EPISODE 5 - BILLBOARD

87 3 0
                                    

"At ako si Superman hindi ko kayang lumipad, hindi ako mabilis at hindi rin ako malakas ngunit tatalunin ko ang mga kalaban at ililigtas ko ang mundo laban sa masasama Tara! Laro na tayo!."

ANG MGA HINDI KAPANI-PANIWALANG PAKIKIPAGTUOS NI SUPERMAN

Episode 5

"Ting! Tara na bespren!"

Nadatnan ako ni Superman sa harap ng bahay namin ng umagang iyon, bakasyon na kaya wala ng pasok at yun din ang araw na isasama kami nila Michael sa SM. Pero nung araw na yun parang ayaw kong maglaro, ayaw kong pumunta sa SM, ayaw ko lang talaga.

"Oh, bakit ganyan ang mukha mo bespren? Kunin mo na yung helmet mo at punta na tayo kela Michael at baka naghihintay na sila dun."

Hindi ako nakasagot sa tanong niya, may iba akong iniisip.

"Bespren, anong problema?"

"Birthday ko na kasi bukas."

"Oo nga birthday mo na bukas, swerte mo nga at makakapag-sm ka ngayon, libre pa, isipin mo na lang na sa iyo yung handa mamamaya!", paghirit ng bespren kong alam yatang may malaki akong problema.

"Yun nga eh, birthday ko na bukas pero baka hindi na naman uuwi si tatay. Masaya sana kung kumpleto kami sa birthday ko. Kapag tinatanong ko naman ang nanay ko kung kailan uuwi si Tatay, ang sagot niya lang lagi ay hintayin ko raw na bumaba siya sa bundok."

"Saan ba yang bundok na yan? Akyatin natin! Baka sa Mt. Kalugong lang!

"Hindi ko rin alam eh."

"Pero, tara na at mag-sm na tayo, uuwi din tatay mo!", hirit niya na naman para lang makumbinsi ako na sumama sa mall, pero ayoko talaga.

"Tara na, bespren. Alam mo, baka sa SM pa natin makita ang tatay mo!"

"Sa palagay mo?"

"Oo! Dali kunin mo na helmet mo!"

"Hindi na siguro uuwi yun..."

"Uuwi yun, kung hindi..."

"Kung hindi ano?"

"Lilipad si superman para lang makauwi ang tatay mo!"

"Weh, ni hindi ka nga makatalon paano ka lilipad."

"Alanganin naman ako! Siyempre tatawagin natin ang tunay na superman! Tara na, baka iwanan na tayo nila Michael! Sa sm na natin hahanapin ang tatay mo!"

"Sana nga..."

Sa sinabing iyon ni Superman ay nagbago ang pakiramdam ko, na-engganyo ako na mag-mall. Dali-dali kong kinuha ang kapa ko na gawa sa sako at helmet at naglakad papunta sa bahay nila Michael.

Habang naglalakad kami tinanong ako ni Superman: "Teka, may litrato ka ba ng tatay mo?"

Dali-dali kong inilabas ang isang piraso ng punit na dyaryo na binigay sa akin ng nanay ko para ipakita ang hitsura ng tatay ko.

Tiningnan itong mabuti ni Superman at sinabing, "Sikat pala ang tatay mo tingnan mo nga at nasa dyaryo pa, nakasulat pa – Wanted – ibig sabihin nun... kailangan siya, ang galing!"

"Ganun ba talaga ang ibig sabihin ng salitang "wanted", para kasing iba ang pagkakaintindi ni nanay sa dyaryo na yan eh."

"Ano ba bespren, eh simpleng english lang yan wanted means kailangan, magaling yata ako sa English ni Ma'am, kahit itanong pa natin sa kanya pagbalik natin sa skul."

"Sige na nga! Ikaw ang second honor ng klase natin eh."

Nang makarating kami sa bahay ni Michael, tama nga ang sinabi ni Superman, hinihintay nila kami, ang anim naming mga kaibigan ay nakasakay na sa van nila Michael. Mayaman sila Michael at ngayon nga ay napilit niya ang kanyang mga magulang na isama kami sa SM para sa kanyang birthday. Lahat sila ay nakasuot ng costume, kaming dalawa lang ni Superman ang may costume na hindi gaanong maganda.

ANG MGA HINDI KAPANI-PANIWALANG PAKIKIPAGTUOS NI SUPERMANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon