Tol

28.9K 379 45
                                    

Nakatitig si Jaime sa malaking numero na nakapaskil sa scoreboard ng gymnasium.

Dalawang puntos.

Dalawang puntos ang lamang ng kalaban sa kanila. Namamawis ang mga palad niya sa kaba. May natitira pa silang limang segundo para mabaliktad ang laro, kinakailangan na nilang makapag-isip nang dapat gawin para hindi mapunta sa wala ang lahat ng pinaghirapan nila. Hinilamos niya ang kanyang mukha, inalis ang mga pawis na namumuo sa kanyang noo.

Unang taon niya sa kolehiyo nila, alam niyang malakas ang team na ito kaya dito siya sumali. Alam niyang kayang kaya ng team na makipagsabayan kahit na kanino basta magtulong-tulong lang.

Pero bakit ngayon nag-iba ang ihip ng hangin? Bakit sila ngayon ang nasa piligro?

Sa limang segundo na yun, doon nakasalalay ang mga seniors nila, kung gagraduate ba ang mga itong taas noo at mapagmamalaki...o sa huli, maipapakitang ang mga ito parin ang talunan. Kahit pa mga first years ang nasa first five ng team nila, nakasuporta naman sa likuran nila ang mga ito. Ngunit dahil sa kapabayaan niya, matatalo sila.

Sino ba ang may kasalanan?

Si Jaime.

Ilang beses sumablay ang mga tira niya kahit na katabi na niya ang ring at ilang beses ring nanakaw ang bola mula sa kamay niya. Walang ibang dapat sisihin kundi siya. Napatapik siya sa batok niya, ginagawa niya ito para mawala ang kaba niya. Mabilis ang ritmo ng tibok ng puso niya, hindi niya alam ang gagawin.

Napatingala at napapikit, dinama ang bawat sandali na naka-upo siya sa bench. Naririnig niya ang boses ng coach niya, nakikinig sa bawat sinasabi nito at sinusubukang aralin ang mga puntong nais nitong matandaan nila. Gusto niyang makatira. Gusto niyang makapasok ng bola ngayon na.

Ilang tapik ang nagawa niya sa kanyang batok. Nabigla siya nang maramdaman niyang may humawak sa kanyang kamay sa batok at tinanggal ito. Bumalik ang mga palad nito sa kanyang batok at marahang hinimas ito. Napahinga ng malalim si Jaime.

"Tol," huni ng nagsasalita sa tabi niya. Kilala niya kung kanino ito. Magaspang at malalim ngunit masarap pakinggan. Lumingon siya dito, mapapansin ang pag-aalala sa ekspresyon nito. "Kinakabahan ka ba?" tanong nito sa kanya. Marahan nitong hinimas ang batok ni Jaime.

"D-di," pa-utal niyang tugon dito. Napa-iwas siya ng tingin. "Paano mo naman nasabi?" Tanong niya dito.

Tumaas ang balikat nito. "I know you," saad nito habang hinihimas ang batok ni Jaime. "You slap your nape every time you're nervous," paliwanag nito.

Napatingin naman si Jaime dito.

Gumapang ang palad nito sa kanyang mga balikat at marahang minasahe ito. "Relax, I don't know what you're thinking right now, but...I trust you more than you know."

Napatahimik siya sa sinabi nito. Pinagkakatiwalaan siya ni Gio? Matapos niyang gawin lahat ng kapalpakan niya sa game na 'to.

"Hindi ko na alam, tol," saad niya dito. Tumingin siya sa mga mata nitong kanina pa siyang tinititigan. "Ang dami kong palpak, tang ina."

Ngumiti ito nang napakalawak sabay kindat sa kanya. "You're smart, Jaime," sabi nito, taas noong nakatitig sa kanya. "Wala tayo dito ngayon kung wala ka. Dami mong nagawang contributions sa team. You're questioning yourself right now, but we still got time. You brought our team here, your aims are accurate, the best 3-pointer right now. And I know our teammates agree with me." Tumingin silang dalawa sa team nila. Doon na lamang napansin ni Jaime na nakatitig sa kanya ang mga ito. Si Marcus na centre at team captain ay nakangiti sa kanya, si Bartolome na ngisi at halatang handa na muling sumabak bilang point guard ng team, si Trevor na nakatitig lang sa kanya ngunit alam mong naniniwalang kaya niya, at si Giovannie na katabi niya at nakaakbay sa kanya.

"We still have five seconds, the team will bring the ball to you," ika ni Coach Francis. "We are one here, Jaime, and we will bring the trophy back," naniniwalang sabi sa kanya ni Coach Francis.

Narinig na nila ang buzzer, inanunsyong tapos na ang time out. Nag-iinit ang katawan ni Jaime. Nadagdagan ang deteriminasyon niya sa mga sinabi ng mga ito. Mas naramdaman niya ang tiwala ng mga ito at hinding hindi niya bibiguin ang mga ito.

Nagsitayuan ang team niya at naglakad papuntang court. Bago pa siya magsimulang maglakad, naramdaman niya ang hinliliit ni Giovannie na humawak sa hinliliit niya. Malilit na bagay na ginagawa nito na talaga namang nagpapalakas ng moral ni Jaime. Bumitaw si Jaime sa pagkakahawak kay Gio. Naglakad na ito patungong court.

Bumuntong hininga siya bago sumunod dito. Pumwesto siya malapit kay Gio, hindi ganun kalayo ngunit sapat na upang marinig siya nito.

"Mananalo tayo," bulong niya dito. Nakita niya ang ngiti nitong madalas mapaniginipan ni Jaime. Kaya mas lalong siyang nakapagpokus.

Nang magsimula ang pagbaba ng bilang ng limang segundo, naging dahan-dahan ang takbo ng oras ngunit mabilis ang kilos ng kanyang team. Nakita niyang sumulpot si Marcus sa harapan niya at hinarangan ang nakabantay sa kanya kaya nakatakbo siya malapit kay Trevor. Pumwesto si Jaime malapit sa linya ng three-point. Magilas ang galaw ni Bartolome nang laruin nito ang bola at hindi na lang namalayan ni Jaime na hawak na niya ito.

The team will bring the ball to you.

Pumorma si Jaime sa linya. Naging agresibo ang bawat myembro ng kalaban at patakbong lumapit sa kanya ngunit huli na ang lahat. Sigurado siya sa porma niya, sa determinasyon niya, at sa paghawak niya sa bola.

Papasok ito.

Nagulat siya nang biglang may humarang sa harapan niya, buti na lang at maagap siya dahil tumalon siya patalikod para mag fade-away at sabay hiwalay ng bola sa palad niya. Parang isang daang bilang ang bawat isang segundo sa tagal ng bola sa ere, narinig niya ang tahol ng buzzer kasunod nito ay ang no-ring na pagpasok ng bola. Tahimik ang buong stadium hanggang sa pagbagsak ng bola sa lupa. Nakatitig lamang ang lahat sa mga mabilis na nangyari.

Malakas na kalabog ng drums ang bumasag sa katahimikan na nagmumula sa cheerleader ng paaralan nila. Narinig niya ang bawat chant at paulit-ulit na pagsigaw ng pangalan ng paaralan nila.

Panalo sila.

Tumakbo palapit sa kanya si Giovannie at mahigpit siyang niyakap. Hindi inalintana ni Jaime ito dahil iisa lang ang tumatakbo sa isip niya.

Nanalo sila. 

TOL (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon