Chapter 2 Wandering Souls

1.8K 33 1
                                    

Lumabas ng Surgery ICU sina Lance at Peter, tila iniiwasang may makarinig sa importante nilang pag-uusapan kahit wala ni isa sa hospital ang nakakakita o nakakarinig sa kanila. Umupo si Lance sa isa sa mga upuang nasa labas ng ICU at tinabihan naman siya ni Peter, sa pagitan nila ay naroon si Maya – ang alagang ibon ni Peter.

"Wala din bang nakakakita kay Maya?" ang tanong ni Lance. "Bawal kasi ang pets dito."

Tumawa ng napakalakas si Peter. Napahagalpak siya sa sinabi ni Lance. "Hindi alagang hayop si Maya, kaibigan ko siya. At oo, walang nakakakita sa kaniya."

"A-ano na ba ako?" balisa si Lance nang itinanong niya iyon. "Tao pa ba ako? Patay na ba ako?"

"Tao ka pa rin, at buhay ka pa," ang sabi ni Peter. "Humiwalay ang kaluluwa mo sa iyong katawan."

"Makakabalik pa ba ako?"

"Mahirap, pero hindi imposible."

"Paano?" ang tanong ni Lance. "Ayokong manatiling ganito habang buhay. Bata pa ako, marami pa akong gustong gawin."

"Sana ay naisip mo iyan bago ka nakipagbasag ulo," ang sabi ni Peter. "Ang mga tao talaga huli na sa tuwing sila ay nagsisisi, makikita mo sa kanila iyon basta hindi nila malusutan o magustuhan ang naging resulta ng mga ginawa nila."

"Thanks for judging," ang bulong ni Lance. "Paano ako makakabalik?"

"Dipende," ang sabi ni Peter. "May mga taong bigla nalang gumising, at nang magising sila ay bigla nalang silang hinila pabalik sa kanilang katawan. May mga tao namang hindi na nakabalik dahil bumigay ang kanilang katawan, at hinayaan na lamang silang tuluyang mawala."

"Ang sinasabi mo ba ay dapat na lamang akong maghintay na gumising ang katawan ko?" ang tanong ni Lance.

"Ikaw, kung iyon ang gusto mong gawin," ang sagot ni Peter. "Hindi ka pa patay, wala ka pa sa langit at lalong wala ka sa impyerno. Sabihin na nating ito ang purgatoryo."

"P-purgatoryo?"

"Dito napupunta ang mga kaluluwang katulad mo, mga kaluluwang hindi pa lubusang pumapanaw," paliwanag ni Peter. "Narito rin ang mga kaluluwang ligaw, sila ang mga kaluluwang pumanaw na ngunit hindi makaalis dahil may isang bagay na pumipigil sa kanila – maaaring ang kagustuhang mabuhay, hindi nakuhang kapatawaran at o may misyon na hindi natapos."

"At ikaw? Anong klaseng kaluluwa ka?"

"Ako ang tagapagbantay," ang sagot ni Peter. "Ako ang nagbubukas ng lagusan tungo sa impyerno at sa langit. Pwede mo din akong tignan bilang isang gabay, inaalalayan ko ang mga kaluluwang katulad mo."

Marami pa sanang tanong si Lance ngunit natigilan siya nang biglang dumaan si Mara sa kanilang harapan. Sumilip si Mara sa loob ng ICU at pumasok. Tumayo si Lance mula sa kaniyang pagkakaupo at sinundan si Mara sa loob ng ICU.

Nagsuot ng lab gown si Mara at lumapit sa katawan ni Lance na nakahiga sa kama. Umupo ang dalaga sa tabi nito at hinawakan ang kaniyang kamay. "Hindi ko alam kung naririnig mo ba ako," ang sabi ni Mara. "Hindi ako makatulog dahil alam kong kasalanan ko kung bakit ka nagkaganito."

"Mara..." ang sabi ni Lance. "Naririnig kita. Huwag mong sisihin ang sarili mo."

"Kasalanan ko kung bakit ka nakipag-away, kasalanan ko kung bakit ka kinuyog ng mga lalaking iyon," humahagulgol si Mara sa tabi ng walang malay na katawan ng kaniyang kaibigan. "Kasalanan ko kung bakit ka nag-aagaw buhay ngayon. Sorry! Sorry talaga."

"Wala kang kasalanan," ang sabi ni Lance. "Binabastos ka nila, iniisip mo bang hahayaan ko nalang silang bastusin ka?"

"Alam ko namang wala akong magagawa para sayo eh," patuloy ni Mara. "Kanina, noong nagagalit si Mrs. Floresco, pakiramdam ko ay naroon ka't pinagtatanggol ako. Siguro ay nasanay lang ako na nandiyan ka."

Heart Over MatterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon