Part 14

27.8K 529 8
                                    

"WAAHHH! I resign!" Parang maloloka na biglang pasok si Tiffany sa silid nila ni Vicky. Pero pinandilatan siya ni Vicky. May isinisenyas.

"Hindi ako makakatagal sa kanya, Vicky! Grabe ang kabaliwan niya!" ngunit hindi niya 'yon nakuha. 'Yong pasimpleng dilat-dilat ng mata at nguso-nguso ni Vicky sa kanya kaya pagpapatuloy niya.

Kaya naman anong gulat niya nang biglang may nagsalita sa bandang tagiliran niya.

"What's the problem, Tiffany?" Si Madam Amelia nakaupo sa gilid ng kama niya.

Para naman tuloy siyang nakakita ngayon ng multo at nabuhusan ng pagkalamig-lamig na tubig. Parang matatae rin. Halu-halo na.

"M-Madam, 'andito po pala kayo?" maasim ang mukhang aniya.

"Yeah, and what did I hear that you're going to resign? For what reason? At sino 'yong baliw kamo?"

"Uhmm..." Wala siyang masabi alangan namang aminin niyang si Bearlan ang baliw? Ay-yay-yay-yay! She's doomed!

Tumingin siya kay Vicky, tingin na humihingi ng saklolo. Malay ba niya kasing nasa kluwarto nila si Madam Amelia. Kung anu-ano tuloy ang nasabi niya. Kaloka.

Napabuntong-hininga si Vicky pagkuwa'y ito ang sumagot kay Madam Amelia. "Madam, 'yong aso po nating si Bruno. Pinaasikaso ko po kasi sa kaniya. Eh, siguro nagmaldito na naman 'yong si Bruno kaya 'yon po siguro. Hindi ba, Tiffany?"

"Uhmm... O-opo. Si Brando nga po na aso ang sinasabi ko, Madam."

"Brando? Akala ko si Bruno? Sino si Brando?" Naguluhan si Madam Amelia. Naglipat-lipat ang tingin nito sa kanila.

Natampal ni Vicky ang noo. "Ay, tanga!"

Napa-"Hu?!" naman si Tiffany. "Ah, eh, o-oo nga po si Bruno na aso, Madam. Ha-ha! Nagkamali lang po kayo ng dinig, Madam. Sabi ko po si Bruno."

Bahagyang tumikwas ang isang kilay ni Madam Amelia na napatitig sa kanya, pero buti na lang at mayamaya pa'y ngumiti na ito. "Sige, hayaan mo na ang asong iyon, Tiffany. Ang asikasuhin mo ay si Bearlan. Siya ang trabaho mo rito at hindi 'yung aso."

Napayuko sila ng ulo ni Vicky. Nagkurutan sila ng puwet. Gusto niyang matawa dahil nakiliti siya buti napipigilan niya. Kinagat na lang niya ang lower lip niya.

"Inasikaso mo na ba siya, Tiffany? Kumusta ang unang pagkikita niyo?"

Nagmadaling nag-angat ng ulo si Tiffany. "Y-yes po, Madam. Ang dami nga po niyang pinagawa, eh," saka nakangiti niyang sagot. Kahit ang totoo ay naiinis siya sa mga pinagawa sa kanya. Inutusan ba naman siyang magtimpla ng juice tapos pagdating niya sa silid ay kape na lang daw, tapos nang makagawa siya ng kape nagbago na naman ang isip, ice tea na naman daw. Hindi niya alam kung ilang beses siyang akyat-baba sa kusina at kuwarto ng hinayupak na iyon. Sarap ilunod sa ice tea. Pagod na pagod tuloy siya.

"So, what can you say? Magagawa mo ba 'yong usapan natin? Can you do your job, Tiffany?"

Natigilan si Tiffany. Naalala niya ang napansin niya kay Bearlan. Bakit wala namang problema kay Bearlan? Ni hindi nga niya napansin kahit katiting na kabaklaan ang hinayupak na iyon, eh. Kunsabagay isang araw pa naman niya itong nakakasalamuha.

"Opo, Madam. Oo naman po. Magagawa ko po," sagot na lang niya para matapos na ang usapan. Kaka-stress na, eh.

Maluwang ang naging ngiti ni Madam Amelia. "Good. I'm putting my trust in you, Tiffany."

Bahagyang niyuko niya ang kanyang ulo at ngumiti ng matamis sa madam.

"Sige, aalis na ako."

Nakahinga sila nang maluwag ni Vicky nang humakbang na paalis ang mayaman nilang amo. Pero natigilan ulit sila nang lumingon ulit ito sa kanila.

"By the way, napansin ko na magulo ang silid niyo. Linis-linis din 'pag may time, okay?" pero ang sasabihin lang pala saka lumabas na.

Napahagikgik silang dalawa ni Vicky. Patawa rin kasi minsan si Madam Amelia. Pero mas nakakatakot ito 'pag seryoso kaya naman napalupaypay sila nang wala na ito sa silid. Tinakbo agad ni Tiffany ang pinto at ni-lock. Baka bumalik pa.

"Ikaw talaga 'di ka man lang nagsabi!" saka singhal niya kay Vicky.

"Nguso kaya ako nang nguso sa 'yo pero sige ka pa rin sa kakadada."

Napakamot siya sa pisngi niya. Nakita nga naman niya 'yon pero hindi niya talaga napansin. Napabuga na lang siya ng hangin. Muntik na siya roon. Buti na lang nakalusot siya. Salamat sa asong si Brando... este Bruno pala.

"Pero ano ba 'yong sinasabi mo kanina, ha? Ano'ng nangyari sa unang paghaharap niyo ni Sir Bearlan?"

Humalukipkip si Tiffany at tumirik-tirik ang kanyang mga mata. "Eh, sobrang hinayupak naman pala 'yong Bearlan Grylls na 'yon, eh. Nagsisisi ako kung bakit ko siya naging crush. May ugali din pala."

"'Yang bunganga mo nga. Pero bakit ba? Ano ba ang saktong nangyari sa inyong dalawa?"

"Ikaw ba naman ang paayusin ng wala namang aayusin? At patimplahin ng juice pero mayamaya ayaw na raw niya dahil kape na lang daw? Nang binigyan ko ng kape, ice tea na lang daw. Kung 'di naman talaga demonyo ang anak ng amo mo."

Napakunot-noo si Vicky. Sa ayos ng mukha nito at tingin sa kanya ay parang hindi ito naniniwala sa sinabi niya.

"Oh, bakit? 'Di ka naniniwala?"

Umiling si Vicky. "Talagang hindi."

"Nagsasabi ako ng totoo."

"Mabait kaya si Sir Bearlan kaya 'wag kang gagawa ng kuwento na mga ganyan."

Napasinghap si Tifffany. Ginawa pa siyang sinungaling. Ayos ah!

"Hindi siya mabait. Baliw siya. Demonyoting baklita siya," giit niya.

"Mabait siya. Hindi niya 'yon magagawa sa 'yo. Ang tahimik nga ng taong 'yon, eh."

"Sa inyo siguro. Sa akin hindi."

Nasa pagtatalo pa rin sila nang biglang may kumatakot. Napatingin sila sa pinto at nagturuan kung sino ang magbubukas. Lagot! Baka bumalik si Madam Amelia o baka naman hindi pala umalis at narinig sila. Natutop niya ang bunganga niya. Ang lakas pa naman ng boses niya.

"Buksan mo na," utos sa kanya ni Vicky.

"Ikaw na."

"Ikaw na."

"Sabing ikaw na. Mas matagal ako sa 'yo sa bahay na 'to remember."

Kamot-ulo si Tiffany. Siya na nga ang nagbukas ng pinto pero nakahinga siya ng maluwang nang makita niyang isa ring katulong pala ang kumakatok.

"Ikaw po si Tiffany, 'di ba?" nakangiting tanong sa kanya ng kasambahay na kasing edad niya lang 'ata.

"Oo ako nga."

"Para sa 'yo raw." Isang basong may gatas ang inabot sa kanya ng kasambahay.

Sumilip na rin si Vicky. "Lodia, ano 'yan?" tanong nito sa kasama na Lodia pala ang pangalan.

"Pinatimpla ni Sir Bearlan para kay Tiffany raw, Miss Vicky."

Nagkatinginan sila Vicky.

"Para sa 'kin talaga?" pagkuwa'y hindi siya makapaniwala na paniniguro. Naturo pa niya ang sarili na nanlalaki ang mga mata.

"Opo." Iniabot sa kanya ni Lodia ang gatas.

Nakangiwing kinuha naman niya iyon. Umalis na si Lodia.

"So, 'yan ba ang masama?" Hinalukipkipan tuloy siya ni Vicky na may pagtutudyo.

Napangiwi na lang si Tiffany na napapatingin sa gatas na hawak niya. Sa isip-isip niya'y ano'ng kadramahan kaya ito ng demonyo?


ANG HINDI NILA ALAM pagkasara nila ng pinto ay siyang labas naman ni Bearlan sa isang silid na pinagtaguan. At ngingiting-ngiti na nakatingin sa pinto ng silid nina Vicky at Tiffany. Tingnan lang niya kung hindi tuluyang mabaliw si Tiffany sa kanya.

They want game?! Pwes, he will play with them!!!

MY BEKI "KUNONG" BOSS (Tayo Na Lang, Puwede Naman)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon