Part 2

51.1K 936 20
                                    

GUSTO sanang maging masaya ni Tiffany sa araw na iyon. Graduation day na kasi nila ng senior high, at tatlo na lang sa kaklase nilang nakapila ang aakyat sa entablado ay tatawagin na rin ang pangalan niya. Subalit kaysa ang maging masaya siya ay rumagasa ang mga luha niya. Hindi niya kasi mapigilan ang sarili niya na hindi mapaluha dahil sa bigat na dinadala niya sa kanyang dibdib.

Paano'y hindi ito ang nasa isipan niya noon na mangyayari sa graduation niya. Ang iniisip niya noon ay nasa tabi niya ang lola niya at ang mama niya, at masayang-masaya sila habang hinihintay na tawagin ang pangalan niya. Subalit kabaliktaran ang lahat ang nangyayari ngayon dahil mag-isa lang siya ngayon na nakatayo habang hinihintay na tawagin ng emcee ang kaniyang pangalan.

Gustong sumama naman ang lola niya kanina sa kanya pero siya na rin ang umayaw. Wala kasing magbabantay sa mama niya sa ospital kung aalis silang dalawa. Mas mahalaga na may titingin sa kanyang ina kaysa sa graduation niya.

Gayunman, kay sakit pa rin sa dibdib niya na nangyayari ang ganito.

Ang lungkot-lungkot niya. Tapos ay hindi niya maintindihan kung bakit ganito na kumakabog ang dibdib niya nang hindi normal, at hindi na niya nagugustuhan. Parang may nangyayari na hindi maganda.

"Tiffany Cañete!" 

Nadinig na ni Tiffany na tawag ng emcee sa kanyang pangalan. Agad niyang pinunasan ang mga luha niya sa mga mata at pinilit niyang ngumiti bago umakyat sa entablado.

"Congratulations," bati sa kanya ng guest of speaker kasabay nang pag-abot sa kanya ng diploma saka kinamayan.

"Thank you po, Mayor," abo't hanggang tainga ang ngiti niyang tugon sa Mayor na alumni raw ng school nila. Kahit paano ay totoong ngiti naman ang sumilay sa kanyang mga labi sa sandaling iyon, lalo na nang magsalubong ang tingin nila ni Krishna. Sa wakas tapos na sila sa senior high na magkaibigan.

"Congrats, besh." Nagbeso-beso sila ni Krishna nang matapos ang programa.

"Congrats din sa 'yo, besh." Niyakap niya rin ang kaibigan.

Nagmano rin si Tiffany sa daddy at mommy ni Krishna. Muli ay nakaramdam siya ng inggit sa kanyang mga kaklase na kumpleto ang pamilya ngayong graduation nila.

"Bakit wala kang kasama, Tiffany? Where's your mom? Hindi ba siya nakauwi?" tanong sa kanya ng daddy ni Krishna nang napansing mag-isa siya. Ito man ay galing ibang bansa na umuwi lang para sa graduation ng anak. Kitang-kita na proud na proud ito kay Krishna.

Naisip niya, ganito sana sila kasaya rin ng mama niya kung hindi lang sa pahirap na cancer na iyon.

Nalungkot ang mukha ni Tiffany. Nangilid ulit ang kanyang mga luha sa kanyang mga mata sa pagkaalala sa kondisyon ng kanyang ina.

"Daddy, may sakit ang mama ni Tiffany. Noon pa siya nakauwi. At hindi nakapunta rito kasi itinakbo na naman sa ospital noong isang araw." Si Krishna ang sumagot sa daddy nito nang mapansing nahihirapan siyang sumagot. Kitang-kita rin niya ang pasimpleng senyas ng kanyang kaibigan sa daddy nito na huwag na ang topic na iyon.

"Oo nga, Hon. Nasabi na ni Krishna sa 'yo 'yon, right?" Ang mommy naman ni Krishna. Malamang ay nahihiya sila ni Krishna sa pagiging insensitive ng ama ng tahanan nila. "Sorry, Tiffany," tapos ay paghingi nito ng paumanhin sa kanya.

"Pasensya ka na, hija, tumatanda na talaga ako. Makakalimutin na. But don't worry, we will see if ano ang maitutulong namin sa inyo," nahihiyang sabi na rin ng daddy ni Krishna.

Tipid na ngumiti ang dalaga. "Okay lang po at salamat po."

"Ang mabuti pa, Tiffany, ay sumama ka na lang sa amin. Kakain kami sa labas. Let's celebrate." Nakaunawa ang daddy ni Krishna na maselan na ang usapan kung kaya iniba na nito ang topic.

"Oo nga, Tiffany, sumama ka na lang sa amin," sang-ayon ng mommy ni Krishan sa sinabi ng asawa. Magaan na hinawakan pa si Tiffany sa kamay.

"Salamat po pero hindi na po, Tita, Tito, kasi siguradong inaantay na po ako ni Mama. Siguradong sabik na po 'yon na makita akong hawak ko na ang diploma ko," magalang at proud niyang pagtanggi dahil totoo 'yon. Kanina nga ay ilang ulit sinabi ng mama niya na uuwi siya agad para makita nito agad ang diploma niya sa high school. Gustong-gusto talaga ng mama niya na dumalo sa graduation, kaso ay hindi na talaga nito kaya. Ang bilis na ginugop ng kanser ang kanyang ina. Ang paliwanag ng doktor ay dahil sadyang mahina ang katawan nito kasama na ang mga ibang komplikasyon. Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Tiffany dahil bago pa kainin ng kanser ang kanyang ina ay nakauwi pa ito at nakakasama pa nila.

"Ingat ka na lang sa pag-uwi kung gano'n, besh." Niyakap na siya ni Krishna nang sobrang higpit. Hindi kasi talaga siya nagpapilit.

Nang wala na sina Krishna ay sumakay rin agad si Tiffany sa jeep at bumaba agad nang marating ng jeep ang ospital kung saan naka-confine ang mama niya.

Subalit dahan-dahan ay nabura ang ngiti sa kaniyang mga labi nang makita niya ang lola niya na lumabas ng silid ng mama niya. Umiiyak.

Tumahip ang matinding kaba sa kanyang dibdib. Same sa kaba kaninang nasa graduation pa lang siya.

"L-Lola, bakit po?"

Tumingin ang lola niya sa kanya, tapos lalong nag-iiyak.

"Lola, bakit nga po?! Bakit ka po umiiyak?!" Tumaas na ang boses niya. Diyos ko, sana hindi tama ang pumasok sa isip niya.

"A-apo, ang... ang Mama mo wala na. Iniwan na tayo ng Mama mo."

Mistula iyong pasabog sa pandinig ni Tiffany. Umawang ang mga labi niya at muli'y nabato na naman siya sa kanyang kinatatayuan. At iyong diploma niya, parang slow motion na nahulog na ng kusa sa sahig ng ospital.

MY BEKI "KUNONG" BOSS (Tayo Na Lang, Puwede Naman)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon