Chapter 2 - Ang Kilabot ng Baryo

103 2 0
                                    

Chapter 2 – Ang Kilabot ng Baryo

Samantala, sa isang bahay di kalayuan sa restawrang pinagiinuman nila Greg at Pablo, nakahiga ang isang malaking mama, balisa ang pakiramdam at di mapakali.

“Tang inang init, wala na naman kuryente! Leslie! Halika nga dito!” sigaw niya sa kanyang anak.

Wala siyang narinig na anumang sagot mula kanyang anak kaya siya’y bumangon sa kaniyang higaan. Siya’y naglakad papunta sa bintana ng kanyang kwarto at ito ay kanyang binuksan at laking gulat niya nang biglang umihip ng malakas ang hangin. Ramdam niya ang lamig na dala nito na nanunuot sa kanyang maong na pantalon at camouflage na sando. Sa lakas ng hangin ay natumba rin ang nag-iisang picture frame ng kaniyang asawa na nakalagay sa ulunan ng kama at kasabay nito, namatay din ang dalawang kandilang nakasindi sa altar. Siya’y tumingala at nakita ang makapal na ulap sa kalangitan, sa sobrang kapal ay natakpan na nito ang liwanag ng buwan at ningning ng mga bituin. Pinagmasdan niya rin ng maigi ang buong paligid. Madilim ang buong kalsada, walang taong nakatambay o palakad-lakad sa labas at mga ilaw ng kandila lamang ang malabong maaninag sa bintana ng bawat bahay.

Siya si Mang Boy, isang retiradong Marines na tapat na naglingkod sa bayan ng mahigit sa tatlumpung taon. Isang mapangmatyag, listo at maasahang Teniente ng kanilang batalyon. Dahil sa kaniyang pagmamahal at tapat na paglilingkod sa bayan ay di na niya nagampanan ng maayos ang pagiging asawa’t ama sa kanyang pamilya. Sa kasamaang palad, siya’y iniwan ng asawa at sumama sa ibang lalake. Gayunman, naiwan naman sa kanya ang kanilang nag-iisang anak na babae at mag-isa niya itong pinalaki at itinaguyod. Simula noon ay naging mainitin na ang kanyang ulo at tila laging galit sa mundo. Siya’y nalulong sa pag-inom ng alak at tuluyan nang naging lasenggo.

Matapos magmasid sa paligid ay isinara niyang muli ang bintana. Kumuha ng posporo sa kabinet na pinagpapatungan ng altar at saka sinindihang muli ang namatay na kandila. At dahil hindi sumagot ang kanyang anak sa kanyang pagtawag, lalong uminit ang kanyang ulo kaya tinawag niya itong muli.

"Leslie! Tang ina, halika nga dito! Bumili ka ng alak dyan sa kabila!” ang galit na sigaw ni Mang Boy sa kaniyang anak na dalaga.

"Tay, alas-diyes na, sarado na ang mga tindahan dito", tugon ng kanyang anak sa kabilang kwarto.

“Halika nga muna dito! Huwag mong hintayin na ako ang pumunta diyan dahil tatamaan ka sa akin!”  galit na tugon nito.

Natakot si Leslie sa tugon ng kaniyang ama. Alam niyang siya’y masasaktan kung hindi niya susundin ang pinag-uutos ng kanyang ama kaya agad siyang bumangon sa kaniyang higaan.

“Opo itay, nandyan na po!” tarantang sagot ni Leslie habang isinusuot ang kanyang tsinelas.

Matapos niyang suotin ang kanyang tsinelas ay mabilis siyang tumakbo patungo sa kwarto ng kaniyang ama. Pagbukas niya ng pinto ay nakita niya ang kanyang ama na hawak-hawak ang picture frame na naglalaman ng litrato ng kaniyang ina.

“Kunin mo ang perang nakalagay diyan sa ulunan ng kama at bumili ka ng isang boteng lapad”, mangiyak-ngiyak na wika ng kaniyang ama.

Pumunta si Leslie sa kinalalagyan ng pera habang pinagmamasdan ang kaniyang ama. Sa kaniyang paglapit sa ulunan ng kama ay napansin niyang napapatakan na ng mga luha ang larawang hawak ng kaniyang ama. Siya’y naawa sa pinagdaraanan ng kaniyang ama at ang inis na nararamdaman niya dito ay napalitan ng pagkahabag.

Malungkot na bumaba ng hagdan si Leslie. Sa kaniyang paglabas ng bahay ay marahan niyong isinara ang pinto. Napansin niyang madilim ang buong paligid kaya bumalik siya ng bahay para kunin ang flashlight na nakalagay sa mesa ng kanilang sopa. Naramdaman naman ng ama ang kanyang pagbabalik kaya ito’y lumabas ng kwarto at agad na nagtanong.

Underwater Zombies Part 1: Ang Unang EngkwentroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon