Chapter 3 - Ang Maalab na Pagtatagpo

80 0 1
                                    

Chapter 3 - Ang Maalab na Pagtatagpo

Sa isang madilim na sulok ay tumutunog ang isang plauta. Malumanay ang tugtog na lumalabas sa instrumentong ito at nakakagaan ng pakiramdam. Sa bawat ihip ng hanging dumadaloy dito ay sumasabay din ang malakas na hangin at tunog ng mga dahon.

Mabilis na lumabas ng bahay si Mang Boy na tila nag-aalala sa kanyang anak na si Leslie. Mahigit tatlumpung minuto na kasi ang nakalipas at hindi pa ito bumabalik. Sa kanyang paglabas ng gate ay binuksan niya ang dalang flashlight at sinimulan na ang paglalakad. Matapos makalagpas ng ilang kabahayan ay napansin niya ang isang taong nakatayo sa gilid ng madilim na sulok. Itinutok niya ang flashlight sa mukha nito at nagtanong.

"Hoy Tanda, nakita mo ba ang anak ko?" sigaw niya sa isang matandang bulag na tumutugtog ng plawta. Napahinto saglit si Mang Boy sa paglalakad para hintayin ang tugon nito subalit hindi ito kumibo at nagpatuloy lamang sa pagtugtog ng instrumento.

Agad namang ipinagpatuloy ni Mang Boy ang paghahanap sa anak. Sa kaniyang paglalakad ay isinisigaw nito ang pangalan ng kanyang anak at iniilawan ang bawat madilim na sulok na madaraanan sa pagbabaka-sakaling makita ang anumang bakas na maaaring makapagtuturo sa kinaroroonan ni Leslie.

“Leslie! Leslie anak! Les…” biglang natigilan si Mang Boy sa pagsigaw ng pangalan ng kanyang anak nang maaninag niya ang isang lalaking naglalakad ng nakayuko at naninigarilyo.

Sa bawat hakbang ni Mang Boy papalapit sa lalaking ito ay iniilawan niya ito para mapagmasdan ng mabuti. Agad niyang napansin ang itim na pantalon nito na naninilaw ang laylayan at mukhang nasukahan dahil sa mga natuyong kanin at mantsa nito. Naaninag niya din ang dalawang baril na kulay ginto na nakasukbit sa kanyang harapan na nakakasilaw sa pagtama ng ilaw ng flashlight. Kapansin-pansin din ang mga talsik ng dugo sa puting damit na panloob nito pataas hangang sa leeg.

Nang magkasalubungan ang dalawa ay nagkatitigan ang mga ito at nagpalitan ng salita habang naglalakad ng marahan.

“Pasensya na Brad, hindi Leslie ang pangalan ko”, wika ng lalaki habang lumalabas ang usok sa kanyang bibig.

Napahinto si Mang Boy sa paglalakad matapos niyang marinig ang kanyang sinabi. Galit niya itong hinarap at itinutok ang flashlight.

“Tarantado ka, anong sabi mo?”

Agad niyang inihanda ang isang kamay para bumunot ng baril.

Napatigil din sa paglalakad ang lalaking naninigarilyo at bahagyang lumingon. Tiningnan niya si Mang Boy ng masama ngunit hindi na nagsalita, sa halip ay hinithit na lang ang kanyang sigarilyo at nagpatuloy sa paglalakad.

Tinalikuran na rin ni Mang Boy ang lalaking ito at nagpatuloy din sa paglalakad ngunit sa ilang hakbang pa lamang niya ay narinig niya ang mga katagang nagpapanting sa kanyang tenga.

“Hindi mo pa oras ngayon, Brad”, bulong ng lalaki.

Napahintong muli si Mang Boy sa palalakad at napamura. Siya’y galit na galit at tila sasabog na ang kanyang mga ugat sa katawan sa poot. Dahil dito, hinugot niya ang kanyang pistola at ikinasa. Agad niya itong itinutok sa lalaki kasabay ng flashlight ngunit siya’y natigilan nang marinig niya ang tinig ng kanyang anak.

"Itay! Tulungan mo ko!" mariing sigaw ni Leslie habang nakahandusay at duguan ang paa. Sa pagalis ni Greg matapos siyang tulungan kanina ay sinubukan niyang humakbang bitbit ang lampara. Sa kasamaang palad, siya’y natumba at lalong lumala ang sugat sa paa. Dahil dito, hindi na niya magawang tumayo pa at humakbang muli.  

Lumingon si Mang Boy sa direksyon ng pinanggalingan ng tinig ng kanyang anak at naaninag sa hindi kalayuan ang isang tao na may lampara sa tabi. Agad niyang ibinaba ang pistolang nakatutok sa lalaki at mabilis na tumakbo papunta sa kanyang anak. Binale-wala na lamang niya poot na nararamdaman sa lalaking kanyang kinagagalitan at ibinaling na lamang atensyon sa anak.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 29, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Underwater Zombies Part 1: Ang Unang EngkwentroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon