Aja, Fighting

299 13 2
                                    

'Left, right, left, right, right, left, yeah.'

Di ko mapigilang mapaindak habang naglalakad papunta sa Mataas na Paaralan ng Baranggay San Dionisio, may ilang kilometro rin ang layo mula sa maliit naming 'pugad'. Kailangan ko yung gawin para naman malibang ako habang naglalakad at di panghinaan ng loob. May dalawampung minuto pa bago ako makarating sa school kaya maaga talaga akong gumigising at naghahanda para maglakad at makatipid ng eight pesos.

Sayang din kasi ang matitipid ko, pandagdag yun para sa pamasahe ko para makaluwas sa bayan sa darating na Sabado. Plano ko kasing kumuha ng exam para maging Student Assistant sa college.

Hindi ako katalinuhan, aminado naman ako sa sarili ko. Sa totoo lang, yung grades ko sa Physics at Calculus eh flat 80 lang mula noong first grading hanggang third grading pero may pangarap ako, may gusto akong marating, nais kong lumipad at tuparin ang pangako ko kay tatay bago namin siya binaon sa ilalim ng lupa kung saan nakatirik ang bahay namin. Hindi raw yun hygienic sabi sa biology class namin pero wala kasi kaming perang pambayad para magkaroon siya ng sariling lapida.

Mabuti na nga lang at ang qualification ng school para sa student assistant program nila ay no grade lower than 80 at saktong sakto lang ang mga grades ko.

"Pssst. Sakay na. Libre ko."

Sa boses pa lang ng tumawag sa akin, malakas ang kutob kong si Caloy yun, yung anak ng mayor namin na ubod ng kulit at siga-sigaan.

Nilingon ko siya at di nga ko nagkamali. Sakay siya ng owner type na jeep na minamaneho ng driver nila. Kumindat pa talaga at nagpakafeeling gwapo at naka-gel pa talaga ang buhok. Ang sarap pagmasdan, este sapakin pala!

"Di na. Salamat na lang."

"Alam mo, ikaw ang arte mo. Kung sinasagot mo na lang ako di ba, sana eh di ka na naglalakad."

"Sinasagot?"

"Oo. Ang tagal ko na kayang nanliligaw sa yo!"

"Hala? Kelan pa? Bakit di ko alam?"

"Weh? Di nga? Ewan ko sa yo Issay. Nagkukunwari ka pa. Sumakay ka na para makapunta na tayo sa school."

"Salamat na lang."

Sa halip na naglakad ay tumakbo ako palayo kay Caloy. Kung tutuusin, aaminin ko, may konti rin akong paghanga sa kanya. Sino ba namang hindi? Maganda ang dimples niya at may singkit na mga mata. Panalong panalo talaga pero kasi anak siya ng mayor kaya di bale na lang.

Mahirap na. Mahirap ng magmahal at masugatan ang puso. Isa pa, sa edad ko, kailangan kong magfocus lang sa pag-aaral at ang mga katulad ni Caloy eh panira lang ng diskarte. Ayokong matulad sa isang schoolmate namin noon dati na inuna ang puso dahil mahal niya raw yung lalaki tapos ayun, di na nakapag martsa.

Di naman sa nagmamalinis ako, pero alam ko kasing kailangang magseryoso sa pag-aaral kahit mahirap ang algebraic expression at division of polynomial by another polynomial kasi sabi nga ni Gat Rizal, kaming kabataan ang pag-asa ng bayan.

"Aray!"

Di ko napansing may bato palang nakaharang at natalisod ako. Kung minamalas nga naman oh! Haaaaaay.

Dahan dahan kong tinaas ang sapatos ko at doon ko nakita kung gaano na kalaki ang butas nito. Di na lang pala to pudpod kung hindi sirang sira na. Di bale, kapag nakapag college na ako tapos nakagraduate na at nakapagtrabaho, bibili rin ako ng magandang sapatos.

"Sakay na."

Di ko inaasahang hihintuan pa rin ako ni Caloy sa kabila ng pagpapahiya ko sa kanya. Makulit din talaga ang isang to.

Rush (Short Stories and Life Inspirations) #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon