IKAPITONG KABANATA
Ikalimang Langit
"K-KINAKAIN mo na ang... ang kaluluwa ko?!"
Lalong naglagablab ang itim na apoy ng lumulutang na bola sa aking harap. Hindi ito sumagot. Bagkus, bigla na lang 'tong naglaho. Pero ang matinding kaba ay hindi nilisan ang ang aking katawan. Nangangatog ang aking mga tuhod at hinahabol ko ang aking hininga.
Nakaramdam ako ng pagyanig at nagsimula nang magbitak-bitak ang ulap na kinatatayuan ko. Sampung itim na mga kamay ang lumabas mula rito at sumalabit sa iba't ibang parte ng aking katawan. Dama ko ang paglusob ng malakas na puwersa ng hanging tumutulak sa akin pababa, kasabay ang pag-ikot ng rumaragasang apoy sa aking paligid.
NAPUNTA AKO SA loob ng eskuwelahan ko no'ng hayskul. Ngunit gabi iyon. Mula rito, tanaw na tanaw ko ang napakaraming mga sasakyang nakaparada ang labas ng paaralan. Kabi-kabila ang mga estudyanteng naka-gown at tuxedo.
May red carpet mula sa gate hanggang doon sa gymnasium. Ito ang nilalakaran ng mga estudyante habang nagpe-play ang samu't saring modern songs na mang-eenganyo sa isang estudyante na maglakad ala-model. Kapag nasa kalagitnaan naman na sila ng paglalakad, makikita nila ang isang pagkalaki-laking bandera na nakasabit sa magkabilang dulo ng dalawang 2nd floor ng dalawang gusaling magkaharap.
Welcome to Juniors and Seniors' Prom
Ang prom na hindi ko makakalimutan.
Saglit akong napatingin sa gate at nakita ko roon ang labing anim na taong gulang kong sarili, naglalakad nang dahan-dahan. Nakasuot siya ng dark blue tuxedo na may pulang ribbon sa kuwelyo. Ang kaniyang buhok na kulay ash grey ay bagay sa maputi't maputla niyang balat. Agaw-pansin din ang kumikinang-kinang niyang silver bracelet.
Kinapkapan muna siya ng mga CAT at nang makasiguradong safe siya, naglakad na siya sa red carpet. Ang paglalakad niya'y tila isang model talaga, sumasabay sa indak ng tugtog ang bawat palatak ng kaniyang mga paa. Maraming photographers ang nagtipon sa gilid para kuhanan siya ng mga litrato. Walang sawa silang nagsabog ng sangkatutak na flash sa dating ako.
Nang makapasok na siya sa gymnasium, halos lahat sa kaniya ay nakatingin. Ang makukulay na ilaw na umiindap-indap ay mas lalong nagpatingkad sa presensya niya. Maging ang musikang bumabagay sa kaniyang kasuotan ay ginawa siyang mas nangingibabaw mula sa pagkarami-raming mga estudyante na naroroon.
"Naks! Ang pogi mo ngayon, Jaize. Believe me." Napangiti siya nang batiin siya ng kaklase niyang babae. Ito ang kanilang muse. Dati-rati, ni hindi siya nito matingnan. Ngayon ay kinikilatis na siya mula ulo hanggang paa at ang ngiti sa labi nito'y hindi maalis-alis.
"My girl is right bro. You look awesome," dagdag pa ng boyfriend nito na kaklase rin niya't escort nila.
"Salamat guys. Both of you look perfect too."
Nakihalubilo na ang dating ako sa iba pang mga estudyante—karamihan ay kakilala niya—pero kakilala man o hindi, tinitingnan siya mula ulo hanggang paa habang ang kanilang mga bibig ay nakabukas.
TANDANG-TANDA KO PA noong sumumpa ako sa sarili kong sa huling taon ko sa hayskul, magle-level up ako sa academics maging sa physical appearance ko. Buong school year ay pasok ako no'n nang pasok, wala ni isang absent. Lahat ng contest ay sinasalihan ko't madalas talaga akong magwagi. Kaliwa't kanan ang clubs na nag-iimbita sa aking maging presidente nila. Naging editor-in-chief na rin ako ng pahayagan ng eskuwelahan.