Kabanata II

144 33 1
                                    

"Erica D. Valderama, 19-year old college drop-out. Na-suspend dahil sa pakikipagrelasyon sa isang university staff. Tama ba 'yon?" pag-uusisa ni Montellejo sa akin. Pinilit niyang maging magaan ang tono ngunit para halungkatin ang nakaraan ko? Gusto kong iuntog ang pango niyang ilong sa metal na lamesang pumapagitna sa amin.

"Oo." Pinag-krus ko ang aking mga braso. "Pero anong kinalaman ng mga 'yan sa nakaraan ko?"

Hindi napigilan ni Jakob ang pag-alik-ik mula sa likod ng kaniyang partner. Pinadalhan ko siya ng pamatay na tingin at agad niyang inilayo ang titig.

Pagkatapos ng nangyari kagabi, hindi na ako nakatulog. Nahanap ko ang sariling walang tigil sa pagsusulat. Hindi ko akalaing umaga na nang natapos ako. Ngayon ay ipu-proofread ko na lang ito bago ipasa.

Ngunit hindi pa rin ako nakatulog, alas otso ng umaga. Paulit-ulit kong binasa ang akda kong Anatomy, naghahanap ng tanda na maaaring makatulong sa misteryo kagabi.

Sumagi rin sa isip ko na baka guni-guni ko lang iyon. Ngunit upang makasiguro, dumeretso ako sa himpilan ng pulis para magreport. Ni hindi pa nga ako nakakaligo pero hindi naman ako nangangamoy.

Imbes na maramdamang ligtas ako, ang malamig na pilak na pader ng kwartong pinagdalhan sa 'kin ay mas bumabawas sa aking kumpyansa sa sariling katinuan. Pakiramdam ko ay papalapit ng papalapit ang mga ito sa akin sa bawat padyak ng aking paa.

"Miss Valderama?"

"Huh?" Ibinalik ako sa realidad ng boses ni Montellejo na umiling sa nangyari.

"Tinatanong ka lang namin para makita lahat ng anggulo. Kung iisipin, paanong sa loob ng ilang segundo lang ay nakapasok na ang tao sa kwarto mo nang hindi mo nalalaman?"

"Hindi kayo naniniwala, gano'n?"

"Miss Valderama, kilala mo ba si Alvin Montero?" sabad ni Jakob na nagpatigil sa tibok ng puso ko. Itinaas ni Montellejo ang kamay niya para patigilin ang kapareha na walang salitang umatras.

"Sinabi ko na sa inyo, wala akong kinalaman sa mga pagpatay na 'yan!" bulalas ko na kaagad kong pinagsisihan. Sa ginawa ko ay maaaring mas lalo nila akong pagdiskitahan.

Hindi ko lang kasi maatim na marinig ang pangalan ng lalaking 'yon.

"Gaya nga ng sabi ko," pagpapatuloy ni Montellejo, "tinitignan namin lahat ng posibilidad. Wala ka bang nakaaway na maaaring gustong gumanti sa pamamagitan ng pagframe up sa 'yo?" Pumunta ako rito na walang inaasahan mula sa dalawang 'to ngunit mukhang may utak din pala ang pulis na 'to at hindi lang tatamad tamad na gusto nang tapusin ang kaso sa lalong  madaling panahon na huhulihin niya kahit sino.

"S-si... Alvin Montero. Pero imposibleng siya ang gumawa ng pagpatay. Maigsi ang buntot ng gagong 'yon," tugon ko.

Bumakas ang pagkabigla sa mukha ng dalawa at napaisip ako kung may mali akong nasabi. "Ano 'yon?"

Magsasalita pa sana si Jakob nang tumayo ang kayumangging pulis. Inilahad niya ang kanang kamay sa akin na tinanggap ko sa isang hand shake. "Salamat sa pagpunta, Erica. Kung may mangyari uli, bukas ang himpilan ng pulis."

Pagkatapos ng interogasyon ay dumeretso na ako sa trabaho. May uniporma pa naman ako sa locker.

Palubog na ang araw at bumalik sa aking isipan ang naganap kagabi. Mabuti na lang at panggabi ang shift ko sa bar na pinagtatrabahuan ko bilang bartender.

Mabilis na lumipas ang oras habang nagsisisayawan ang mga parokyano ng Maxima. May mga bago ring mukha na tahimik na umo-order ng maiinom.

Ang ingay ay komportable sa aking pandinig. Hinayaan kong lunurin nito ang mga bumabagabag sa isip ko. Si Mama, Sabine, Alvin, Anatomy, at ang mensaheng iniwan para sa akin.

Stockholm SyndromeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon