Mga Tagolilong

30 8 11
                                    


SA TAPAT ng isang tenement housing huminto ang motorsiklo. Bumaba na si Biboy mula sa motorsiklo habang ipinasok ng kasama niya ang sasakyan sa ibabang bahagi ng tenement na nakatalagang paradahan ng mga behikulo.

Nang matapos itong mag-park ay kinawayan siya nito na sundan siya. Saka pa lamang nito hinubad ang helmet at tumambad sa kanya ang maamo at magandang mukha ng isang babae. Hindi niya napansin kanina ang lampas-balikat na buhok nito na naka-pony tail.

Ngumiti sa kanya ang babae nang makitang nakamulagat siya rito. "Ba't parang nakakita ka ng multo?"

"Babae ka?" tanong niya.

Tiningnan siya ng babae na tila sinasabing, seryoso ba siya sa tanong niya?

"Esang ang pangalan ko. Halika, may gustong makakita sayo," sabi nito at nauna na itong umakyat ng hagdan paakyat sa hile-hilerang mga pintuan.

Isang matandang lalaking sa tantiya niya'y nasa 65 ang edad ang inabutan nila sa bahay na pinasok nila. Nakasalamin ang matanda at puro puti na ang buhok nito. Magiliw ang ngiting isinalubong nito sa kanya. Para siyang kilalang-kilala nito.

"Ang laki mo na," tila may pagmamalaking sabi ng matandang lalaki habang nakatingin sa kanya.

"Kilala niyo po ako?" maang na tanong niya.

Hindi siya diretsong sinagot ng kausap. "Iisang dugo lang ang nananalaytay sa mga ugat natin, Biboy Calderon. Dugo ng isang Tagolilong."

Hinubad nito ang salamin sa mata at inilapag iyon sa mesa. Kapagkuwa'y naglaho ang matanda na parang isang bula. Maya-maya'y bigla na lang umangat at lumutang sa hangin ang salamin ng matanda sa mata. Pumuwesto ito sa kung saan ito naroon nang suot pa ito ng matanda.

Natulala siya. Sa isang iglap ay muli niyang nakita ang matanda.

"Hindi ka nag-iisa, iho." sabi nito.


AKO SI Andoy, ang babaeng nagligtas sa'yo ay ang apo ko na si Esang. Gaya mo at gaya ko, may kakayahan din siyang maging invisible."

"Ako ang tumabig sa inumin mo kanina. Nakita ko kasing nilagyan iyon ng kung anong gamot ng lalaking kausap mo," wika ni Esang. Sa tingin niya'y mas matanda ito ng kaunti sa kanya. Ang ganda ng ngiti nito, pantay at maputi ang mga ngipin. Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya kaninang paakyat sila ng hagdan ang magandang katawan nito.

"Sino ba ang mga taong iyon? Ano ang kailangan nila sa akin?"

Napabuntung hininga si Lolo Andoy. "Alam kong marami kang tanong at sa abot ng aking makakaya ay susubukan kong sagutin ang mga gumugulo sa isipan mo."

"Ang kasaysayan ng ating lahi ay mas matanda pa sa panahon ng kastila. Wala pa ang mga kastila sa Pilipinas ay mapayapa nang nabubuhay ang mga Tagolilong sa ating isla. Noon ay takot pa ang mga kalahi natin na lumabas sa isla Tagotago. Nanatili ang mga ninuno natin doon bagama't may mga pagkakataong may dumadayo sa mga kalapit na isla ng Mactan o Bohol upang bumili ng ilang mga pangangailangan. Walang dahilan ang iba upang umalis sa isla. Kahit na ilang kilometro lang ang layo ng TagoTago sa Mactan na unang dinaungan ng mga Kastila, hindi nagawang sakupin ng mga dayuhan ang ating isla dahil walang nakaaalam na may mga taong nabubuhay doon. 

Hanggang isang araw ay may bangkang inanod sa dalampasigan ng isla. Panahon iyon bago maging presidente ang diktador. Isang lalaki ang sakay ng bangka at sugatan ito. Dahil likas na mabubuti ang puso ng mga Tagolilong, tinulungan nila ang lalaki. Ginamot at pinakain. Ilang linggo rin itong namalagi sa isla at natuklasan nito ang mga kakaibang kakayahan ng ating mga kalahi, maging ang mga kayamanang nakatago sa isla. Nang gumaling at lumakas ito ay iniwan nito ang isla."

Vanished (The Story of the Invisible Boy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon