Para kay P,

8 2 3
                                    

"Try mo kaya magasalita, Peter. Kanina pa napapanis laway mo diyan eh."
"Ay grabe naman. "

Breathtaking. Masyado akong nahumaling sa halakhak mo nung pag-uusap natin na yun kaya umiwas agad ako ng tingin. Pero ipinagsawalang bahala ko yun. Hindi pwede, okay? Kaibigan ko lang dapat toh.
Nagsimula tayo maging kaibigan nung recognition. Kung kailan matatapos na ang school year, dun pa kita nakausap. Mabait ka naman at madali lang pakisamahan kaya nagkausap tayo agad. Yung nga ang problema eh. Dyan nagsimula ang lahat.

"Syet, bagay talaga kami ni James."
"Hahaha, sira. Crush mo talaga yan?"

Normal na conversation. Kahit simpleng hirit ko lang ay masaya ako kapag natatawa ka. Kahit na hindi ko naman talaga gusto si James ay yun ang pinapakita ko. Medyo loveteam kasi kami sa room. Kaya sinasakayan ko na lang yung topak ng mga kakalase ko. Ewan, hindi ko talaga kasi type si James. Bukod sa pagiging masaway at maingay, ay wala na akong makitang iba sa kanya. Siguro kasi, sa iba naman pala ako nakatingin.

"Hoy! Tumabi ka nga dyan! Masasagasaan ka sa ginagawa mo eh. Parang timang."
"Uy Peter, nag-aalala sayo si Kara oh. Tumabi ka daw."

Malamang. Kaibigan kita eh. Sino ba naman ang gustong makasaksi ng karumaladumal na happening noh? Alam ko naman, na hindi mo binigyan yun ng malisya. Alam naman natin na hindi natin gusto ang isa't isa diba?  Akala ko lang pala yun.

"Ang ganda ko noh? Hahaha. Dapat kasi dineskartehan mo na si Leah. Ayan, naunahan ka tuloy."
"Sorry na. Haha. "

Napasimangot ako nun habang kumakain ng baon ko. Hindi ko na nagawang tumingin sayo ng diretso dahil masayado kang malapit sa akin at nakakapaso ang mga tingin mo. Para mo akong sinusuri, para bang gusto mo pa akong mas makilala pa. At hindi ko yun ma-absorb. Dahil hindi naman talaga tayo close.

"Siguro kapag lalake ako, andami dami ko ng girlfriend. Alam mo na, ang aggresive ko kasi eh."

Hindi ka sumagot. Nginitian mo lang ako at saka ka lumingon. Binilisan ko ang lakad ko kasabay ng mabilis na pintig ng puso ko. Shit, masyadong malaki ang epekto mo sa akin at hindi ko gusto yun. Dahil hindi pwede.

"Sayaw tayo?"
"Gorabells! Parang sayaw lang eh!"

You were beyond perfect that night. Suit and tie lang naman ang armas mo nun, pero parang ang gwapo gwapo mo sa paningin ko. Nakakainis nga eh, hindi mo man lang ata napuna na nag-ayos ako nang gabi yun. Malamang, hindi mo na rin maalala ang tugtog habang sumasayaw tayo.. saglit lang naman kasi ang naibigay na panahon nun para makasayaw tayo dahil tinawag ka na ng classmates natin saka sinabing isayaw mo na raw si Leah. Alam ko namang hindi mo tatanggihan..kaya ayun at umalis ka rin.

"Kara."

Hindi ko naman itatanggi. Gumaganda ang pangalan ko pag ikaw ang sumasambit nito.

"Oh?"
"Bakit ang ganda ng pangalan mo?"

Napadilat ako mula sa pagkakapikit habang nakasandal sa balcony at nilalasap ang simoy ng hangin. Hindi na ako sumagot pa. Hinayaan na lang kitang tumititig sa akin habang naniningkit ang mata mong nanunuya. Baka kasi hindi na maulit toh.

"Ang panget mo! Alis nga!"
"Sungit talaga sa akin. Sige na nga, ingat ka ha!"

Tuwing uwian, ganyan ang set-up natin. Hindi ko alam kung sadyang nakalunok ako ng pagong tuwing uwian kaya ang bagal kong kumilos at mag-ayos ng gamit o subconsciously ay gusto ko lang talagang magpahuli hangga't di mo ako sinasabihan ng ingat.

"Pwede?"

Inabot ko ang kamay mo saka ako pumikit. Prayers na ng klase dahil mamaya ay announcement na ng nanalo sa contest, at hindi ko aasahan na ikaw pa mismo ang lalapit sa akin para maging kahawak sa prayer. Syempre friends tayo eh.

"Wag dyan peter! Dito ka bilis. "
"Tabi na kayo ni Leah! "
"Eto naman patapos na school year pero torpe pa rin!"

Hindi ka nag-atubiling bumitaw sa kamay ko nun. Tinanguan kita saka ka sumingit sa pila nila Leah. Lahat talaga boto sa inyo noh? Kahit ako rin dati e.. avid fan niyo akong dalawa. Ako pa nga nag-nominate kay Leah dati para maging muse ng klase, tapos nung nanalo.. sila naman ang bumoto sayo para maging escort niya.

"Wag ka na kasi lumipat ng school.."
"Bakit naman? Eh wala nga dito yung track ko noh."
"Basta dito ka na lang. Marami makaka-miss sayo dito."

Buo na ang desisyon kong lumipat sa school ng mga panahon na yun. Pero nang dahil sa sinabi mo, para akong baliw na agaran pumunta sa school na enrolled na ako para sana i-withdraw yung mga forms at requirements na napasa ko na. Ayaw ko na pala na umalis. Pero alam kong hindi pwede, kaya ayun.. walang nakakaalam sa inyo nun pero final na ang desisyon kong lilipat na ako.

"Pupunta kang Gradball? Pumunta ka ha."
"Sus, eh wala pa nga akong damit. Wala na akong balak sumama."
"Bili ka na kasi. Last mo na nga yun ayaw mo pa. Basta, sasabihan mo ako pag sasama ka ha?"

Pinili ko ang white dress na yun habang iniisip kita. Naaala ko kasi yung sinabi mo dati na pinakamaganda ang babae pag naka puti. Kaya agad ko namang kinuha ang above the knee at beaded sa taas na white dress. Kung sakali ito na ang huling araw na makikita mo ako, gusto ko namang makita mo akong maganda. Gusto kong makita mo ako.

"Akin na yan, maligo ka na dun."

Nag-prisenta ka sa akin na ikaw na lang ang magpa-plantsa ng damit ko dahil late na ang lahat sa gradball noon. Doon kasi sa bahay ng tropa natin ang lahat nagkayayaaan na gumayak para sabay sabay na lang ang byahe sa lugar. Agad mong hinila sa kamay ko ang damit ko saka mo inumpisahan. Hindi na ako pumalag kasi gusto ko. Kasi gusto kita.

"Leah, isasayaw ka daw ni Peter!"
"Sige na layas na. Wag na torpe ha?" sambit ko.

Tinawag ka nila habang nilalagyan mo ng pagkain ang plato ko kasi sabi mo hindi kami bagay ni James na chubby pag nangayayat ako. Ibibigay ko na sana sa iyo yung anklet na lagi mong tinitingnan sa mall. Para terno tayo, kahit hindi mo alam. Kaso biglang dumagdag sa ingay ang mga kantsawan at tuksuhan ng classmates sa inyo.  Oo nga pala, nakalimutan ko na ata. Si Leah nga pala talaga ang gusto mo.

At simula nung sandaling yun hindi na kita muling nakausap pa.

SparksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon