Bullied

206 5 2
                                    

                                                                        Bullied

                                                                     10-13-13

                Hindi ka pinapansin kapag nandyan ka. Pinagtatawanan ka sa lahat ng bagay. Binabantayan lahat ng kilos mo. Walang gustong makipag pares sa’yo kapag may groupings. Walang gustong makipagsayaw sa’yo sa ‘twing may mga party. Kapag nagsasalita ka, hindi ka pinapakinggan. Ginagawa kang alalay. Hindi ka makatanggi sa ginagawa nila. Pinagsasalitaan ka ng masama. Social Isolation.

                Maaaring hindi natin napapansin ang mga bagay na ito. Maaaring tingin natin, normal pa rin ito. Pero, nung grumaduate ako sa mga ganyang bagay, kaya ko pa lang naisip. Kaya ko pa lang napagtanto na bullying na rin pala ang sinapit ko. At ngayon ko lang naisip na masakit pala ‘yon. Oo, tanga na kung tanga. Pero noon, hindi ko kasi kayang lumaban. Hindi ko kayang umangal. Kung ‘yan, ‘yan na. Hindi na ako makatanggi.

                Anti-bullying law (RA10627). Meron nang ganyan sa Pilipinas. Pero bakit nga ba nauso ‘yan? Bakit nauso ang bullying sa mga estudyante? Hindi ba nila alam na malaki ang epekto na idinudulot nila sa mga biktima nila?

                Oo. Biktima nga ako. Ngayon ko lang naisip. Kaya pala sa ‘twing uuwi ako nung highschool ako sa bahay, agad na akong dumidiretso sa kwarto, tapos higa sa kama. Kaya pala kapag natatapos ang klase namin, umuuwi ako agad. Ni ayaw kong makita ako ng mga kaklase ko. Kasi, takot ako. Natatakot akong mapahiya sa kanila. Natatakot akong may mali na naman sa kilos ko. Kaya pala ganon.

                Ngayon ko lang din naisip na kaya pala ang dali dali kong umiyak nung highschool ako. Kaya pala sa ‘twing mag isa ako sa loob ng kwarto ko, umiiyak na lang ako ng basta basta. Nang dahil pala ‘yon sa mga kaklase kong wagas makapanglait sa akin. At nawawalan na rin akong ganang kumain. Nakaya ko ngang hindi kumain nun ng isang araw. Hindi ko rin alam kung bakit ayaw kong kumain, basta ang alam ko, wala akong gana. At kaya pala.. Kaya pala naisipan kong tapusin na lang ang buhay ko. Oo, 16? 16 ako noon. Sa murang edad na iyan, maraming beses ko nang naisipang gawin ang ka hindik hindik na bagay na ‘yan.

                Sa mga bullies, bakit niyo ba ginagawa ‘yan? Para mapakita niyong malakas kayo? May kaya? Siguro may ibang bullies na hindi napapansin ang mga nagagawa nila. Siguro, gusto lang talaga nilang magpahiya ng kapwa nila. Ngayon, may napapala ba kayo nyan? Para sa lahat ng mga taong ang tingin sa akin ay mahina, gusto ko lang magpasalamat sa inyo. Tingnan niyo nga ako ngayon? Isang article ang nasulat ko nang dahil sa mga ginawa niyo. At ‘wag kayong mag alala, malakas na ako ngayon. Marami nang mga taong nakakakita ng mga kaya kong gawin, hindi tulad niyo na tanging mga kahinaan ko lang ang pinapansin niyo. Tingin niyo nga sa akin, wala akong ma ibubuga. Aber, bakit? Kayo ba, meron?

Random ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon