MA 2

3K 169 8
                                    

Naging maganda ang buhay ko sa kanila. Ibinigay nila ang lahat ng aking pangangailangan. Ipinasok din nila ako sa mamahaling eskuwelahan at naging masaya ako sa loob ng sampung taong nabubuhay ako sa mundong ibabaw.

Lalo na si Mama Dianne. Ibinigay niya ang pagmamahal ng isang tunay na ina. Kahit laging wala si Papa Larry, ipinaparamdam pa rin nito ang pagiging ama sa akin.

"Ate Gina nagugutom na po ako." Nilapitan ko si ate Gina na nasa salas at nanood ng TV. Hindi niya ako pinansin at dinampot lang ang cellphone na nasa kandungan at nakangiting nag-text.

Naiinis kong kinuha ang remote at pinatay ang TV. Inis din namang ibinaling ni ate Gina ang paningin sa akin.

"Ano bang problema mong bata ka? Buksan mo 'yan!" nanlilisik ang kaniyang mga mata at inamba nang hawakan ang tsinelas niyang goma.

Subalit, hindi na ako natatakot sa kaniya. Siguro, noong una, oo. Noong isang linggo pa lang akong naninirahan sa bahay na ito ay sinaktan na niya ako kaagad. Ang akala kong magandang pakikitungo niya sa akin noong una ay napalitan ng walang humpay na hampas ng kung ano lang ang madampot niya. May walis tambo, remote control at madalas ay ang tsinelas niyang goma.

Hindi ko maintindihan kung bakit parang galit na galit siya sa akin e, kaunting pagkakamali lang naman ang nagagawa ko. Naroong nabasag ko ang baso ng hindi sinasadya, natapunan ng juice ang sapin ng sofa at naapakan ko ang bagong manicure niyang paa. Lahat ng iyon ay may katumbas na mura at masasakit na palo, sabunot at kurot mula sa kaniya.

At sa tuwina ay pinagbabantaan niya akong papatayin kapag nagsumbong ako sa mga kinikilala kong magulang. At kahit ang mag-asawang kumupkop sa akin ay ganoon din daw ang gagawin niya; papatayin. Kaya manahimik na lang daw ako at sumunod sa kaniya.

Nalaman kong malayong kamag-anak pala siya ni Mama Dianne. Napangakuan siyang pag-aaralin subalit hindi natuloy dahil nga sa dumating ako. Sa akin niya ibinuhos ang lahat nang galit niya sa mag-asawa. Pero, wala naman akong magagawa roon, hindi ko naman sinadyang dumating at ampunin nila.

"Nagugutom ako. Ipaghain mo ako ng pagkain." Sinabayan ko pa nang upo sa sofa at binuksan muli ang TV para ako ang manood.

"Aba! Gusto mo bang makatikim nang palo ha?" tumayo siya at tuluyan nang hinubad ang tsinelas na suot niya.

Hindi man lang ako tuminag para umiwas o harangin kaya ang palo ng kaniyang tsinelas. Hinawakan ko nang mahigpit ang remote at pinalipat-lipat ang channel ng TV.

Eksaktong lumapat na ang malakas na palo ng tsinelas sa bandang hita ko nang bumukas ang pinto. Sabay pa kaming napalingon sa kung sino man ang iniluwa niyon. Nabitawan ni Ate Gina ang tsinelas kasabay nang pagbagsak ng aking luha. Galit na galit na lumapit sa amin si mama Dianne at sinampal nang malakas si ate Gina.

"Hayop kang babae ka! Kaya pala agad akong tinawagan ni Cherry para pauwiin dahil sinasaktan mo siya. Walang hiya ka!"

Nanatili akong nakaupo sa sofa at tinitingnan lang silang dalawa. Tikom ang bibig at masamang tumingin bigla sa akin si ate Gina, tinging nagbabanta. Agad naman akong nilapitan ni Mama Dianne at niyakap. Tuloy-tuloy lang sa paglandas ang luha ko pero hindi ako humihikbi o nagsasalita kaya. Parang biglang namanhid ang buo kong pagkatao. Ultimo ata paghinga ay nais kong kalimutan ng mga oras na iyon.

"Cherry, anak, okay ka lang ba?" habang pinupunasan ang luha kong saad niya.

"Anak? E, hindi mo naman anak iyan, ate. Ampon n'yo lang ang batang iyan. AMPON!"

Galit na muling tumingin si mama Dianne sa gawi ni ate Gina.

"Wala kang pakialam! Magbalot-balot ka na at lumayas ngayon din!" Dumadagundong ang malakas na boses ng kinilala kong ina sa buong sala.

Nakakuyom naman ang kamay na inis na umalis si Ate Gina. Niyakap akong muli ni mama Dianne subalit hindi na muling tumulo ang aking luha.

Isinaisip kong hindi pala ako dapat maging mahina.

Demented:
Munting Ampon
2016

DementedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon