XCI - CXX

27 0 0
                                    

Lilitaw ang kasinungalangan sa gitna ng katotohanan.
Mangingibabaw ang katotohanan sa gitna ng kasinungalingan.
Mayroon din namang...
Sa sobrang talamak ng kasinungalingan hindi mo na mawari ang katotohanan.
Sa nagdagsaang nag-aangkin ng katotohanan hindi mo na rin mawari kung ano ang katotohanan.
#BilangAkoXCI

Sa aking palagay, ang kalayaan ay isa lamang ilusyon.

Parang:
Binigyan ka ng oras ng iyong guro na magsulat ng isang sanaysay at "malaya" kang makapaghayag ng iyong nalalaman ngunit..."hanggang limang talata lamang".
#BilangAkoXCII

Ang lahat ng nilalang ay biniyayaan ng pag-iisip.
Produkto na lamang ang katalinuhan at kamangmangan.
#BilangAkoXCIII

Mag-asam ng napakataas hangga't kaya mong liparin.
Ngunit maghanda ka rin sa pagbagsak.
#BilangAkoXCIV

Ang sarkastikong pamumuri ay tila lason na binalutan ng tamis.
#BilangAkoXCV

Mga mata natin ang mismong ilusyon. Hindi ang kahit anumang tukso.
Halimbawa:
"Nakadilat ka na pero hindi ka pa nakamulat"
#BilangAkoXCVI

Sa huli, hindi na nabibilang ang mga taon na naging parte ng buhay mo.
Kundi ang buhay mo na sa bawat taon ang bibilangin.
#BilangAkoXCVII

Sa isang araw, nakailang mundo ang dinaanan ko.
Naka-isang timbang ngiti't halakhak ngunit ang tuwa? Tila ba isang luha lamang ng buwaya.
#BilangAkoXCVIII

Sa dami nang naglipanang mga payo mula sa iba at sa sarili mo. Parang ayaw nang tumanggap pa ng iyong tenga.
Ang kailangan mo naman ay ang makikinig at uunawa sa'yo.
#BilangAkoXCIX

Wag kang titigil sa pagkatuto sapagkat ang buhay ay walang humpay sa pagtuturo.
#BilangAkoC

Hindi na maibabalik ng lungkot mo ang mga bagay na nawala na.
Harapin mo ang panibagong bukas nang may ngiti't sigla.
#BilangAkoCI

Mas pinili kong sumandig sa sarili kong isip.
Kaysa maguluhan sa sagupaan ng Relihiyon at Siyensiya.
#BilangAkoCII

Di naman pwede yung sobrang kamangmangan.
Di naman pwede yung sobrang kagalingan.
Bakit hindi ka pumagitna?
Kung mananatili ka sa kamangmangan, mga ganid ang lalamon sayo ng buo.
Kung nasobrahan sa karunungan, ikaw na mismo ang lalamon sa kapwa mo.
Pumagitna?
Maging matuwid ka't maging mabuti.
#BilangAkoCIII

Hindi tayo malaya,
Sadyang malawak lamang ang kulungan,
Mahaba lamang ang tanikala.
#BilangAkoCIV

Animoy ang tumatakbo kong isip ay nagpasyang tumungo sayo. Kapag nahahapis ay sayo ang tungo, tuwing masaya ay sayo ang tungo, tuwing may dinaraanang malubak na kalsada sayo parin ang aking destinasyon. Hindi mo ba napapansin? na sa dami ng mundong aking inikutan ay napiling tumigil nito sayo?, upang di na maligaw pa ang mga mata ko't tanging sayo lamang ako nakasentro. Masyadong malawak kung ikaw pa ang magiging mundo ko, sapat na sa akin ang kaunting "puwang" ... magkasya man lang ako ... diyan sa puso mo.
#BilangAkoCV

Kung hinusgahan mo lamang siya base sa iyong pagtingin hindi sa pagkilala. Hindi mo siya binigyan ng deskripsyon kundi binigyan mo lamang ng deskripsyon kung sino ka.
#BilangAkoCVI

Libre ang magsorry - napakadaling magsorry. Kahit nagusot mo yung plantsado niya na uniporme. Pero nung pagsambit mo ng sorry nawala ba yung gusot? hindi, ganoon parin.

