2

12.2K 271 50
                                    

Hinilamos ni Jaime ang twalya sa kanyang mukha upang punasan ang kanyang mga pawis. Tatlong oras na silang nagtetraining. Nalalapit na rin kasi ang unang laro nila para sa taong ito. Senior na sila, isang taon pa nang internship, graduate na sila. Hindi na rin sila makakasali sa mga laro kapaga fifth year na sila. Kaya ito ang pinaka mahalagang laro sa buhay niya. Iniisip niya, hindi naman niya plano ipagpatuloy sa pagiging propesyonal na manglalaro ang pagbabasketball. Pero tinatawag niya itong passion. Masaya siya tuwing hawak niya ang bola. Masaya siya tuwing pumapasok ito sa ring. At masaya siya sa tuwing masaya ang team dahil nanalo. Para sa kanya sapat na yun para pagpursigihan ang paglalaro.

"Nagawa mo na ba yung case presentation?" bungad sa kanya ni Giovannie. Naghubad ito ng pang itaas sabay punas ng katawan nito. Kinuha nito ang tumbler sa bench sabay lagok sa gatorade na lama nito.

"'Di pa nga eh," saad niya. "Ikaw ba? Ang haba kasi, ngayon lang rin ako nagka-case ng HIV," paliwanag niya pa.

Sa kurso kasi ni Jaime na Physical Therapy, kailangan nilang magbigay ng mga dapat gawin sa tuwing may pasyente silang inaalagaan. Ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon na mabigyan siya ng case na tungkol sa HIV. Tinatanong kung nasaang stage na ito kung babasehin sa sintomas, ano ang pinaka naapektuhan sa katawan ng tao, paano ito nakukuha, at ano ang dapat gawin para hindi ito lumala. Madalas naman nilang gawin ito, ngunit komplikado kasi ang case na ito, hindi pa siya ganoon ka-pamilyar dito.

"'Di pa rin. Gawin nating sabay," nakangiting sabi nito.

"Ano bang case mo?"

"Osteoporosis, medyo madali lang naman. Tulungan na lang tayo, nasa dorm mo naman libro ko." Nagsuot ito ng tuyo na dami. "Doon na lang rin ako matulog sa dorm mo," saad nito.

"Sige," tugon ni Jaime habang tumatango. Napakunot ang noo niya nang may napansin siya. "Wala ka bang lakad ngayon?" panakaw siyang sumulyap dito, binabasa ang ekspreson nito.

"Wala naman. I got tired with practice din eh, I want to rest," paliwanag nito. Napakibit balikat naman si Jaime.

"Mga 'tol, gusto niyo maghapunan sa labas?" pagyaya ni Bartolome habang naglalakad papunta sa kanila. Katabi nito si Trevor at Marcus. Tumingin naman si Jaime kay Giovannie na nakatingin din pala sa kanya. Tumango ito kaya ngumiti si Jaime.

"Sige, unli wings ba?" matawa-tawang sabi ni Giovannie. "Ilang linggo na yung huling unli wings natin eh. Sakto walang practice bukas, sarap," turan nito habang minamasahe pa ang tyan.

"Gago 'tol, kakamiss, arat. Doon tayo sa dati, alam ko ganitong oras wala masyadong nakain doon eh," nasasabik namang sabi ni Marcus.

"Nalulugi sa inyo yung resto na 'yon dahil sa inyo eh," matawa-tawa namang pang-aasar ni Trevor.

"Awit 'tol, ilan nga ulit yung huling kinain mo don?" natatawang tanong ni Jaime kay Giovannie.

"Trenta 'tol," pabulong na tugon nito. Nagtawanan ang lahat."Masisisi niyo ba ako? Ang laki ko kayang tao, malaki rin tangke ko sa tyan," pagdepensa nito sa sarili.

"Tawang tawa 'tol, eh ikaw?" nakatingin naman si Bartolome kay Marcus.

"Tweny-eight," tugon naman nito na nakangiti. Sabay-sabay ring nagtawanan ang lahat.

-|-|-

"'Tol, ang mode of transmission ng HIV ay pakikipagtalik, pagsalin ng dugo gamit ang dugong positive sa HIV, nanay na may HIV na nanganak kaya naging positive din ang anak, paggamit ng parehas na injection na positibo din dito. Hindi ka naman pala magkakaroon nito kapag naghalikan lang kayo eh," paliwanag niya kay Gio. "Kapag hindi ka uminom kaagad ng gamot para sa HIV, maaaring lumala ito at magkaroon ng ibang mas malalang sintomas o magdulot ng AIDS. Madaming sintomas katulad ng pagkalimot, pneumonia o pagpunta ng pagkain sa baga, at iba pa." Nilahad niya lahat nang ito habang nakatitig sa harapan ng laptop niya. Nakadapa siya habang tinitipo ang bawat nalalaman niya sa Word File upang masagutan ang mga katanungan sa case report niya.

TOL (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon