"Kung mababaw ang pag-ibig, tila kaydali lang nitong hukayin; tila kaydali lang salukin; tila kaydali lang ding lisanin."
-----------------------------------------------
Pero hindi payak ang pag-ibig, bagkus siyang kahantu-hantulad sa anumang bagay: sa bulaklak na nalanta't hindi diniligan, hanging laging nandyan pero ni hindi masilaya't mahawakan o araw na palaging may bagong simula kahit araw-araw na binabadya ng takipsilim. At sa pinunit na pahina ng puso ko ngayon, ako'y kalapating lumilipad pero mayroon nang limitasyon – pagkat babalik at babalik pa rin ako sa naturingan kong Amo.
Sa dinami-rami ng love story movies o kahit sa telenovela pa lang na panay kilig ang ibinibigay; minsan, nasasakluban yung mga pahinang may dungis – pagkat may tuldok na hindi parang walang pangwakas, may kalalimang hindi mawari ang udyok o may sipa't suntok na parang hindi mo matantiya kung kailan tatama o papalya.
Ano bang mayroon ang puso? Ano bang sangkap nito? Tila ba kayhirap kontrolin kahit pag-aari mo naman. Tila ba may sariling isip na hindi nakikinig sayo. Yun bang may pagkukusa siya na di kalauna'y maaaring ikamanhid ng buo mong pagkatao.
Pero sinasabi ko sayo, hinay-hinay pagkat hindi ka bato. Walang pusong bato, nagkataon lang na may lirikong ganoon. Tumitigas lang yan pagka-nasugatan, yung parang nabalian ka ng isang pakpak kaya't hindi ka makalipad nang tuwid. Pero pag nahilom ang sugat, maaari ka nang lumipad muli. Yung alam mo na ang limitasyon mo sa ere – kung kailan ka babagal at bibilis. Pagkat pakpak mo yan, at mahahanap mo rin ang gagamot sayo.
Tandaan mong may karapatan kang lumipad at kahit mapagod ka pa; para dyan ka talaga. Kaya't ihampas mo sa hangin ang pakpak nang mas mabagtas mo ang Langit.
BINABASA MO ANG
Kape Tayo, Mga Mangingibig!
HumorHindi ako mahilig magkape. Lagi akong puyat pero masyadong matapang ang kape. Takot nga pala ako sa kape. Kaso lang, tinimplahan ako ng Tatay ko ng kape. Kaya't sige, magkakape na lang ako. _________________________ Mainit pa siya kaya't itatabi ko...