Naisip ko lang ... na dapat lapatan na ng multa ang pagsoSorry, para maingat na ang mga tao sa gagawin nila at kung may gagawin man, masidhi muna nila itong iisipin bago gawin.

Maliit na bagay, ngunit makagagawa ito ng malaking impact.

Nakalulungkot na kailangan pang maisip ang ganitong uri ng mga ideya samantalang obligasyon naman nating gumawa ng tama at maging maingat.
#BilangAkoCVII

Ang pananatili sa pagiging "ikaw" sa lipunang pinipilit ka na maging sila na taliwas sa dikta ng katotohanan ay maituturing nang isang tamang pagpasya tungo sa katuparan.
#BilangAkoCVIII

Kung minsan, kailangan mo munang sumuong sa masukal na kalungkutan upang madiskubre ang saya.
Mabalot ng kadiliman nang maliwanagan ka bigla.
Mag-ingay para sa ikatatahimik
Maituring na walang kwenta upang pahalagahan.
#BilangAkoCIX

Sa likod ng pagiging tao ay may malaking responsiblidad rito. Hindi lang ang paglanghap mo ng hangin at may kapalit na pagbuga.
#BilangAkoCX

Hindi tayo nabuhay para lamang magresolba ng mga suliranin na sabay sa pag-inog ng mundong 'to. Kundi ang maglakbay at matuto hanggang sa sukdulan ng ating buhay.
#BilangAkoCXI

Nang masambit at madinig ko ang mga salitang "Mahal kita". Hindi ko maramdaman ang lasang dumampi sa aking labi. Animo'y matamis na putahe ngunit taglay ay lason. Tila ba mainit at mahigpit na yapos ngunit di ka makagalaw at makausad sapagkat nagsilbi na itong tanikala. Maraming gustong tumbukin ang aking puso't isipan subalit nananatili paring nakikipagtaguan ang "kasiguruhan". Basta't ang alam ko lang ngayon ay mamahalin kita para sa ngiti mong kagalakan ko na.
#BilangAkoCXII

Kung hindi ka nadarapa't nadadaig sa iyong paglalakbay, magiging matabang ang matamis na tagumpay.
#BilangAkoCXIII

Pangilagan ang huwad na karunungan ito ay higit na peligroso sa idyotismo.
#BilangAkoCXIV

Kung iisipin, nakabatay din minsan sa oras ang kalidad ng pagmamahalan.
"Mahal mo siya" ngunit wala kang oras upang ipakita sakanya, bakit pa?
#BilangAkoCXV

Kabanata ganito, kabanata ganyan, berso ni ganito, berso ni ganyan, bilang ganito bilang ganyan.
Iisa lang naman ang adhikain niyan, iyon ang ilagay ka sa tama at bigyan ka ng mga opsyon kung ano ang mas nakabubuti sayo. Trabaho nating gumawa nang mabuti, hindi ang magmarunong kung ano angbersyon mo ng kabutihan.
Kailangan nating gumawa ng matuwid dahil yaon ang nararapat hindi lang dahil may kapalit na kabanalang tataglayin.
#BilangAkoCXVI

Napagod ang isipin na humanap ng sagot dito sa mundo na puno ng walang katiyakan. Kaya naghanap ng alternatibong pantapal... ayan na nga ang pananampalataya upang lumakas lamang ang pananalig. Ngunit, WALANG KASIGURUHAN.
#BilangAkoCXVII

Sa bawat pagkakataon na nagpapakamanhid ka... Mas lalo mong nadarama ang sakit.
#BilangAkoCXVIII

Ang konsensya ay parang paglaklak mo ng kape. Maya-maya'y hindi ka patutulugin nito.
#BilangAkoCXIX

Ang salita ay isang panghilom kung minsan sa mga sugat na natamo.
Ngunit sa kabilang banda'y ganon din ang hatid nitong pinsala wala man dumanak na dugo, dama mo naman ang sakit at hapdi.
#BilangAkoCXX

#BilangAkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon