Chapter 4

17.1K 284 43
                                    

Buwan ng Hunyo ng tuluyang makalipat ang kanilang pamilya sa House #38. Isa itong panibagong simula para sa kanila. Panibagong bahay nanaman, panibagong adjustment. Buti na lang at hindi sila nahirapan sa paglilipat. Bakit nga ba sila mahihirapan kung itinatawid lang naman nila ang kanilang mga kagamitan. Isa pa, nasa eskwelahan na ang mga bata kaya matutuon nila ang buong atensyon sa pag-aayos sa bagong tirahan. Mas mapapadali ang kanilang trabaho dahil walang mangungulit sa bawat nilang gagawin.


Ilang mga tauhan din mula sa kanilang pamilihan ang tumulong sa paglilipat. Hindi na umupa pa ng mga taga-buhat dahil sapat na sapat na sila upang matapos ang pag-aayos ng bahay. Isa pa, mas tiwala silang maiingatan ang kanilang mga gamit.

Kung ilalarawan ang kanilang nilipatan, malaki ang bahay na ito kung ikukumpara sa dati. Pula ang gate at may malawak na garahe na sapat para ipasok ang sasakyan nilang Tamaraw FX. May katamtamang hardin din ito at kasyang kasya ang swing ng mga bata di gaya sa dati nilang tinirahan. Bukod sa puno ng atis na mukhang masigla magbunga, mayroon ding mga halaman gaya ng santan at gumamela. Nagpadagdag pa sa ganda nito ang matabang lupa at magandang tabas ng mga damo.

Mas malaki din ang kwarto ng mga bata dito at ganun din naman ang kwarto ng kanilang mga magulang na katabi lang ng kwarto ng mga bata. May isang malaking kwarto din na nakalaan para sa kanilang kasambahay na pahaba ang hugis. Malapit ang kwartong ito sa sala, at nakatapat naman sa isang malawak na dining area ang pintuan nito.

Malawak ang sala nito at kasyang kasya ang mga gamit ng pamilya kasama pa ang mga abubot. Dito rin nila napagpasyahan na ilagay ang isang aircon upang maging malamig sa sala at buong kabahayan. Habang sa kwarto naman ng mga bata, isang exhaust fan ang gagamitin nila. Ang lamig ay magmumula sa kwarto ng kanilang mga magulang.


Ang kusina naman na may pahabang sukat ay matatagpuan paglabas ng pintuan sa may dining area. Yun nga lang, ang pintong ito ay may salamin sa gitna. Kung malawak ang imahinasyon ng makakakita dito, iisiping may hawig ang pintong ito sa isang kabaong. Ang pintong ito ay direktang nakatapat sa kwarto ng mga kasambahay.


Kadugtong ng kusina ang labahan. Sa pagitan nito, may isang screen door na naghahati sa dalawang parte. Kadugtong naman ng labahan, ang malawak nitong likod bahay. Sa kabilang dulo ng kusina ay isang pink na maliit na gate na palabas sa garahe. Mapapansing may kalumaan na din ito at halatang hindi masyadong nagagamit. Bakas na kasi sa gate na ‘to ang kalumaan at ilang mga kalawang. Mahirap nadin itong buksan at kailangan pa ng konting pwersa.


Normal naman ang lahat sa bahay, maliban sa ilang nasaksihan nila bago ang paglipat. Kung tutuusin, mas maganda ito sa dati nilang tinirahan. Presko at malawak kaya hindi nagsisiksikan ang mga kagamitan. Sa kabila nito, may hindi maipaliwanag na pakiramdam sa loob ng bahay. Sa lawak nito, ramdam ang lungkot sa buong paligid. Isa pa, parang hindi lang sila ang pamilyang nakatira doon. Ramdam ito ng lahat, lalo ng mama nila na likas na may bukas na third eye.



Ngunit may katotohanan kaya ang kanilang mga nararamdaman?

 

House #38 - Completed (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon