IKAANIM NA KABANATA
Ikaapat na Langit
MALAMIG ANG SIMOY ng hanging dumadaplis-daplis sa aking balat. Patuloy ako sa paglalakad sa mga ulap habang nakapikit. Hindi ako sigurado kung bakit pero parang alam ko na kung ano ang susunod na alaalang pupuntahan ko.
Huwag naman sana ang isang 'yon. Masakit pa ang sugat ko sa banda roon—masakit na masakit pa. Maraming taon na ang lumipas pero hindi pa rin iyon naghihilom. Lalo lang tumindi ang pagdurugo.
Hindi ko namalayang lumuluha na pala ako. Tumigil muna ako sa paglalakad.
"Bakit ka umiiyak, Jaize?"
Pinunasan ko agad ang mga luha ko. Napatingin ako sa itim na bolang apoy na kasalukuyang lumulutang sa ere—sobrang lapit nito sa akin pero wala akong nararamdamang init.
"W-Wala. Wala 'to."
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Pero pakiramdam ko, nawalan na ako ng lakas. Hindi ko na magawang i-angat ang mga paa ko. Kinakaladkad ko na lang ang mga paa ko't kinakaskas sa ulap.
"Huwag mong kalilimutan. May kasunduan tayo."
Muli akong napahinto nang marinig ko 'yon—parang may kung anong alingawngaw ang sumumpong sa loob ko. Bago pa ako makalingon sa kaniya ay may walong maiitim na kamay na ang pumalibot sa akin at yumakap sa katawan ko. Ang hanging kanina'y sumisirko sa ere ay nagtulungang idiin ako pailalim. Bumugso ang naglalagablab na apoy mula sa nagkakabitak-bitak na ulap na kinatatayuan ko.
Bago ako tuluyang malamaon ng apoy at ng maiitim na mga kamay, nakarinig pa ako ng malakas at makapanindig-balahibong halakhak.
HINDI KO MAGAWANG tumingin sa sarili ko—sa labing limang taong gulang kong bersyon—na nakaupo kasalukuyan sa dyip. Nakapikit ang aking mga mata't nakakuyom ang mga kamay. Nakaupo rin ako sa dyip pero ayokong tingnan ang paligid. Ayokong maalala ang lahat.
Ayokong maaalala kung gaano kami kasaya noon.
Titiisin ko. Hindi ako didilat. Hindi ko imumulat ang mga mata ko. Nananakit na ang dibdib ko noon at hindi ko mapigilang maluha. Ang sakit-sakit pa rin talaga. Bakit ito pa?! Bakit itong alaala pa?! Marami naman ako mga alaala na masasakit, e. Bakit ito pa?!
"Mga bababa ng Robinsons Malolos! Pakidalian lang!"
Napamulat ako agad. Ayoko mang makita muli itong lahat, wala akong magagawa. Kailangan kong gawin 'to para makabalik ako sa totoong mundo. Kailangan kong durugin ang sarili ko sa pagsaksi sa dating ako kung paano rin siya mawasak.
Bumaba na ang dating ako mula sa dyip at pumasok sa loob ng Robinsons. Nakasunod lang ako sa kaniya. Ang hintayan nila ng kikitain niya ay sa staircase ng groundfloor pero umakyat siya sa second floor.
Dali-dali siyang dumiretso sa banyo para magpulbos at magpabango. Late na siya, oo. Pero hindi siya puwedeng humarap sa boyfriend niya na amoy pawis at mukhang binayo ng sangkatutak na bagyo.
Pagkatapos niyang mag-ayos ay dali-dali siyang pumunta sa mga hagdan ng 2nd floor pababa sa ground floor. Nakita niya roon ang nag-iisang nakaupo na lalaki. Nakatalikod ito pero alam niya nang 'yon ang pinakamamahal niya.
Matangkad. Medyo makapal at mahaba ang buhok. Kayumanggi ang balat.
Agad siyang naglakad papalapit dito at niyakap 'to mula sa likod—sobrang higpit ng kaniyang yakap—pinapadama kung gaano niya kamahal ang taong iyon. Sobra-sobrang pagmamahal.