Chapter 2

21.4K 329 51
                                    

Makalipas ang ilang araw, may natuklasan ang magkakapatid na nakadagdag sa kanilang pagdududa tungkol sa katauhan ni Aling Elsa. Sa isang kaswal na pag-uusap kasi ay narining nila mula sa kanilang ina ang probinsyang pinagmulan ng bago nilang kasambahay. Mula ito sa isang probinsya sa Visayas. Kilala ang probinsyang ito hindi lang sa ganda ng tanawin. Kundi higit lalo sa mga samu’t saring kwento tungkol dito. Mga kwento ng kababalaghan at mga hindi maipaliwanag na bagay gaya nalang ng mga pangkukulam at aswang. Noong mga panahon kasi na iyon, matunog ang probinsyang ito sa mga horror movies. Kaya naman, tumatak ito sa isipan ng mga batang gaya ni Jane at Chloe.

"Hala, sa Capiz? Di ba dun galing yung mga Aswang? Napapanood ko yun sa TV eeh." sabi ni Jane. 

"Oo nga eh, tsaka alam mo ate, ayaw niya sa bawang!” sagot ni Chloe sa kapatid

 

“Ha? Pano mo naman nasabi o nalaman yan ha?”

 

“Kasi, hindi niya nilagyan ng bawang yung niluto niya kanina eh napuna ni mama, ang sabi niya ayaw niya daw kasi!" pagkwekwento ni Chloe. 

“Hala! Nakakatakot naman. Dapat pala magpakabait talaga tayo sa kanya!,”, pahayag ni Jane.

“Oo nga eh, lalo na yan si Angelica. Naku! Napakamaldita pa naman nun paminsan. Baka unahin siyang kainin nun eh!”, takot na sabi ni Chloe.

“Ikaw din eh, makulit ka. Naku, wag naman sana.”, sambit ni Jane sabay turo ng kamay kay Chloe na tila nananakot pa.

“Subukan kaya natin siya bigyan ng bawang ate?”, tanong ni Chloe sa kaniyang kapatid na may binabalak na hindi maganda.


“Sige bigyan mo, pero huwag kang tatakbo kapag lumabas na mga pangil niya ha!”

“AAHH.. ate naman eh, nananakot pa!”, natakot si Chloe sa sinabi ng kapatid at kinalimutan nalang ang kaniyang binabalak.


Hindi naman mapigilan ni Jane ang tumawa dahil nainis nanaman niya ang kaniyang kapatid. Ganito kasi sila lagi magbiruan.

Ngunit sa kabila ng mga tawanan na yun, hindi maikakaila na takot na takot ang mga magkakapatid kay Aling Elsa. Lalo pa sa mga nalaman nila tungkol dito. Iniisip nila na baka isang araw, magpalit nalang ito ng anyo gaya ng napapanood nila sa mga pelikula. Paano na lang kung wala silang ibang kasama sa bahay bukod sa matanda? Hindi rin maalis sa isip nila na baka biglang mahati ang katawan nito pagsapit ng hating gabi. Sumagi nadin sa kanilang isipan kung saan maaaring iwan ng matanda ang kalahati niyang katawan kapag nahati ito. Napagplanuhan na nga rin nila kung paano nila lalagyan ng asin ang kabiyak ng katawan nito. Ganito kasi ang mga eksena sa pelikula. Kailangan mong mahanap ang kalahating katawan at sabuyan ito ng asin upang hindi makabalik ang aswang sa kaniyang “taong” pagkatao. Kapag nangyari yun, aabutan ng liwanag ang aswang at tuluyang mamamatay. Nakakatawa lang, dahil masyado ata silang naimpluwensyahan ng mga pelikula at kwento ng kababalaghan. Heto’t ang layo na nang nararating ng kanilang musmos na isipan.

House #38 - Completed (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon