Habilin

7 0 0
                                    


Sa aking huling mga sandali ako ay magsusulat.
Magsusulat ako ng mga salitang pinili kong ikubli noong una.
Noong mga panahong marami pa akong oras ngunit mas minabuti ko lamang palampasin.
Isusulat ko na sa wakas ang mga letra ng mga pintig na aking inalis wag ko lamang mapalis ang ngiti ng bayang iniibig.

Sa aking huling mga sandali ako'y magsusulat ng isang paalala.
Paalala na minsa'y mayroong isang ako na minsan nang nangakong gagampanan ang  tungkulin sa sarili, sa bayan.
Tungkulin na pinanumpaang tutuparin ngunit sa saliw ng makamundong aliw, ito ay naiwang nakabitin.
Nakabitin, nakasabit, naputol, naglaho, napako ng sungay na siyang tumatangay sa akin.

Sa aking huling mga sandali ako ay magsusulat ng isang paalala ng aking katinuan, ng aking kamusmusan.
Yaong mga panahong walang problema, yaong panahong nasa bisig pa ng aking ina.
Ang aking ina na siyang nagluwal at nagbigay buhay sa akin at nang sa panahon ng kalikuta't kabataa'y siya ring nagpabuwal sa akin.
Sapagkat siya sa amin ang liwanag ng tahanan kaya't sa buhay ko'y nagiisang tanglaw sa kadiliman ng kamunduhan.

Sa aking huling mga sandali ako ay magsusulat ng isang paalala ng aking katinuan, ng aking kamusmusan at ilalahad ko ang aking pakikipagtunggalian.
Kung paanong ang musmos na batang ako ay nabasag at nadurog ng mga sabi-sabing umaalingaw-ngaw mula sa bibig ng madla.
Kung paanong ang nagkukubling halimaw sa katauhan ko ay umosbong, gumapang, lumago, namunga, sumabog, nasugpo, natalo.
Sapagkat ang halimaw na siyang umupos sa katauhan kong batang musmos na binasag ng mga sabi ay habambuhay ng naibaon sa
ala-ala  natin.

Sa aking huling mga sandali ako ay magsusulat, magpapaalala, maglalahad, magpapaalam.
Dahil sa dinami rami ng aking sinabi ang uganayan nati'y dito rin mauuwi: isang usapang tutungo sa pagka-sawi.
Subalit lagi ninyong tatandaan aking mga giliw, pangalan niyo sa puso'y tila isang saliw.
Saliw ng mga iba't ibang tugtugin, ng melodiyang siyang maghahatid sa akin sa huling hahantungin, kasama sila, silang sa aki'y nauna at tulad ng pangako nila, doon kita'y tatanawin sa tuwina.

All right reserved 2016.
To God Be All The Glory.
AMGM.

Ink StainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon