Nakakalumong sigaw ang narinig ng isang residente mula sa katabing-bahay niya. Sigaw iyon ng babaeng mag-isang naninirahan sa maliit na bahay. Kalagitnaan na ng gabi ang mga oras na iyon. Agad niyang kinuha ang baril niyang nasa ibabaw ng aparador at mabilis na nagtungo sa katabing-bahay. Malagim na pangyayari ang kanyang nakita nang makarating siya sa bahay. Nakabulagta sa lapag ng kwarto ang walang buhay na katawan ng babae at naliligo sa sariling dugo. Napasigaw ang residente dahilan upang rumesponde kaagad ang ilan pang naninirahan sa lugar na iyon. Makalipas ang ilang buwan ay nakarinig nanaman sila ng isang sigaw ng babae mula sa isang bakery. Palubog na noon ang araw at ang ilang dumadaan sa lugar na iyon ay umusyoso na kaagad. Nakita nila ang babaeng nagmamay-aring nakahiga sa lamesang puno ng harina. May saksak sa dibdib na sa tingin ng mga taga-roon ay dahilan kung bakit agad na inagawan ito ng buhay. Isang malaking misteryo ito para sa mga otoridad na nag-iimbestiga. Mayroon pa silang hindi naayos na misteryo na pagkamatay ng isang dalaga sa sarili niyang bahay. Ayon sa resulta ng pag-susuri dito ay ginilitan ito sa leeg at sinaksak sa likod, naubusan ng dugo, at tuluyang namatay. Ngayon naman ay isang dalagang nagmamay-ari ng bakery ang napatay. Walang naiwan na ibidensya sa bakery maging sa bahay ng unang biktima.
Halos iisa lamang ang may gawa nito sa mga biktima. Iisa ang paraan ng pagpatay at iisa rin ang materyales na ginamit. Marami ang kumalat na mga tsismis at usap-usapan tungkol sa mga babaeng nabiktima. Marami ring haka-haka ang kumalat. Gaya ng mga nag-akalang may sikretong kalaguyo ang mga ito. Kasama sa mga ilegal na mga gawain at kung ano-ano pa. Ngunit ni isa sa mga balita ay walang patunay na iyon nga ang naging dahilan sa pagkamatay ng mga nasabi. Kung ano man ang motibo ng pumatay o kung sino man siya ay walang nakakaalam. Hinalughog ng otoridad ang dalawang lugar na pinangyarihan ng krimen. Mula sa salas, banyo, sa bawat kwarto, maging ang kasulok-sulukan ng bahay ay sinuri nilang mabuti. Sa paghahanap nila, iisang bagay ang nakikita nilang ibidensya. Ang mga liham na tila iisang tao ang pinagbibigyan ng sulat ng mga biktima patungkol sa relasyon nila.
Sumunod na pangyayari ay isang hagulgol na iyak ang narinig ng isang magsasaka malapit sa kakahuyan. Kasama ang kanyang bantay na aso ay tinungo nila ang pinanggalingan. Gabi na ng mga oras na iyon kaya tanging liwanag lamang ng buwan at ng lamparang dala niya ang nagbibigay tanglaw sa kanyang daanan. Dinig pa din niya ang hagulgol ng isang babae. Tila siya'y binuhusan ng malamig na tubig sa kanyang nasaksihan. Isang babae ang nakabitin patiwarik at sa lupa ay may matatalas na patalim na kapag naputol ang tali ay sigurado na ang kamatayan ng dalaga. Napansin niya ang isang pigura ng lalaki katapat ng dalaga. Kita niya na bumubuka ang bibig ng dalaga na tila may sinasabi pa ito sa taong nasa harapan niya. Ngunit hindi marinig ng magsasaka ang kanyang sinasabi kaya lalo pa siyang lumapit. Nagtago siya sa isa sa mga puno malapit sa pinagbibitinan ng babae.
"Maawa ka sa akin... P-pakawalan mo na ako... Pakiusap... Jack..." pugtong-pugto na ang boses ng dalaga sa pakikiusap sa taong nasa harapan niya na ayon sa kanya ay nagngangalan na Jack.Nasaksihan ng magsasaka ang lahat ng pangyayari ng gabing iyon. Kung paano pinatay ng taong iyon ang dalaga. Tumawag kaagad siya ng tulong mula sa mga otoridad at agad nilang sinuri ang katawan ng dalaga. Sigurado sila na iisa ang ginamit na armas sa pagpatay sa dalaga at ang mga naunang babae. Sa mismong araw rin na iyon ay tinanong ng mga nag-imbestiga ang magsasakang nakasaksi na hindi nag-alinlangan din na ibahagi sa kanila ang kanyang mga nalalaman. Kung paano ito pinatay at kung anong patalim ang nakita niyang ginamit ng kriminal. Lalo na, kung ano ang tawag ng dalagang pinatay nito sa misteryosong taong iyon. Dahil sa sigurado na silang iisa ang ginamit na armas sa mga babaeng pinapatay, dinugtungan nila ang pangalan nito. Simula ng araw na iyon, ang misteryosong taong iyon ay tinawag na...
