Paa sa... kapag nadidinig niyo ang mga salitang to, unang pumapasok sa isip malamang ay ang pag-ibig at ang pagkabigo dito sa kadahilanang ako'y madaling mahulog, nalinlang ng salitang ipinain ng iba at kung anu-ano pa. Sapagkat ang magsulat ng angkop sa nakararami ngunit di saklaw ng aking kakayahan ang isang maling galaw na posible akong matapilok ng di oras. Yung bibitaw ka ng mga linyang "Tila ba umahon ka sa nagyeyelong karagatan at balot ka ng kamanhiran. Hindi maramdaman ang yakap ko't haplos maging ang aking nararamdaman para sa'yo" "Isinaalang-alang, ibinigay ko ang lahat. May pagkukulang nga ba ako o di ka lang marunong makuntento?". O siya siya! Tama na ang pagpapasakalye, halina't magsipasok dito sa aking kahon nang sa gayon makapag-isip naman tayo ng labas sa kahon. Mahirap salungatin ang rumaragasang agos ng ilog subalit di ko sinabing di maaaring salungatin ito, kung di mo kaya bagkos mag-iba ka ng daan o daluyan ng agos.
Sa buhay, dulot nang patuloy nating paghakbang kung saan-saan tayo nakararating pero dahil madalas masaya tayo sa paglalakbay, di na natin ito napapansin. Iba't-ibang uri ng destinasyon, iba't-ibang uri ng pedestal ang naaabot. Sa paglalakbay nating ito, tayo'y hahantong sa pagkakataong may mga makasasalamuha tayong taong tila nakalapat ang kanyang mga "Paa sa... himpapawid". Sila, ang mga indibidwal na gagamitin ka, kakaibiganin ka, magbabait-baitan, mag-aala anghel, makaangat lang at tingalain ng karamihan. Mag-ingat, may posibilidad na maging tulad ka rin nila, kung minsan kapag napupuno ng mga positibong bagay ang ating ulo, agad nating naiisipang umakyat pataas at lumipad. Kating-kati ang mga paa na tumapak ng iba maabot lang kung ano ang magustuhang kumikinang na bagay sa kisame. May hagdan naman o ibang bagay na pwedeng tungtungan bakit kapwa mo pa.
Siguro'y sa hinain kong babala, sapat na iyon upang ika'y maging handa? Hindi, hindi pa. Alisin mo man sa iyong sintido ang mga "Paa sa... Himpapawid" may makakasalubong ka parin na mga "Paa sa... Lupa". Sila naman ay mga indibidwal na hinding-hindi ka hahayaang umangat, gagawin ang lahat wag lamang malamangan, gagawin ang lahat wag lamang maungusan ng iba at handang maging talangka makapanghila lamang pababa. Naiirita ang kanilang mga mata at umiigting ang namumuong inggit, kapag ang iyong mga paa ay nakalapat na sa mas mataas pa na baitang. Mag-aastang nagagalak sa iyong nakakamit, sa likod ng mga ngiti niya sayo ay may nakalatag na mga plano upang pabagsakin ka't lumagapak muli sa lupa. Maging alerto ka, dahil sa bawat oras hindi mo alam kung sino ang iyong makasasagupa, dapat handa ka rin sa parating na pagbagsak ngunit dapat kasama ang pagkatuto sa bawat pagbangon.
Kung ganoon lang kadaling hulihin, ipunin, lutuin at kainin ang mga talangka upang mabawasan. Kung ganoon lang kadaling paputukin ang mga lumulobo't naglalakihang mga ulo upang mabawasan. Pero hindi, madaling mag-isip ng sagot maantala ka nga lang sa katanungang "Ito ba'y tama o mali?" at sa puntong ilalapat mo na ang mga solusyon sa pagsasabuhay. Hindi talaga maiiwasan ang mga ganitong pangyayari, maiwasan man? Sila mismo ang lalapit sayo, wala ka nang magagawa kundi tanggapin ang susunod na episodyo. Wag kang mabahala, ang bawat karanasan ay garantisadong mayroong matututunan, sadyang daraan ka lang sa mga eskinitang hindi mo alam kung saan ang lagusan upang sa gayon malaman mo ang daan pabalik, ganyan talaga iyan ang realidad. Walang shortcut na daan tungong tugatog o tagumpay, gawin mo kung ano ang tama hindi kung ano ang madali.
