Diyos.

BINABASA MO ANG
Flower Boy
General FictionFlower Boy By: johnyuan Ano ang dapat na uunahin, mga pangarap ba o ang pintig ng damdamin? O pwede naman kayang pagsabayin?