Chapter 3 I Swear I'll Wake Up

1.1K 33 0
                                    

Sa madilim na sulok ng kwarto doon nakatayo si Nicole na pinagmamasdan ang kaniyang ama na natutulog. Sa madilim na sulok, nag-aabang ang isang kaluluwa para sa pagkakataong muling makausap ang tanging magulang na mayroon siya.

Si Antonio Alvarez, isang matandang binatang doktor ang umampon kay Nicole nang mga panahong ang tanging hinahanap lamang ni Nicole ay magulang. Sa lahat ng ipinagkait ng mundo kay Nicole, tanging ang pagkakaroon ng magulang ang kaniyang hinanap.

Napakalaki ng utang na loob ni Nicole sa kinilalang ama na si Antonio, kaya naman nagsikap si Nicole sa pag-aaral at naging mabuti siyang anak upang makabawi sa kabutihang loob at pagmamahal na ibinibigay ni Antonio. Ngunit simula nang makasakit si Nicole at nagkaroon ng multiple organ failure ay hindi na muling ngumiti pa ang kaniyang ama. Hindi na bumalik sa dati ang kaniyang sigla, hindi nakakapagtrabaho ng maayos dahil ang nasaisip lamang niya ay ang pag-aalala sa anak at ang paghihintay sa muling paggising nito.

Humanap ka ng isang bagay na may malakas na koneksyon sa inyong dalawa, inaalala ni Nicole ang mga sinabi ni Peter kung paano siya papasok sa panaginip ng kaniyang ama. Isang bagay na pinahahalagahan niya na may koneksyon sa iyo, o isang bagay na pinapahagahan mo na galing sa kaniya.

Hinawakan ni Nicole ang relo na nakasuot kay Antonio at tila nakikita ni Nicole sa kaniyang isip ang nasa panaginip ng kaniyang ama.

Nasa hospital ang kaniyang ama sa panaginip nito, hanggang sa pagtulog ay wala siyang inaalala kundi ang kalagayan ni Nicole. Nakahiga si Nicole sa kama sa tabi ng kaniyang ama na nanonood ng TV. Agad na bumangon si Nicole sa kaniyang kama, at nanlaki ang mga mata ni Antonio nang makitang gumising at bumangon ang kaniyang anak.

"Nicole!" ang nagagalak niyang sigaw. "Nicole, anak ko!" Agad niyang niyakap ang anak na hindi na niya akalaing babangon at gigising pang muli.

"Daddy, namiss kita," ang bulong ni Nicole. "Kumusta ka daddy?"

"Nag-alala ako sa iyo, sandali at tatawagin ko ang mga nurse at doktor."

Hinawakan ni Nicole ang kamay ng kaniyang ama upang pigilan ito sa pag-alis. "Hindi na kailangan," ang sabi ni Nicole. "Dito ka lang muna daddy."

"Pero Nicole kailangan mong masuri ng doktor!"

"Hindi na, okay lang ako. Hindi ko kailangan ng doktor. At isa pa doktor ka naman diba? Hindi ko na kailangan pa ng ibang doktor dahil nandito ka naman."

Umupo sa tabi ni Nicole si Antonio na hindi maipaliwanag ang galak na kaniyang nararamdaman, basa ng luha ang kaniyang mga mata. "Nag-alala ako ng sobra sayo. Akala ko ay hindi ka na gigising pa."

Tumawa si Nicole at napangiti naman ang kaniyang ama. Hindi akalain ni Antonio na maririnig pa niyang muli ang tawang iyon ni Nicole. "Hindi pa ako gising."

"Ano bang sinasabi mo? Naka-upo ka't dilat paanong hindi ka gising."

"Sabihin na nating nasa isip mo lang ang lahat ng ito," ang sabi ni Nicole. "Pero nangyayari, at ang mahalaga ay nakakausap kita at nakakausap mo ako."

"Hindi ko naiintindihan, pero bahala na! Ang mahalaga ay gising ka na! Isa itong milagro."

"Sana ay masabi ko iyan," ang sabi Nicole. "Soory daddy at dahil sa akin ay nagkakaganyan ka.'

"Anong ibig mong sabihin?"

"Huwag mong ihinto ang buhay mo nang dahil huminto ng panandalian ang akin," ang sabi ni Nicole. "Okay lang ako daady, pero ikaw... masyado kang nalulungkot sa mga nangyayari."

"Hindi mo mai-aalis sa akin iyon."

"Alam ko," ang sabi ni Nicole. "Pero hindi ako natutulungan nito. Nahihirapan ako dahil sa nararamdaman mong lungkot." Nahihirapan na akong tumakbo mula sa mga uwak na lumalapit sa iyo dahil sa nararamdaman mo. "Hindi ako pwedeng magtagal, kailangan ko nang umalis."

Heart Over MatterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon