Chapter 1

30.4K 795 146
                                    

Gian

Tumama ang ulo ko sa salaming bintana ng bus nang mapunta sa lubak ang sasakyan, nagising ako. Narinig ko na tumawa ang katabi kong batang lalaki. Nang tignan ko siya, tinutok niya ang tingin sa hawak na psp.

Hinawi ko ang kurtina sa tabi ko at nasilayan ang mga punong nadaraanan namin. Tinignan ko ang oras sa cellphone ko, tatlong oras na ang nakalipas simula nang umalis kami sa bayan ng San Isidro. Malapit na akong bumaba. Kinabahan ako bigla. Matagal na rin simula nang huli akong nakapunta rito.

Makaraan ang labing limang minuto, huminto ang bus sa bus stop ng Puting Burol. Ako lang ang nag-iisang pasahero na bumaba. Mataas ang sikat ng araw at maalikabok ang kalsada. Sumilong ako sa waiting shed na may natatanggal nang pintura. Sinuot ko ang sunglasses ko at kinuha ang cellphone mula sa bulsa ng backpack ko.

Napabuga ako nang hangin at bumagsak ang balikat ko nang makita kong walang kahit na isang signal ang cellphone ko. Lagot. Paano ako nito makakapunta kina Lola? Tumingin ako sa daan, wala man lang akong makitang tricycle. Hinila ko ang itim kong travel bag at nagsimulang maglakad.

Hindi sementado ang daan kaya naman ang itim kong Vans ay nabalutan kaagad ng alikabok sa paglalakad ko. Naakit akong alisin ang flannel shirt ko at mag-sando nalang pero masyadong mataas ang sikat ng araw at masakit ito sa balat. Inaliw ko nalang ang sarili ko sa mga nakikita ko sa paligid. Maraming pananim sa magkabilang gilid ng daan, mga palay at iba pang mga puno. May mga nakikita rin akong mga hayop katulad ng kambing at kalabaw. Wala pa akong nakikitang mga tao rito. Ang mga bahay naman nila ay nasa malayo at malalaki ang distansya sa bawat isa.

Ang lakehouse ni Lola, sa pagkakatanda ko, ay ang dead end ng lugar na ito. Iyon na ang pinaka-dulong bahay na makikita rito. Kaya siguro wala ring mga tricycle na dumaraan.

Napahinto ako sa paglalakad nang may marinig akong papalapit na sasakyan. Galing ito sa direksyon na pinanggalingan ko kanina. Nakita ko ang isang kulay puting Toyota land cruiser. Huminto ito sa tabi ko at bumaba ang tinted nitong salamin.

"Hi!" bati ng isang babaeng naka-strawhat. Mukhang kasing edad ko lang siya. Nakaupo siya sa front seat. Isang lalaking mukhang teenager din ang nagma-maneho ng sasakyan. "Saan ang destinasyon mo?"

Inayos ko ang strap ng bag ko. "Sa lakehouse."

"Ah, student ka rin sa Leonora?" nakangiti niyang tanong. "Halika, sumabay ka na sa amin."

Saglit akong nag-alinlangan dahil sa bilin ni Mama na hwag sasama sa kung kani-kanino lang lalo na sa hindi kilala. Pero may sasakyan sila at mas mapapabilis ang dating ko roon kung makikisabay ako. Hindi rin naman sila mukhang masamang tao.

"Okay lang ba?" di siguradong tanong ko.

Tumawa saglit ang babae. "Oo naman. Medyo malayo 'yon, mabibilad ka sa araw. Masakit sa balat 'yan."

Ngumiti ako. Binuksan ko ang pinto sa passenger seat at una kong ipinasok ang luggage ko saka ako sumunod. Nang nai-sarado ko na ang pinto ng sasakyan, agad na itong umandar. Nakaramdam ako ng tensyon sa loob. Para tuloy gusto kong pagsisihan na sumakay ako. Ramdam ko ang mainit na tingin sa akin ng lalaking driver mula sa salamin. Parang galit siya sa akin. Kilala ba niya ako?

"Ako nga pala si Jessica. Jessie nalang ang itawag mo sa'kin," pakilala niya. Tinapik niya sa balikat ang driver. "Ito naman ang boyfriend kong seloso, si Rupert."

"I'm Gian, nice to meet you." Tinanggal ko ang suot kong sunglasses. Pinunasan ko ang namuong pawis sa noo ko.

"Bagong estudyante ka sa Leonora?" tanong ni Jessie.

Saving Prince Charming by Alesana_MarieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon