Bulong

810 18 11
                                    

A/N:

Naranasan nyo na ba iyong may bumubulong sa tenga nyo pero wala namang tao? Paulit-ulit na bulong, at iyong boses parang galing sa ilalim ng lupa. Trust me, super nakakatakot. Naranasan ko po. Super Crayola ng bongga ang lola nyo nong time na ‘yon. Halos hindi na ako umalis sa tabi ng bisor ko. Kahit saan pumunta si Sir nakabuntot ako. And take note, di lang po sya basta bulong. IYAK! Babaeng umiiyak. Ewan ko na lang kung hindi ka pa mapaiyak sa takot non.

 Gusto ko lang po i-share para matakot din kayo. Hehe!

 Enjoy!

-Master_Anoch

 ----------------------------------------------------------------------------------------

BULONG

Kahit bumabagsak na ang mata ko pilit pilit pa rin akong nakikinig sa teacher kong nasa unahan at walang sawang nagkukwento ng buhay daw ni Rizal. Bakit ba tinitsismis pa ni Ma’am ang patay? Kawawang Jose Rizal, patay na pero pinag-uusapan pa ng ibang tao.

Dahil idol ko rin naman si Rizal at paborito kong subject ang Rizal, kahit halos maduling na ako sa antok nakukuha ko pang sumagot sa mga tanong ng teacher namin. Yon nga lang lahat ng sagot ko waley. Buti na lang understanding si Maam. Alam nyang working student ako, kaya okey lang. Atleast hindi ako tulad ng ibang estudyante dyan na kahit working student, working na lang, hindi na student.

Katabi ko ang bestfriend kong si Krizzia. Kung wala sya sa tabi ko kanina pa ako bumulagta sa sobrang antok. Halos nakasandal na ako sa balikat nya bilang suporta. At dahil love ako ng bestfriend ko, ginawa pa nyang pang cover sa inaantok kong huwisyo ang kanyang nakabukas na libro. Alam nyo yong nahuhulog na ang ulo sa sobrang antok? Imagine nyo yon. Yon ako ngayon.

“Psssst!”

Napatingin ako sa kabilang gilid ko ng makarinig ako ng sitsit. Si Kriz ang nasa kaliwa ko, sa kanan naman si crush. Isa sya sa mga dahilan kung bakit nagagawa ko pa ring umatend ng mga klase kahit antok na antok ako pagkagaling sa trabaho. Syempre, inspired tayo eh. Napangiti na lang ako ng makita ko si crush na tutok na tutok sa libro nya.

Dahil sa hindi ko na talaga napigilan ang antok, tuluyan na akong napasandal sa balikat ni Kriz.

“Psssst!”

May narinig ulet akong sitsit. Pero this time malapit na sa tenga ko. Dahil sa sobrang antok ko hindi ko na lang pinansin.

“Russel!”

Narinig kong may tumawag sa pangalan ko.

“Bakit?” sagot ko kahit nakapikit.

“Bakit?” narinig kong tanong din ng boses ni Kriz.

Hindi ko na lang pinansin si Kriz. Antok na antok na talaga ako at para akong hinihila palaot, papunta sa dako pa roon.

“Russel!”

Napadilat ako ng marinig ko na namang may tumawag sa pangalan ko. Parehong boses lang tulad ng kanina. Pero may kakaiba sa boses na yon. Parang ang lamig lamig at tila nanggaling sa ilalim ng lupa.

“Kriz tawag mo ba ako?” medyo nawala ang antok ko. Bumilis ang tibok ng puso ko kasabay ng panlalamig ng aking batok.

“Ha? Hindi naman. Bakit?” mula sa libro, napatingin sa akin si Kriz.

“Sigurado ka? Kanina pa kase may tumatawag sa akin.”

Alam kung hindi si Kriz yon, kilala ko ang boses nya. Tinanong ko lang sya kase parang ang lapit lang nong boses. Imposible namang si crush eh boses babae ‘yong tumatawag saken. Hindi rin naman pwedeng kaklase ko, lahat sila busy sa buhay ni Rizal.

Bumalik ako sa pagkakasandal sa balikat ni Kriz at pilit kinalimutan ang boses. Pero biglang nawala ang antok ko. Pakiramdam ko may nakatingin sa akin. Lalo lang tuloy akong kinilabutan.

“Russel!”

Nagtayuan lahat ng buhok ko sa batok. Hindi ako maaring magkamali, may tumatawag talaga sa akin. Boses babae, at kanina pa. Ayaw kong igalaw ang ulo ko dahil pakiramdam ko nasa tabi ko lang ang boses na tumatawag sa akin. Patunay ang malamig na hangin na nararamdaman ko.

“Russel!”

Napabalikwas ako ng marinig ko na naman ang boses. Tinatawag nya ako, at binubulong nya ang pangalan ko sa mismong tenga ko.

“Okey ka lang?” Tanong ni Kriz.

Hindi ko magawang sumagot. Lalong lumakas ang kaba ko. At pakiramdam ko tatalsik na palabas ang puso ko sa sobrang lakas ng tibok. Pinagdikit ko ang aking mga palad at pasimpleng nagdasal.

Sino ka? Tanong ko pero sa isip ko lang. Hindi pa rin ako gumagalaw. Nanginginig na ako sa takot, habang walang kaalam-alam ang mga kasama ko sa room lalo naman ang katabi ko.

“BWAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!”

Hindi ko na napigilan ang sarili kong sumigaw ng marinig ko ang boses na tumatawa. Parang tawa ng demonyo. Nakakakilabot.  Ibayong takot ang ibinigay nito sa akin. Ang lakas lakas ng tawa nya pero ako lang ang nakakarinig. Halos manginig ang laman ko sa takot. Kulang na lang maihi ako.

“AAAAAAAAAAAAAAAAHHH!!!”

Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko sa sobrang takot. Nangangatal ako sa takot, buong katawan. Wala akong magawa kaya niyakap ko na lang ang sarili ko.

“Russel!”

“Uy Say gising. Tinatawag ka ni Maam.”

Naramdamam kong may yumuyugyog sa katawan ko. At pagdilat ng mga mata ko, mukha ni Kriz ang agad sumalubong sa akin. Nakasandal ako sa balikat nya. Naramdaman kong basa ang aking mga mata. At hindi nga ako nagkamali, patunay ang butil ng mga luhang tumulo mula sa mga mata ko.

“Umiiyak ka ba?” may halong pagtataka sa boses ni Kriz.

“Rusell!” Napatingin ako sa teacher namin na nasa unahan at seryosong nakatingin sa akin. “Ano ang pangalan ng alagang aso ng ating pambansang bayani?”

Buti na lang kabisado ko ang Noli At El Fili, kaya kahit ano ang itanong sa akin masasagot ko. Salamat sa advance na pagbabasa. Tumayo ako at akmang sasagot na ng maramdaman ko ang malamig na hangin sa aking tabi. Biglang nagtayuan ang aking mga balahibo at nangatal sa takot ang aking katawan.

“Russeeeeell!”

‘Yong boses!

Hindi sya panaginip!

TAKUTAN TAYO!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon