"Papa!"
Nasasabik na sigaw ng isang batang babae habang tumatakbo papalapit sa kanyang ama. Kitang-kita sa kislap ng kanyang mga mata ang kasiyahan nang salabungin siya nito ng isang mahigpit na yakap at buhatin sa ere. Hindi nalalayo sa kanila, tuwang-tuwa namang kinuhaan sila ng litrato ng isang babaeng hindi maitago ang saya sa kanyang nagniningning na mga mata. Napakalapad ng mga ngiti nila. Rinig na rinig ko ang kanilang tawanan habang naiinggit na pinagmamasdan ko sila mula sa malayo. Tawanan; tunog na nalikha mula sa kasiyahan ng isang buong pamilya.
Inilibot ko ang aking paningin at ganoong pangyayari ang aking nakita. Masasayang pamilya na may nanay at tatay. Kumpleto at walang kulang na idinadaos ang family day. Siguro... walang katumbas ang kasiyahang nararamdaman ng mga batang iyon. Kung ako ang nasa kalagayan nila, wala na siguro akong mahihiling pa.
Itinuon ko pabalik ang aking atensyon sa nag-iisang kasama ko: isang babaeng may ngiti sa mukha habang inihahanda ang mga pagkain naming dala at inilalapag sa mat. Kung pagmamasdan nang maigi, makikita sa ilalim ng kanyang mga mata ang pagod, marahil sa kulang sa tulog at sa mga gawain na kailangan niyang tapusin sa trabaho, pero hindi makakaila ang kagandahang taglay ng kanyang mga ngiti.
"Ma, nasaan po ba ang Papa ko?"
Nagmistulang bulong ang aking binigkas na mga salita sa mga malalakas na tawanan sa paligid namin, ngunit nagawa pa ring marating ng aking mahinang boses ang pandinig ng aking ina. Napatigil siya sa kanyang ginagawa at na-estatwa. Biglang nanlaki ang mga mata niya at nagulat sa bigla kong pagsasalita. Nakausli ang kanyang bibig at hinintay ko na lumabas mula roon ang kasagutan sa tanong na ngayon ko lamang lakas-loob na sabihin. Nakita kong nanginig ang kanyang mga kamay at parang may namuong luha sa kanyang mga mata. Ngunit walang pumatak. Wala ring salitang lumabas mula sa kanyang bibig.
Sa murang edad, naintindihan ko ang katahimikan. Nasanay ako sa katahimikan. Katahimikan, ang mahinang himig na nalikha mula sa aking pag-iisa.
Hanggang sa nakilala kita at ipinakilala sa akin ang isang melodiyang naging bago kong awitin...
BINABASA MO ANG
Another shot(ON HOLD)
Dla nastolatkówWho could've thought love would spring in a cold heart?