IKALAWANG KABANATA
NANLALABO NA ANG aking paningin. Pahina nang pahina ang mga ugong at boses na naririnig ng aking mga tainga. Lalong humihigpit ang pagkakasakal sa akin sa puntong nakaangat na ang mga paa ko mula sa sahig. Pilit akong kumakawala pero masyado siyang malakas. Alam kong wala ng natitirang hangin sa loob ko't sa ilang saglit lang ay mawawalan na ako ng malay. Dama ko ang pagkaipit ng mga laman at ugat ko sa aking leeg at ang unti-unting panghihina ng aking kalahatan.
Dahan-dahang nilamon ng dilim ang lahat at tuluyan na akong nawalan ng pakiramdam.
"PARE! GUMISING KA!"
Minulat ko ang aking mga mata dahil nakaramdam ako ng pagyugyog sa aking katawan. Ilang beses akong pumikit at muling dumilat dahil medyo nanlalabo pa rin ang aking paningin; hanggang sa unti-unti na 'tong luminaw. Nakita ko ang alalang-alalang mukha ni Jed na nakatingin sa akin. Nasa likod naman niya ang kanilang kasambahay.
Dahan-dahan akong bumangon mula sa pagkakaupo sa sofa. Medyo nananakit pa rin ang leeg ko kaya hinaplos-haplos ko ito.
"Salamat naman sa Diyos at nagising ka na! Manang, ikuha mo nga ng tubig si Jaize." Dali-daling umalis ang kasambahay niya upang sundin ang kaniyang utos.
"Salamat sa Diyos? Kailan ka pa nagpasalamat sa Kaniya?" natatawang tanong ko. Sa lagay kong 'to, nagawa ko pang magbiro.
Inilibot ko ang aking paningin, wala na ang mga bisita ni Jed. Wala na rin akong naririnig na mga tugtugan. Tahimik na sa buong bahay.
Nasagi ng mga mata ko ang maliit na relo sa dingding. Shit! 1:30am na pala. Kailangan ko nang umuwi.
"Pare, 'wag mong ilipat sa akin ang usapan. Dapat ikaw nga ang tanungin ko. Ano ba talagang nangyari? Bakit nagkagulo kayo ni Serafin?"
So siya nga talaga ang kuya ni Ram. Ang suwerte lang niya't mas malaki ang katawan niya't mas malakas siya kaysa sa akin. Kung nagkataon, tutuluyan ko talaga siya.
"Kaso hindi, Jaize, e. Ikaw 'yong muntik na niyang tuluyan."
Nanlaki ang mga mata ko. "Nababasa mo ang isip ko?"
"Gago! Halatang-halata sa mukha mo ang inis mo nang banggitin ko ang pangalan niya, parang handa ka nang putulan siya ng hininga." Umupo sa tabi ko si Jed at tiningnan ako nang seryoso. "Sabihin mo na kasi! Ano ang nangyari sa inyong dalawa? Buti na lang, bago ka pa niya matodas e agad akong nakababa mula sa kuwarto ko sa taas. Nakakainis ka naman pare, e. Kung kailangan handa nang magpasibak sa akin 'yong chicks na nakuha ko kanina! Tang ina, ang kinis at ang puti pa naman!"
"Pambihira ka talaga, Jed. Wala ka pa ring sawa. 'Pag ikaw nagkaroon ng STD, mandidiri na sa 'yo ang lahat ng babae." Huminga ako nang malalim saka tumayo. Inayos ko ang aking suot sandali't maging ang aking buhok. "Hindi ko na iku-kuwento dahil hindi mo rin naman maiintindihan. Alis na ako, pare."
Nakita ko sa gilid ng aking mga mata na napakamot na lang siya ng ulo. "Uy, pare. Sandali lang. Sabihin mo na sa akin!"
"Nah. Itulog mo na lang 'yan, Jed." I stopped for a moment, biglang napatingin sa akin ang kadadating lang na kasambahay nila at agad itong pumunta sa akin para i-abot ang dalang tubig. Dali-dali ko itong ininom at ibinalik sa kaniya. "Thank you."
"Jaize! Pare!"
"Forget it!"
Pagkalabas ko ng pintuan ay agad akong tumakbo palabas ng gate. Baka mamaya e habulin pa ako no'n at piliting umamin. Hindi ko naman maaaring sabihin sa kaniya na kaya ko pinagtatadyakan 'yong Serafin na 'yon e dahil siya ang kuyang bumugbog at nagpalayas sa tinulungan kong bata sa lansangan. Tiyak na para sa kaniya, hindi 'yon big deal dahil 'di naman niya kami katulad ng pinagdaanan ni Ram. Straight na lalaki si Jed at mula bata pa lang, nakukuha na niya lahat ng gusto niya.