"Jack the Reaper. . ."
"Tumigil ka nga Raven! Huwag mo naman akong takutin sa mga storya mo!" binato ng prinsesang si Genevieve ang kanyang butler ng unan dahil sa nakakatakot nitong storya. Kasalukuyang nasa loob sila ng silid ng prinsesa. Ayaw pang matulog ni Genevieve dahil intiresado siya sa sikretong iniimbestigahan ng kanyang ama. Gusto niyang sikretong pumunta sa study room ng kanyang ama. Pero heto siya ngayon, pinipigilan siya ni Raven gamit pa ang mga nakakatakot na mga kwento niya tungkol kay Jack the Reaper. Sa kabila ng katotohanang nakakatakot ang mga storyang tungkol sa kanya, paano nga kaya kung totoo siya? Paano kung makilala niya ito ng personal? Nakakatakot ba hitsura niya? Matangkad kaya siya? O gaya ng usap-usapan na isa siyang halimaw? Ilang beses nang ikinukwento ni Raven ito sa kanya pero mas nanaig sa kanya ang kuryosidad at kung saan ito nakuha ni Raven. Ngunit sa tuwing tatanungin niya ito ay iniiba niya ang usapan.
"Pero alam mo Raven? Paano kaya kung totoo si Jack? Nasisiguro ko sa iyo na ako ang kauna-unahang makakakilala ng katauhan niya at kung sino talaga siya."Napailing na lamang si Raven at dinampot ang unan na ibinato sa kanya ng prinsesa. Iniayos niya sa kama ni Genevieve at yumuko. "Matulog na po kayo prinsesa. Maaga pa po kayo bu--"
Natigilan ang lahat nang makarinig sila ng isang sigaw mula sa labas ng kwarto. Tumayo si Genevieve at nagtungo silang dalawa ng butler niya kung saan nanggaling ang sigaw na iyon. Nadatnan nila ang isa sa mga katulong na umiiyak at pilit na pinapatahan ng ibang mga katulong. Sinilip ni Raven ang kwarto kasunod sa likod ang prinsesa. Nagulat siya sa nadatnan niyang bangkay ng isa sa kanilang katulong na may busal ang bibig at halata ang ilang beses na saksak sa kanyang dibdib. Pakiramdam ni Genevieve ay masusuka siya sa nakikita niya ngunit nagpakatatag siya. Gusto niya ang mga bagay na ganito. Ang mag-ayos ng mga krimen na nangyayari kaya dapat lamang na makaya niya na makakita ng ganitong mga bagay. Lumapit si Raven sa bangkay at sa ibabaw nito ay may naiwang papel na nakatiklop. Kinuha niya iyon para mabasa ang kanyang kinatatakutan.
"Raven. Ano ang nakasaad?" buong lakas na tinanong ni Genevieve ang butler na nakatalikod sa kanya. Hindi ito sumagot kaya lumapit siya dito. "Raven!" Umikot si Raven para harapin ang prinsesa. Napabuntong-hininga ang butler niya dahil kitang-kita ni Raven ang pagiging matapang ng prinsesa. Tumingin siya sa papel na kapit niya at binasa niya iyon ng malakas. Hindi nila alam na pati ang hari, na ama ni Genevieve, ay nandoon na rin sa pinto at narinig ang nakasaad sa sulat. Lahat sila ay napaisip kung ano nga ba ang balak ng taong iyon. At hindi makapaniwala si Genevieve na totoo ang lahat ng narinig niya. Nahintakutan siya sa maaaring mangyari. Hindi imposible na gawin iyon sa kanya. Nakapasok na ito sa palasyo nang walang problema. Maaari pa rin itong makapasok ano mang oras. Napalunok silang lahat. Naalarma ang kanyang ama kaya pinahigpitan niya ang seguridad ng palasyo. Ang bawat papasok sa kwarto ay tanging may permiso lamang mula sa hari ang pinapayagan. Sinigurado nilang lahat na magiging maayos ang lahat. Dahil sa iniwang sulat ng taong iyon na naging babala sa kanilang lahat.
"Kahit sinong babae ang mapag-isipan kong patayin ay gagawin ko..." sandaling tumigil si Raven at nag-angat ng tingin sa prinsesa. Napansin niya na nandoon din ang hari kaya tinignan niya ito ng seryoso tsaka bumalik sa prinsesa. "Kahit pa ang prinsesa ng kaharian, si prinsesa Genevieve ay hindi ko palalagpasin...Jack the Reaper"
BINABASA MO ANG
Dark Shadow
Novela JuvenilNapakahilig ni Genevieve sa kung ano-anong imbestigasyon na halos ikapahamak niya. Ngunit dahil sa isang beses na ito'y nagpakita kay Jack ay tinangka na siya nitong paslangin. Sa kabila ng kagustuhan ni Jack na patayin si Genevieve ay hindi niya ma...