Chapter 2

2.9K 88 0
                                    

Chapter 2

NAGISING si Odessa dahil sa sikat ng araw na tumatama sa kanyang balat. Nang imulat niya ang mga mata ay sumalubong sa kanya ang kisame na puno ng agiw, may nakita pa siyang sapot ng gagamba at namamahay pa doon ang isang malaking gagamba na kinakain ang insekto na binalutan nito ng sapot.

Bumangon siya at inisip ang nangyari sa kanya. Teka, bakit ba siya nandito? Bakit wala siya sa kanyang kuwarto kung saan ang kisame niya ay kulay pink at may design pa ni Mickey Mouse? At bakit nasa matigas na papag lang siya nakahiga! Nasaan na ang kama niya? Ang sakit tuloy ng likod niya!

Muli ay mariin siyang napapikit at pilit na inaalala ang mga nangyari. Napahawak siya sa kanyang noo para lang mabigla dahil merong bulak na nakapasak doon, hindi maayos ang pagkakalagay kaya naman nang mahawakan niya ay nahulog iyon. Bigla ay napasinghap na lang siya nang makita na may dugo sa bulak na iyon. Bigla ay naalala na niya ang nangyari sa kanya!

First monthsary pala nila ni Third pero nahuli niya itong may ka-sex sa condo unit nito at nang sumakay siya ng taxi ay may takas sa kulungan na kinarnap ang taxi na kinalalagyan niya at ngayon ay hostage siya nito!
Bigla siyang kinilabutan nang maalala ang lalaking balbas-sarado. Mabilis niyang tsinek ang sarili. Nakadamit pa naman siya at wala namang masakit sa kanya palatandaan na inabuso siya ng lalaki. Masakit nga lang ang ulo niya dahil sa malakas na impact ng pagkakauntog niya kanina. Pero hindi pa rin siya dapat na magtiwala! Malay ba niya kung hinipuan siya ng lalaki habang wala siyang malay?

Bigla tuloy siyang pinanlamigan ng katawan. Bumaba na siya ng kama at tsinek kung bukas ba ito. Swerte niya dahil hindi naka-lock iyon kaya naman dahan-dahan na binuksan niya ang pinto. Siniguro niyang walang langitngit na malilikha iyon. Nang magawa na ay lumigid siya sa may sala at doon ay nakita niya ang lalaki. Nakahiga ito doon sa mahabang upuan na gawa sa kawayan. Napatago tuloy agad siya sa pamgamba na baka magising ito pero hindi kaya naman humakbang siya palapit dito.

Nakita niya ang kanyang bag na nasa lamesang pabilog. Akmang kukunin na niya sana iyon nang mapansin ang mga bulak na nagkalat sa sahig, may kulay pula na mantsa iyon. Nang kunin niya ay nalaman niya na dugo pala iyon. Mabilis na umandar ang pagiging nurse niya at tsinek ang lalaki.

Ang balbas-sarado nitong mukha ay hindi naitago ang sakit na nararamdaman nito. Namumuo din ang pawis nito at tila nilalamig din dahil nakikita niya na nanginginig ang kalamnan nito. Napalapit siya ng husto dito at doon ay nakita niya ang braso nito. May bahid iyon ng dugo, halatang sariwa pa dahil masagana pa ring dumadaloy ang dugo kahit na may pressure na nilagay ang lalaki. May hawak kasi itong puting tuwalya at madiin na inilapat nito ang tuwalya doon sa sugat upang hindi masyadong dumugo.

Naiiling na inalis niya ang kamay nito na nasa sugat. Pero dahil sa ginawa niya ay nagising tuloy ito.

"A-anong gagawin mo?" Hirap na hirap ang boses na tanong nito.

"Gagamutin kita. Kailangan na matahi itong sugat mo dahil bumubulwak ang dugo dito."

"H-huwag na... 'di mo kaya."

"Alam ko ito, okay? I'm a nurse kaya-"

"M-may nakabaon na bala sa braso ko. Kaya mo bang tanggalin?"
Oh God! Bigla ay natigilan si Odessa. Nurse nga siya pero hindi siya surgeon! Nakakita naman siya ng procedure ng pagtatanggal ng bala kapag may mga gun shot accident na dinadala sa ospital pero never pa siyang nakapag-practice!

"U-umalis-"

"Kaya kong tanggalin ang bala na nasa braso mo." Mabilis niyang salo sa ibang sasabihin nito. Hindi niya alam kung bakit biglang lumabas sa bibig niya iyon pero kung pababayaan niya ito ay siguradong mamamatay ito dahil sa pagkakaubos ng dugo. She's a nurse. Tungkulin niya ang tumulong sa nangangailangan kahit na ba takas sa bilangguan ito ay may karapatan pa rin ito para sa serbisyo niya.

Shower Me With Your Love (Approved under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon