Chapter 5

11K 619 54
                                    

"Guys!!!" sigaw ni Allison na humahangos ng takbo papasok ng silid.

Kaagad kaming napahinto sa mga ginagawa namin na pag-aayos ng props at napatingin sa kanya. Kung anuman ang sasabihin niya, mukhang mahalaga iyon.

Isang malapad na ngiti ang pinakita niya sa amin.

"Dumating na si Lola Nora!!!"

Binitawan ko ang brush na hawak ko at nangungunang tumakbo pabalik sa lakehouse. Sa tapat nito, nakita ko ang itim na sasakyan na kahihinto pa lang. Bumukas ang pinto nito sa passenger seat at lumabas si Lola. Gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko.

"Lola!!!" tawag ko habang tumatakbo papunta sa kanya.

"Giana!" masayang sabi niya nang makita ako. Binuka niya ang kanyang mga braso at niyakap ako nang mahigpit. Bakas ang tuwa sa mukha niya nang tinignan niya ako. "Giana, apo ko. Ang laki mo na. Na-miss ka ni Lola. Sobra!"

"Lola," bulong ko saka pumikit at dinama ang init ng yakap niya. Naamoy ko ang pamilyar niyang pabango.

"Halika sa loob, maraming gustong malaman si Lola tungkol sa'yo."

Masaya akong tumango at sumama sa kanya.

***

"Nagulat ako nang malaman ko na pumunta ka rito. Matagal na nang huling beses kang nag-bakasyon dito. Pero mas nagulat ako na malaman na pinayagan ka nina Isobel na dumito muna," sabi niya habang umiinom ng tsaa sa tasa. Nandito kami sa loob ng kanyang opisina. May malaking bintana rito na kitang kita ang lawa at mga puno.

"Hindi po ako nag-paalam kina Mama at Papa na pupunta ako rito. Nang tinawagan ko po sila, nandito na ako kaya wala silang nagawa para pigilan ako. Busy din naman po sila masyado e."

"Diyos kong bata ka, mabuti at walang nangyaring masama sa iyo. Hwag mo na ulit pag-aalalahanin nang ganoon ang mga magulang mo," nag-aalalang sabi niya.

Napayuko ako. "Ayokong bumalik sa kanila, Lola."

Ginagap niya ang mga kamay kong nakapatong sa mesa. May pang unawa sa kanyang mga mata at may bahid ng pag-aalala. Nakikita ko sa mukha niya ang mukha ni Mama. Kung katulad lang siguro ng kay Lola ang mga mata ni Mama... Pero sa loob ng anim na taon na lumipas, nahihirapan akong tignan si Mama nang diretso. Hindi ko kayang salubungin ang mga mata niya na may repleksyon ng naging kasalanan ko noon.

"Ano ang problema, apo?" usisa niya.

Huminga ako nang malalim para alisin ang bigat sa dibdib ko. "Sa tingin ko po kasi Lola, maghihiwalay na sila ni Papa. Kapag nangyari po 'yon, ayokong mamili sa kanilang dalawa kung kanino ako sasama. Lola, pwede bang dito nalang ako sa inyo?"

"Giana," malungkot siyang ngumiti. "Kahit ano'ng oras, pwede kang pumunta rito. Bukas ang pinto ng bahay na ito para sa'yo."

Umiling ako. Hindi iyon ang gusto kong iparating. "Lola... pwede po ba akong dito tumira kasama ninyo? Dito na rin po ako magko-kolehiyo."

"Malaking desisyon 'yan. Nakausap mo na ba sina Isobel tungkol dyan?"

Napangiti ako nang mapait. "Lola, malaki na po ako. Kaya ko na pong magdesisyon para sa kinabukasan ko."

"Apo, mga magulang mo parin naman sila. Dapat lang na malaman nila ang plano mo sa buhay. Pero sumasangayon ako sa iyo. Dapat ay mag-desisyon ka kung ano ang gusto mong gawin sa buhay mo. Pero Giana, gusto kong sundin mo kung ano talaga ang nasa puso mo. Sa tingin ko, hindi dito ang lugar na 'yon."

Medyo nasaktan ako sa sinabi ni Lola. Parang pakiramdam ko kasi ay pati siya, itinataboy ako.

"Lola, paano po kayo nakasisiguro na hindi dito 'yon?"

Saving Prince Charming by Alesana_MarieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon