"Ano sa tingin mo, ma? Siya na lang ba?"
Dinig ko ang palitan nila ng mga salita patungkol sa pag-ampon sa akin. Kahit ang bawat pagbuntong-hininga nila at pamaya-mayang sulyap sa gawi ko ay ramdam na ramdam ko. Magkagayunman, nanatili akong nakayuko habang magkadaop ang palad sa aking harapan. Hindi umiimik at hindi nag-aangat nang paningin sa kanila.
"Ilang taon na nga ulit siya, sister?" maganda ang boses ng naturang babae. Mukhang malambing at mabait. Sana nga.
"Sampung taon na. Mabait na bata iyang si Cherry, tahimik at masunurin. Kahit minsan hindi ko pa nasaway iyan." Tipid akong napangiti habang nakayuko pa rin. Alam ko kung bakit binibida ako ni Sr. Josephine. Nais na rin kasi niya akong umalis sa bahay-ampunan.
Saglit na katahimikan ang namayani sa paligid. Nag-angat na ako nang paningin at tiningnan kung ano ang nangyayari.
Lahat ng mata ay sa akin nakatutok. Isang lalaking nakatayo sa likod ng babaeng nakaupo sa harap ng lamesa ni sr. Josephine. Parehong magara ang kanilang pananamit at maayos ang aura ng kanilang itsura. Kapwa sila nakangiti sa akin.
"Paano po? Si Cherry na ba ang aampunin ninyo?" nabaling ang paningin ko sa maaliwalas na mukha ni Sr. Josephine. Bahagya rin ang ginawa niyang pagtango sa akin. Tipid akong ngumiti bilang tugon sabay nang panalangin na sana nga, sila na ang pamilyang nakalaan sa akin.
***
"Ito ang magiging kuwarto mo. Maganda ba?" nahihiyang inilibot ko ang paningin sa paligid.
Maganda nga ang kulay rosas na wallpaper. Pati ang kobre kama kasama ng kumot at unan ay pare-pareho ang kulay; pink. Siguro, dahil sa babae ako, iyon ang akala nilang paborito kong kulay.
Nagkalat din ang iba't ibang laruang pambabae sa paligid. Maraming stuff toys, mga manikang mukhang mamahalin at isang malaking doll house sa gilid.
Nagulat pa ako nang hawakan ako ni Mama Dianne sa braso para igiya papuntang closet. Excited niyang ipinakita ang laman niyon. Napakaraming damit pambabae mula sa pantaas at pambabang kasuotan. Sa ibabang bahagi naman ang mga makukulay at magagandang sapatos.
Tuluyan akong napangiti dahil mukhang mahal na mahal talaga nila ako.
Ayon sa kuwento nila habang nasa kotse kami, sampung taon na raw silang nagsasama, pero hindi raw sila magkaanak. Ipinasya na nilang mag-ampon at huwag na lang baby ang kunin dahil pareho silang may trabaho. Engineer si Papa Larry at Pediatrician si Mama Dianne. Maalwan ang kanilang buhay kaya nais nilang magkaroon nang tagapagpamana kung sakali.
May kasambahay naman sila, si Ate Gina, labing-walong taon lang siya at balak mag-aral kaya nag-iipon kaya nagtatrabaho muna.
Naging panatag ang pagtulog ko sa unang gabi sa bahay na iyon. Lubhang napakasaya ko dahil nakatagpo na ako ng pamilyang magmamahal ng lubos sa akin.
Demented:
Munting Ampon
2016
BINABASA MO ANG
Demented
Mystery / ThrillerNais mo rin ba siyang makilala? Demented consists of 2 one shots stories: 1. Munting Koleksiyon - rank #5 in Wattpad Lovers contest 2016 2. Munting Ampon © jhavril All rights reserved March 23, 2016
