Prologue

285 3 0
                                    

Prologue

 “Sabi nila, ang lahat ng bagay ay may hangganan, may katapusan, pero huwag kang magalala, hindi pa dito magtatapos ang lahat”, wika ni Greg sa loob ng sasakyan habang marahang hinihimas ang manibela at kinakausap ang sariling awto.

Tiningnan niya ang kanyang side mirror sa kaliwa at nakita ang dalawang kotse ng pulis na magkasunod na humahabol sa kanya. Inayos niya rin ang kanyang rear view mirror at nakita ang mga kotse ng pulis na nakahilera’t humahabol sa kanya. Kasabay nito ang malalakas na wang-wang na bumubulabog sa tahimik, mapayapa at matalahib na daan.

Habang nagmamaneho ng matulin si Greg ay binuksan nito ang radyo ng awto. Sakto namang nakalagay ito sa istasyon ng balita kaya binuksan niya ang kompartamento para palitan ng tugtog. Agad niyang kinuha ang lahat ng cd sa loob nito at inilapag sa pasaherong upuan. Inisa-isa niya itong tiningnan at namili kung alin sa mga ito ang magandang patugtugin. Nang makita ang cd na may disenyong batang lumalangoy sa tubig ay binuksan niya ito at kinuha ang laman. Pinindot niya ang bukasan ng cd subalit bigla siyang natigilan nang marinig niya ang kanyang pangalan at sasakyan na binabanggit ng isang reporter.

"Inihahatid po namin sa inyo ngayon ang kasalukuyang nagaganap na habulan sa pagitan ng mga awtoridad at ng isang kilalang drug dealer na nagngangalang Juan Ramon Blanco, o mas kilala bilang Greg. Siya po ay nakasakay sa isang kulay itim at lumang modelo ng Ford Mustang na may plakang QIK 069. Kasalukuyan po itong tinutugis ng mga pulis dahil sa ginawang pagtakas nito sa isinagawang buy-bust operation kani-kanina lamang sa loob ng isang lumang pabrika. Nasamsam ang kilo-kilong shabu at cocaine na itinatayang aabot sa kalahating milyong piso ang halaga. Nagkaroon po ng palitan ng putok sa pagitan ng grupo ni Greg at ng mga pulis, at lima sa mga tauhan nito ang kumpirmadong patay. Dalawang pulis naman ang agad na binawian ng buhay matapos mabaril sa ulo ni Greg at ng kanyang kapatid na si Peter sa pagnanais ng mga itong makatakas. Antabayan ang iba pang ulat maya-maya lamang...” wika ng isang tagapagbalita sa radyo.

 Matapos marinig ni Greg ang balita sa radyo ay napangiti ito at lalong ginanahang magmaneho. Pinalitan niya ang tugtog ng radyo at isinalang ang hawak na cd. Binilisan niya pa ang takbo ng kanyang sasakyan at umabante ng ilang metro sa mga pulis na humahabol.

“Alpha 1 come in, Alpha 1. Kailangan pa namin ng karagdagang back-up para tumutok kay Greg, di namin siya maabutan. May plaka na Quebec India Kilo 0 6 9, over”, wika ng isang pulis na may hawak ng radyo habang ang kasama nito’y seryosong nagmamaneho. Laking gulat na lamang nila nang makitang biglang umapoy ang tambutso ng kotse ni Greg. “Sir, nakita mo ba ‘yun?” gulat na pagkakasabi nito sa kaniyang kapartner na nagmamaneho at tila namangha. Mabilis namang inagaw sa kanya ang radyong hawak at nakipagusap sa kanilang hepe.

“Alpha 1, this is Alpha 3. Naiwanan na kami ni Greg. Biglang bumulusok ang kotse nito paabante at hindi na namin siya maabutan. Ipadala niyo na ang ang helicopter. Over and out”, ang nanghihinayang na wika ng nagmamanehong pulis.

Matagumpay na nalampasan at naiwanan ni Greg ang mga pulis na humahabol sa kaniya. Tiningnan niya ang side mirror at rear view mirror ng kaniyang kotse at wala na siyang maaninag na anumang kotse ng pulis na humahabol sa kaniya. Unti-unti niyang binagalan ang pagpapaandar nito at saka nagmaneho na parang walang nangyari. Nilakasan niya din ang tunog ng radyo nang marinig niyang tumugtog ang kanyang paboritong kanta. Sa kaniyang pagpihit ng volume ay napansin niya ang fuel gauge. Ipinakikita nito na paubos na ang kaniyang gasolina.

“Anak ng! Ngayon ka pa naubusan”, wika ni Greg sa kanyang awto habang nililingon ang buong kapaligiran. Nakita niya ang isang karatulang may nakasulat na Pier 5M Turn Left. Saktong pagdating niya sa dulo ng daanang kaniyang binabagtas ay biglang lumitaw ang isang helicopter mula sa kanang direksiyon niya. 

Underwater Zombies Part 1: Ang Unang EngkwentroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon