SS#2- Gulaman Man

109 5 6
                                    


Ang tagal na panahon na rin pala. Limang taon na ang nakakalipas simula no'ng magkakilala kami--ay mali, magkatagpo pala. Hindi ko nga pala nakuha ang pangalan niya. Pero hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon, naaalala ko pa rin siya sa tuwing pupunta ako sa lugar na ito.

"Kuya, pabili po ng gulaman," sabi ko pagkarating ko sa kabilang daan.

Kung tutuusin, wala namang kaala-alala sa mukha ng la aking iyon. Hindi siya guwapo, hindi rin naman siyaiyon mukhang mayaman at mas lalong hindi siya gentleman. Pero may isang bagay siyang ginawa na hindi ko makalilimutan.

No'ng nilibre niya ako ng gulaman.

Alam kong sobrang babaw na dahilan para sa iba. Pero para sa akin, isa ito sa mga naging dahilan kung bakit buhay pa ako ngayon. Nakakalungkot nga lang dahil hindi ko man lang siya nagawang pasalamatan sa ginawa niya.

Dahil sa kan'ya, napawi nang bahagya ang hilo ko no'ng mga oras na 'yon. Dahil sa kan'ya, nakapasa ako sa interview at nang dahil sa kan'ya, nakapagtrabaho ako rito.

Tandang-tanda ko pa 'yong araw na 'yon. Kasalukuyan akong nasa gitna ng tirik na tirik na araw habang nakikipagsapalaran sa buhay. Naghahanap kasi ako ng trabaho para naman may silbi ako tulad ng sabi ng Nanay ko. Pero ngayon, isang malaking problema ang kinakaharap ko. Dalawang daang piso na lamang ang pera ko at hindi pa ako nanananghalian.

Kung kakalkulahin ko ang pamasahe na magagastos ko pauwi, kulang-kulang sa singkuwenta na lamang ang matitira sa akin.

No'ng araw na 'yon ay may interview ako sa isang kumpanya kung saan ako nag-apply bilang isang assistant secretary. Ngunit sa kamalas-malasan, hidi tumunog ang alarm ko kaya nahuli ako ng gising. Nakarating ako sa nasabing lugar, pasado alas nuwebe na samantalang ang interview ko ay alas otso. Magaling, magaling. Dahil nga sa nahuli ako, nasa dulo rin ng listahan ang pangalan ko.

Makalipas ang dalawang oras, tatlo na lamang kami sa labas. Konting tiis na lang, Camille at makauuwi ka na. Konti na lang.

"Ate, puwede kong kuhanin ang number mo?" nakangiting sabi sa akin ng katabi ko.

"Ah--e, sige." Inabot niya naman ang cellphone niya sa akin.

"Ako nga pala si Che," pagpapakilala niya saka inilahad ang kaliwang kamay nito.

"Ako si Camille. Nice to meet you," tugon ko naman at nakipagkamay rin. Iniabot ko naman pagkatapos ang cellphone niya. Ngumiti kaming pareho saka natahimik muli.

Nabuhayan lamang kami ulit no'ng lumabas na 'yong nag-iinterview. Lumapit ito sa amin saka nag-anunsiyo.

"1 pm po ang resume ng interview. Lunchbreak na kasi namin. Balik na lang kayo ulit before 1." Gusto kong sabihin na 'ako nga, hindi nag-almusal tapos kayo, manananghalian pa? Wow." kaso pinigilan ko ang sarili ko. First impression last, Camille. Umayos ka.

"Sige po. Salamat," dismayado naming sabi.

Inaya naman ako ni Che na sumama sa kan'ya ngunit tumanggi ako. Narinig ko kasi sila ng kausap niya sa telepono kanina na sa Jollibee niya raw gustong kumain. Nakakahiya akong ipabayad sa kan'ya 'yong kakainin ko kapag nagkataon kaya naman hindi na lang ako sasama.

Lumabas ako para humanap ng pupuwedeng kainan na mura tutal may singkuwenta pesos pa naman ako rito. Nahagip naman kaagad ng mata ko 'yong naggu-gulaman at nagfi-fishball sa kabilang daan kaya naman doon ako dumiretso. Ngunit sa pagbukas ko ng pitaka ko, isang kagimbal-gimbal na balita ang bumungad sa akin.

"Sht," tanging naibulalas ko. Nakalimutan ko na naipambayad ko nga pala kay Kuyang nagtitinda ng ballpen sa kanto---na hindi ko malaman kung ballpen lang ba talaga ang itinitinda niya o may magic na kasama 'yon--- 'yong singkuwenta pesos ko at tanging natira na lamang sa pitaka ko ay ang pamasahe ko pauwi.

Sa sobrang pagmamadali ko kasi kanina, naiwan ko 'yong bag ko at tanging resume, wallet, cellphone at susi lang ang nadala ko. Ang sarap lang talagang mangain ng tao ngayong mga oras na ito.

Gustuhin ko mang bumili, wala naman akong pambili kaya wala akong ibang nagawa kung hindi ang panoorin na lumagok ng masarap at malamig na gulaman 'tong mga nasa tabi.

"Miss, excuse me. May bumibili, oh," aniya ng isang lalaki. Napatingin naman ako sa kaliwa ko at bumungad sa akin ang isang lalaking nakaitim na pantalon at nakakulay dagat na polong long sleeves. Nakasuot din ito ng medyo may kalumaan na itim na leather shoes.

"Sorry," tugon ko saka bahagyang umusog. Naku naman, paano kaya ako nito makakakain? Tuyong-tuyo na ang lalamunan ko at ramdam ko rin na ilang minuto na lamang ay magdidilim na ang paningin ko. Muli ko namang kinuha at binuksan ang pitaka ko.

"Bakit ngayon pa?" bulong ko sa sarili ko habang binibilang 'yong mga barya ko at umaasang sosobra ito ng limang piso.

"Kuya gulaman nga po," aniya no'ng lalaki kanina.

"O, inumin mo na 'to." Nagulat naman ako no'ng biglang may tumambad na gulaman sa mukha ko. Napalingon naman ako sa direksyon ng pinanggalingan ng biyaya.

"S-sa akin?" Halos magdikit na ang mga labi ko sa sobrang tuyo nito. Mabuti na lamang at nasabi ko pa iyon nang malinaw.

"Mukha ka na kasing mamamatay," nakangisi nitong sabi habang nakatingin sa akin. Bigla namang nagdilim ang paningin ko kaya agad kong kinuha iyon at ininom. Wala pa yatang sampung segundo ay ubos ko na.

"Woah. Talaga ngang mamamatay ka na," hindi makapaniwalang sabi nito. Bigla naman akong nahiya sa inasal ko.

"Sa---" Natigilan naman ako sa pagsasalita nang biglang mag-ring ang telepono ko. Kinuha ko naman ito sa bulsa ko at sinagot.

"H-hello? Ha? Naku, patay. O, sige pabalik na ako. Salamat!" Pagkababa ko ng telepono, agad na akong tumakbo pabalik sa kumpanya. Ala una na pala, hindi ko man lang napansin. Mabuti na lang at tinawagan ako ni Che.

"Salamat, ha?" Narinig kong pagsigaw no'ng lalaki mula sa likuran ko. Sht. Oo nga pala, may kausap pa pala ako. Tumalikod naman ako at nakita kong nakaabante na siya at mukhang lilipt na. Sisigaw na sana ako para sabihing 'salamat' ngunit hindi ko na naituloy ang sinasabi ko dahil bigla siyang nahagip ng mabilis na bus. 

YSSF 2: AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon