4th year high school ka noon. Isang masipag na estudyante. Mabait. At may maayos na itsura, minsan nga eh, sinasabi nilang gwapo ka. Lingid sa kaalaman ng iba na may tinatago kang lihim na mga tunay na kaibigan mo lang ang nakakaalam. Pero tanggap ka nila. At mahal ka nila kahit na ano man yung kasariang mayroon ka. Sinuportahan ka nila at hindi ka iniwan sa mga mahihirap na parte ng buhay mo.
Hanggang sa nahulog ang loob mo sa classmate mo. Matalino siya at mabait kaya walang duda na madaling nahulog ang loob mo sa kanya. Nagtutulungan kayo sa mga bagay bagay at okay na okay kayo.
Pero hindi naging madali ang mala-fairytale na palabas nang buhay mo. Maraming naging hadlang at may mga bagay na hindi lantad sa karamihan ang mayroon sa inyo. Pero tiniis mo yun dahil mahal mo siya. May mga panahon ding ikaw nalang ang umiintindi. Ikaw nalang ang nag-effort na kausapin siya at itext. Masyado na siyang busy sa academics niyo. Inintindi mo yun dahil nga alam mong running for valedictorian ang boyfriend mo.
Lahat ng pambabalewala, pagtatake for granted ay tiniis mo. Bakit? Kasi mahal mo siya. Nabulag ka nang saya na nadudulot niya at doon mo hindi nakita na hindi ka na pala ganon kahalaga sa paningin niya. Nabingi ka sa mga bulong-bulungan ng mga tao na mayroon na nga siyang iba. Naging manhid ka dahil ayaw mong maramdaman na ayaw na talaga niya. Iniwasan mo ang lahat nang ito. Pero dumating rin ang mga kinakatakutan mo. Dumating ang araw na ayaw mong dumating.
Dumating na yung araw na unti-unti na siyang kumakawala sa mga yakap mo, unti-unti nang lumuluwag yung mga kapit niya sa mga kamay mo. Unti-unti nang naglalaho ang mga sparks na naramdaman niyo. At doon, doon ka natalo.
Doon mo narealize na hindi ka mahalaga para sa taong pinapahalagahan mo. Na hindi bukas ang mga mata niya para makita kung anong worth mo bilang tao. Hindi niya nakita na may isang taong, handang hanapin sa buong mundo ang pinakamagagandang salita at ialay yun sa kanya. Hindi ka niya nakita. Hindi niya nakita na may gintong nasa harap na nya pero mas pinili pa nya yung silver. Na kumikinang ka na pero nagtago pa siya sa dilim. Masakit para sayong maramdaman yung ganito. Yung kahit hindi niya sabihin eh, ramdam na ramdam mo. Para kang pinupukpok ng martilyo nang milyong-milyong beses. Durog na durog ka. Madadaig mo nga yung paminta sa pagkapino mo.
Pero kumakapit ka pa. Kahit alam mo na kahit ilang kalabasa pa yung ipalaklak mo sa kanya, hindi na lilinaw yung mga mata niya para makita kung gaano kahalaga yung taong taong sinasayang niya. Na sa kabila ng mga pagkakamali at pinakabalugang kilos na ginawa niya, nandyan ka at patuloy na minamahal siya.
Oo, para kang nagpapakamatay sa ginagawa mo. Para mong pinapatay ng unti-unti yung sarili mo. Para kang tumalon sa 99th floor ng building. Para kang sinapak-sapak ni Pacquiao habang nakatali ka. Ganon, ganon yun kasakit. Ganon yun kabrutal. At hindi niya parin makita na sa bawat kakulangan niya, binibigay mo yung meron ka. At dahil doon, unti-unti kang nauubos. Unti-unti kang nagkukulang. Hanggang sa naubos ka na at wala nang natira para sa sarili mo dahil binigay mo lahat sa kanya.
Mahal mo parin siya. Mahal mo parin siya pero ayaw mo na. Mahal mo parin siya pero sawa ka na. Mahal mo parin siya pero pagod ka na. Mahal mo parin siya pero gusto mo nang lumimot. Mahal mo parin siya pero sanay ka na sa sistema mo. Mahal mo parin siya pero sumusuko ka na. Mahal mo parin siya pero ayaw mo na magpakatanga. Mahal mo parin siya pero ayaw mo na sa taong hindi makita kung gaano ka kahalaga. Pero masakit parin. Hindi niya sinasabi sa'yo pero ramdam na ramdam na nang puso mo.
BINABASA MO ANG
Set You Free
Короткий рассказ• Ang masakit kasi doon, na-friendzoned ka. • Ang masakit kasi doon, mahal ka lang niya kasi libog siya. • Ang masakit kasi doon, hindi niya makita ang halaga mo. • Ang masakit kasi doon, mahal mo siya, mahal ka niya pero mas mahal niya yung isa. •...